Burn Book ni Jep - Part 4

46.6K 561 61
                                    

Burn Book ni Jep – Part 4

Anim na taon kami sa elementarya. Anim na taon din akong nagpapansin sa kanya. Anim na taon din niya kong hindi nakita.

Hindi ko ba alam kay Zaira kasi. Hindi ko naman tinatago sa kanya yung nararamdaman ko. Lagi-lagi ko nga siyang nililibre pag recess eh. Pag pinagbabaon ako ni Mama, hindi ko siya nakakalimutang hatian. Pag may class presentation, siya lagi ang partner ko (kung hindi man, aawayin ko yung partner niya para magpalit kami). Pag Valentines lagi ko siyang binibigyan ng chocolate. Pag Christmas nga, may gift siya lagi sa akin kahit hindi naman siya ang nabunot ko. Binigay ko naman lahat ng senyales eh. Hindi lang niya ko pinansin.

Minsan tuloy may duda ako. Hindi kaya binobola lang nila ko pag sinabi nilang pogi ako?

Mabilis ko ring napabulaanan yung dudang yun pagtuntong namin ng high school. Andaming nagkakagusto sa akin. Ewan ko nga eh. Andaming nagsasabing gusto nila ko, sabay yung gusto ko naman, iniisnab lang ako.

Yung isa nga eh,  si Aryan. Ang ganda-ganda niya. Para siyang artista sa TV. Ang hinhin pa niya at ang bait. Meron yung isang araw tinabihan niya ako at nagtanong kung nagagandahan ba ako sa kanya. Eh di siempre sinabi ko yung totoo, na nagagandahan nga ko. Nasa classroom kami nun. Ilang minuto pa ko nakatingin kay Zai na nasa kabilang dulo ng classroom at nakikipagkuwentuhan sa mga bago niyang kakilala. Hinuhuli ko yung tingin niya, hindi man lang niya siya lumingon sa akin. Tinanong ni Aryan kung gusto ko daw ba siyang maging girlfriend. Wala sa sarili akong napa-oo.

Mabilis pa sa alas-kwatro kumalat na agad yung balita na girlfriend ko si Aryan. Medyo inconvenient, pero aminado akong hinayaan kong kumalat yung tsismis para malaman kung ano ang reaksyon ni Zaira. Isang beses may mga nang-aasar sa amin ni Aryan, ginagatungan pa ng iba naming kaklase. Nakikitawa lang si Zai. Parang hindi naman siya naapektuhan. Wala siyang pakelam na may girlfriend ako. Grabe lang. Tagos.  

Nasaktan ako, kaya pinanindingan ko na lang yung pagiging boyfriend ni Aryan. Hindi ako magsisinungaling, it felt nice holding a girl’s hand. Lalo na pag gaya ni Aryan, na maliban sa pagiging maganda ay mabait din at sweet. May mga kaklase pa kong nagsasabi na ang suwerte ko daw at ako ang napili niya. Ngumingiti lang ako pag ganun, saka bitter na magnanakaw ulit ng tingin kay Zai. Bakit ba hindi man lang niya ko lingunin?

 

Tumakbo pa yung “relationship” namin ni Aryan ng ilang linggo, hanggang sa hindi rin ako nakatiis at sinabi ko rin sa kanya yung totoo, na hindi ko siya pwedeng maging girlfriend kasi may gusto akong iba. Nagalit si Aryan sa akin. Hindi ko alam kung anong pumasok sa kukote niya at inassume niyang si Irish daw ang dahilan. Si Irish na naka-partner ko lang naman sa PE na may crush sa akin pero hindi ko naman pinapatulan.

Pinagpilitan kong hindi si Irish yun, ibang babae, pero hindi ko binanggit kung sino. Hindi naniwala sa kin si Aryan. Isang buong taon siyang nagalit sa akin.

Mas lalo pang gumulo yung sitwasyon nung pumasok sa eksena si Irish. Ewan ko din sa babaeng yun kung bakit niya inassume na magsyota na kami nung i-break ko si Aryan, eh hindi naman ako nanligaw sa kanya. Nariyang tinatabihan na ako, hinahawakan yung kamay ko, tinetext ako ng “I love you po. Tsup.

Mabait naman akong nagsasabi na nami-misunderstand yata niya, pero hindi niya ko pinapansin (Hindi ko alam kung bakit walang pumapansin sa akin). Tapos biglang nagalit siya kasi yung kay Raie. Yung Raie na taga-ibang section na nakakatext ko lang, at isang beses ko lang nakausap sa likod ng CR nung magtapat siya sa aking gusto daw niya ko.

Sinampal ako ni Irish sa gitna ng covered court nung malaman niya yun. Napahiya ako sa harap ng maraming tao.

Hiyang-hiya ako kay Zai nung araw na yun, lalo na nung pauwi kami.  

“Syinota mo talaga yung Raie?” tanong niya sa akin, may halong panunudyo yung boses.

Hindi ko nga syinota yung si Irish eh, si Raie pa, gusto kong sabihin. Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso, nilamon ako ng sobrang hiya. Gusto kong ikwento sa kanya lahat, gusto kong ipaliwanag kung ano yung nangyari. Pero natakot ako. Natakot akong pagtawanan niya ako at isipin niyang bogaloids ako. Si Zai pa, of all people, na pinakaayaw kong pag-isipan ako ng ganun.

Sa huli’t huli wala akong nasabi.

Dati pa talaga eh. Naguguluhan na talaga ko sa mga babae.

The Ex-Girlfriend ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon