Ikalawang Kabanata: Malikmata

627 33 17
                                    

Malakas na sigawan, mga taong nagtakbuhan, maingay, magulo...

Basag na salamin...dugo.

Halos nabingi ako sa malakas ngunit mabagal na tunog ng kampana na maririnig sa 'di kalayuang simbahan at nanlabo ang aking paningin sa mga namuong luha sa aking mata. Ngunit sa kabila nito ay hindi sapat para hindi ko makita ang nangyari sa isang iglap. Napasinghap ako at ang aking mga kamay ay nakatakip sa aking mga labi upang pigilin ang paghikbi na nais kumawala.

Kung nakita ko ng mas maaga baka may nagawa ako.

Nabasag ang kapayapaang namamayani sa liwasan nang isang malagim na aksidente ang naganap. Isang sasakyan ang nawalan ng kontrol at tuluyang sumagasa sa mag-ina patungo sa isang puno.

Dugo...puro dugo ang paligid. Ang kaninang bata na mayroong inosenteng mukha ay halos hindi ko na makilala. Nakahandusay ang katawan ng kaniyang ina na naliligo rin sa sarili niyang dugo nang tumilapon siya sa hindi kalayuan samantalang ang bata naman ay naipit ang kaawa-awang katawan sa pagitan ng puno at sasakyan. Kalunos-lunos ang kaniyang kalagayan na halos humiwalay ang ilang bahagi niya sa kaniya at gaya ng kaniyang ina ay naliligo rin s'ya sa sariling dugo. Ang kaniyang maliit na pangangatawan ay halos naimpis buhat sa pagkakaipit.

Ang masamang panahon na kanina'y nagbabadya pa lamang ay tuluyan ng bumuhos na tila'y nagluluksa sa pagkawala ng isang buhay. Patuloy ang pagpatak ng mabigat na ulan kasabay ng pag-agos ng mapulang dugo mula sa kanilang katawan.

Nabigla na lang ako nang may humawak sa aking braso at ako'y hinatak papalayo.

"Miss! Ayos ka lang ba?" Wika ng lalaki sa aking harapan ngunit hindi ko maaninag ang kaniyang mukha dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan kasabay sa patuloy na pag-agos ng aking luha. "Muntik ka na ring mahagip no'n, akala ko tatamaan ka." Pagpapatuloy n'ya.

"Cleo!" Narinig ko ang tinig ni Strace. Sa aking paglingon ay hindi ko na tuluyang napigilan ang aking paghagulgol. Akay niya si Tracy na umiiyak din malamang dahil sa takot. Kung ako na dalawampu't tatlong taong gulang na ay nakaramdam ng masidhing takot, si Tracy pa kaya na walong taong gulang lamang?

"Halika, umuwi na tayo," Paghatak niya sa akin mula sa lalaki.

"Pero...pero ang mag-ina, 'yung bata..." Aking wika sa pagitan ng aking hikbi.

"Mayroon nang tumawag ng tulong para sa kanila." Pagsabat ng isa pang lalaki.

"Salamat sa pag-aalala sa pinsan ko, pero mauna na kami."

Mula roon ay hinatak na ako ng aking pinsan palayo sa lugar. Mayroong sinasabi si Strace ngunit hindi ko na naiintindihan dahil puno na ang aking isip sa mga nangyari ngunit malinaw kong narinig ang salitang namutawi sa bibig ng estranghero na nagmagandang-loob na tumulong sa akin.

Muli kong nilingon ang pangyayari, nahagip ng aking paningin ang batang babae na nakatayo sa gitna at patuloy ang pagtangis habang nagkakagulo ang tao sa kaniyang paligid. Ang bigat sa dibdib na malaman na kanina lamang ay kabilang siya sa mundong aking ginagalawan ngunit ngayon ay hindi na.

Ang kaniyang tinig na nagsusumigaw sa paghingi ng tulong at patuloy na pagsusumamo sa kaniyang magulang ay paulit-ulit kong naririnig sa aking tainga. Hindi lang ang pagkawala ng kaniyang buhay ang kaniyang ikinakatakot kung hindi ang iba pang hindi kanais-nais na nakapaligid sa kaniya. Mga nilalang na walang mukha, mga nilalang na hindi kaaya-aya ang hitsura, mga pangkaraniwang halimaw na kinatatakutan ng mga bata. Totoo silang lahat, hindi sila kathang-isip lamang.

Humihingi siya ng tulong pero wala akong nagawa.

Basa ako ng ulan nang sumakay kami pauwi sa bahay. Tumahan na si Tracy at piniling matulog sa balikat ng kuya n'ya. Napalingon rin ako sa kay Strace na nahihimbing rin. Inihilig ko ang aking ulo sa bintana habang minamasdan ang mga patak ng ulan na nag-uunahan pababa sa salamin ng sasakyan. Hinawi ko ang hamog na namumuo sa bintana at nakita ang malakas pa rin na pagbagsak ng ulan.

Balintataw (to be published by Lifebooks)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon