Ika-Siyam na Kabanata: Balintataw

358 23 11
                                    

Madilim.

Isang walang hanggang kadiliman ang sumalubong sa aking paningin nang ako ay dumilat. Natalisod, nadapa, wala akong kahit anong bagay na makapa o mahawakan man lamang. Nabibingi ako sa labis na katahimikan ng lugar na hindi ko man lamang alam kung saan. Nababalot ito ng lubhang nakalulungkot na pakiramdam na tila humihila sa aking upang tumigil na.

May mahihina akong bulong na naririnig pero kahit saan ko man ilibot ang aking panginin ay karimlan ang sumasalubong sa aking paningin, ngunit sa isang dako ay napansin ko ang isang tao na naglalakad papalayo.

Hindi man maabot ng aking paningin ang kan'yang mukha, alam ko sa aking sarili kung sino ang babaeng nakikita ko, sa pagkakataong ito, sigurado na ako. Ang babaeng iyon ay walang iba kung hindi ako.

Ako ay nakatayo lamang habang tahimik na nakamasid sa aking sarili na naglalakad papalayo hanggang tuluyan na siyang naglaho sa aking paningin.

Nararamdaman ko ang sakit sa aking mga binti at mga paa na para bang nangangalay na. Nararamdaman ko ang bigat ng bawat hakbang. Nararamdaman ko ang bigat ng aking katawan. Nararamdaman ko ang bigat ng kalooban.

Pagod na ako. Ayoko na.

Sa isang iglap ay tuluyan nang naglaho sa aking paningin ang lahat at ang tanging nararamdaman ko lang ay masidhing kalungkutan. Nanlalamig ang aking pakiramdam, nanlalamig ang aking katawan. Ilang saglit lang ay nadama ko na ang patuloy na pag-agos ng luhang nag-uunahan sa aking pisngi.

"Cleo!" Sigaw nang isang pamilyar na tinig ngunit hindi ko malaman kung saan nagmumula. Kahit sa'n ako lumingon ay ay binubulag ang aking paningin ng walang hanggang karimlan.

"Cleo!" Pag-ulit n'ya. Isang malamig na palad ang dumampi sa aking mukha

Pamilyar ang eksenang ito.

Naghihintay ako na bumagsak sa kung ano o hindi man kaya ay magising mula sa isang masamang panaginip pero hindi.

"Cleo!" Umalingawngaw sa aking tainga ang malakas na pagsambit ng aking pangalan at naramdaman ko na lang ang mahigpit na paghawak sa aking panga.

Unti-unti nang nagliwanag ang aking paningin at sinalubong ang nag-aalalang mata ni Sean.

"Napapano ka ba?"

Natatakot ako.

Walang humpay ang pag-agos ng aking luha sa aking mata.

"Pinag-uusapan nila ako, Sean ialis mo ako rito." Pagmamakaawa ko sa kaniya.

Hindi naman siya nagdalawang-isip at inuwi ako sa amin. Ni hindi ko man lang namalayan na hindi lang pala ako tatlumpong minutong nanatili sa klinika ng aming opisina.

"Anak, ano bang nangyayari sa iyo?" Tanong sa'kin ni Papa pero pinili ko na hindi sumagot. Sa aking harapan naman ay nakaluhod ang aking ina na tila inaamo ako. Hindi ako kumibo at umiyak lang ako.

Natatakot ako...

Paulit-ulit sa aking isipan ang sarili kong tinig. Tumayo na lang ako at hinawi ang kanilang mga kamay sa akin. Naririnig ko ang kanilang tinig pero hindi ko pinansin.

Malinaw na ngayon sa akin ang lahat. Ang babae...ang tumatangis, ang walang buhay na babae ay ako. Nakakatawang isipin. Paano ko naman sasabihin lahat ng ito sa kanila? Nagkulong ako sa aking silid at tinangkang sundan ni Strace pero bago pa man niya abutin ang aking pintuan ay hinarap ko na siya.

Balintataw (to be published by Lifebooks)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz