Ika-apat na Kabanata: Haraya

396 23 7
                                    


Si Mama. Wala naman akong ibang hiniling kung hindi ang makita siya, masaksihan kung pa'no niya kami alagaan ni Papa pero hindi ko inaasahan na sa pagkakataon na makakita ako, wala na siya sa mundong ginagalawan ko.

Itinago sa'kin ng aking mga magulang na may sakit siya at tumigil na siya sa pagpapagamot at mas pinili niyang ipagpalit ang buhay niya para lang makita ko ang ganda ng mundo na ikinu-kwento nila sa akin mula pa noong bata ako.

Pero sa totoo lang, nagdadalawang-isip ako kung maganda nga ba ang mundo...o masyado lang ako umasa sa k'wento nila at naghangad ng higit pa sa aking nalalarawan sa aking imahinasyon.

Ramdam ko pa rin ang malambot niyang palad na humahaplos sa aking pisngi ngunit hindi na iyon mainit kagaya ng dati. Ang kaniyang kaaliwalasan at kapayapaan ay hindi ko na maramdaman sapagkat napalitan na iyon ng isang masidhing pagod at kalungkutan.

Nakita ko siya pero hindi na siya ang aking ina. Sa kaniyang pagbalik, kasama niya na siya. Hindi ko maintindihan kung bakit ni minsan ay wala siyang ginawang kung ano sa'kin pero ga'non na lamang ang takot ko sa kaniya.

Hindi ko malimutan na siya ang unang sumalubong sa aking paningin ng una akong makakita. Sa sulok ng silid tahimik siyang nakatayo at nakamasid. Nginitian ko pa nga siya ngunit hindi ko inaasahan na isang ismid ang isusukli niya sabay lapit sa'kin at ibinulong na hindi lang isang biyaya ang pagkakaroon ko ng paningin.

Lagi lang siyang nakaabang.

Nagawa ko pang itanong sa aking ama kung sino siya pero nabigla lang ako na malaman na apat lamang kaming nasa loob ng silid. Ako, si Papa, ang doctor at ang isang nurse.

Sabi ng doktor ay dala lamang iyon ng paninibago ng akin paningin, pero mata lang naman ang nagbago sa akin hindi ang aking pandinig dahil malinaw kong narinig ang kaniyang sinabi pero hinayaan ko nalang.

Hindi naman din nagtagal, nalaman ko rin mismo kung sino at ano ba talaga siya, o mas tamang sabihin na sila.

Sa tuwing nakikita ko siya o kusang loob siyang nagpapakita ay kapahamakan lamang ang dala niya marahil iyon ang dahilan kung bakit gano'n na lang ang takot ko sa kaniya. Takot na baka sa susunod ako na ang sinusundo niya.

"Sean," Malamig na wika ng aking ina kasabay ng pag-agos ng luha sa kaniyang mata bago siya naglaho.

Iniisip ko nalang na ginagabayan niya pa rin ako kaya hindi pa rin siya tumatawid sa kabilang mundo.

* * * *

"Boyfriend mo kasama mo kanina Ate Cleo?" Inosenteng pang-uusisa ni Tracy patungkol sa kasama ko kanina habang nasa hapag-kainan kami. Para akong nahirinan sa mga salitang binitawan niya.

"Kumain ka nga ng kumain d'yan. Ang bata mo pa kung anu-ano tinatanong mo." Pasimangot naman isinagot ni Strace ang kapatid niya kaya naman natawa kami nila Mama sa kanila pero si Papa halatang hindi natuwa sa narinig niya.

"May hindi ka ba sinasabi?" Seryosong tanong ni Papa na hindi man lang nakatingin sa akin kung hindi ay sa kaniyang pinggan habang pinagpapatuloy ang pagkain. Nakaramdam ako ng kaba hindi naman dahil sa tanong kung hindi sa tono ng pananalita ni Papa. Malapit naman sa'min si Papa at hindi siya gano'n kahigpit pero marahil na rin siguro na parehong babae ang anak niya, e ganito na lang ang tono ng pananalita niya.

"Sa totoo lang..." Medyo kinakabahan akong sabihin na kanina ko lang siya nakilala lalo sa mga tono ni Papa. "Kanina ko lang po siya nakilala." Wika ko na tila ako lamang ang makaririnig. Napalunok ako saka agad na rin tumayo mula sa aking kinauupuan matapos kong kumain.

Matapos ng hapunan, nagprisinta akong maghugas ng pinggan pero nagpilit si Strace na siya nalang kaya hinayaan ko na. Sina Mama ay nasa sala at kami na lang ang naiwan sa may kusina na para bang nagpapakiramdaman.

Balintataw (to be published by Lifebooks)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant