Ika-Walong Kabanata: Karimlan

288 21 11
                                    

Marahan ang bawat hakbang ko na para bang ayaw kong makarating sa kung saan man ako patungo. Sa isang pasilyong tila walang katapusan ay natagpuan ko na lang ang aking sarili na mag-isang naglalakad.

Puti ang paligid. Malinis at payapa. Ito ay napalilibutan ng malamlam na kulay na siya pa lalong naghahatid ng bigat ng aking damdamin. Ang tanging kulay lamang na hindi nababagay sa silid na aking nilalakaran ay ang kulay ng dugo na patuloy na umaagos sa aking katawan pababa sa aking mga kamay at paa. Bawat aking daanan ay natutuluan ng pulang likido na nagmumula sa aking katawan. Ang damit kong kulay puti rin ay namantsahan na — isang mantsa na madaling tanggalin ngunit hindi ang isang ala-ala.

Halos wala na ako sa aking sarili nang ako'y umupo sa bakanteng upuan sa isang gilid ng pasilyo. Upuan na tila nilaan para sa akin. Ipinahinga ko ang hapo kong katawan, isinandal ko ang aking likuran, ipinikit ang aking mga mata at iniyukom ang dalawang kamay.

Wala na si Papa.

Inilagay ko ang aking braso sa aking mga mata at muling umiyak na parang bata. Parang dinudurog ang puso ko sa sobrang sakit ng aking nararamdaman. Hindi ko kaya ang ganitong pakiramdam.

Ako na lang mag-isa.

Ang mundo ko na nagliwanag mula nang makakita ako ay tila bigla na lang bumagsak muli sa walang hanggang kadiliman.

Patuloy ang aking paghagulgol sapagkat ito lamang ang alam kong paraan na kahit paano makakatulong sa akin para gumaan ang aking pakiramdam ngunit hindi. Hindi sapat na maubos ang luha ko upang maibsan ang sakit ng pagkawala ng aking magulang.

Masakit sa aking pakiramdam nang iwan kami ng aking ina. Pero pakiramdam ko ay mas masakit ang iwan ako ng aking ama. Masakit makita sa harapan ko mismo kung paanong nasagasaan ang aking ama at wala man akong nagawa. Kahit pa nakuha kong tumakbo upang saklolohan siya ay huli na.

Papa...

Gusto kong sumigaw at magwala. Gustong umiyak nang husto na parang bata...pero hindi ko magawa. Wala ang sakit ng sugat ko kung ikukumpara sa sakit ng kalooban ko sa oras na ito. Huminto ang lahat. Napakibilis ng pangyayari pero pakiramdam ko ay ito na ang pinakamatagal na sandali ng buhay ko.

Nagsimula nang muling umikot ang mundo. Iba-ibang tao ang nagdadaan sa aking harapan kaya't pinili kong yumuko na lang. Hanggang makita ko ang pares ng paa na nakatayo sa aking harapan. Unti-unti kong iniangat ang aking ulo upang tignan siya.

"Paumanhin pero wala na talaga." Sambit niya. Isang katotohanang ayaw kong marinig at katotohanan na mahirap tanggapin.

Wala na akong nagawa kung hindi asikasuhin ang lahat. Agad kong tinawagan si Manang dahil siya na lang ang taong masasandalan ko sa sandaling ito. Kahit anong pilit ko na pakalmahin ang aking sarili ay hindi ko magawa. Halos wala man akong mabuong maayos na pangungusap nang tawagan ko si Manang dahil sa aking pag-hikbi.

Hindi man ako naghintay ng matagal at dumating na siya at hinagkan ako. Isang mainit na yakap na kailangan ko.

~ * ~

Naayos na namin ang lahat. Bumuhos ang pakikiramay mula sa aming mga kamag-anak, sa mga kaibigan at ka-trabaho ni Papa. Ang aming bahay na iilan lamang ang nakatira ay napuno ng iba-ibang tao. Nagmistulang isang malaking pagsasama ngunit sa hindi magandang okasyon. Ilang araw na ang lumipas at wala na akong nakita kung hindi kulay itim at puti. Sa dami ng tao na dumadalo, hindi ko na alam kung sino ba sa kanila ang tunay at hindi.

"Magkape ka muna iho," Sabay abot sa akin ni Manang ng mainit na kape. Inabot ko na lang at dinama sa aking palad ang init.

"Manang, masaya kaya niyan si Papa?" Wika ko habang walang emosyon na nakatanaw sa himlayan ng aking ama.

Balintataw (to be published by Lifebooks)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon