Burn Book ni Zai - Part 7

50K 844 218
                                    

Burn Book ni Zai – Part 7

I’ll tell you what I did pagdating ko ng bahay, pero feeling ko nahulaan mo na.

Umiyak ako ng umiyak.

Hindi pretty girl tears na nakikita mo sa TV, kung saan yung bidang babae nakaupo sa isang sulok na sapo ang dibdib habang tahimik na tumutulo ang luha at nanginginig ang pang-ibabang labi. Sa totoo lang hindi ko talaga ma-gets kung pano nila nakokontrol nang ganun yun.

Kasi ako pag umiiyak, ngumangawa akong parang batang inagawan ng kendi.

Wala akong pakialam kung nagtataka yung mga kapitbahay ko kung sino yung ngumangawa sa Room 13P.

Masakit eh. Putek lang talaga, masakit.

Masakit yung malaman kong walang pag-asa na magkagusto sa akin si Jep.

Masakit na isipin na pagkatapos nung gabing hinalikan ko siya at hinalikan niya ko kung saan nagkagulo-gulo ang mundo at utak ko, ang unang ginawa ni Jep eh lumabas at mag-hunting ng iba na namang babae.

Masakit na ang ganda pa ng ngiti kong lumabas ng bahay, puno ng pag-asa na baka naman ito na yun, ito na yung overdue na happy ending ko.

Pero alam mo kung anong pinakamasakit talaga?

Yung umasa pa ako in the first place.

Yun ang pinakamasakit: na malaman ko kung gaano ako kalaking tanga.

Marami na akong nagawang katangahan sa buhay ko, pero itong katangahang to? Tinaob nito lahat ng katangahan ko. Shit lang, tinaob na ata nito lahat ng katangahan sa mundo.

Ilang taon, goddamnit, ilang taon akong umasa sa Zai-Jep love story na yan?

Ilang taon akong muntangang kumakapit lang kay Jep, hindi sigurado kung may aasahan, pero umaasa pa rin?

Ang sakit. Anak ng putek, ang sakit.

Nahagip ng mata ko ang Ex-Girlfriend Chronicles.

Binuklat sa pinakahuling pahina at nagsulat.

EX #14 ELAINE (Wala akong paki)

FVCK YOU JEFFREY YLAGAN.

 

Gusto ko talagang silaban yung notebook. Gusto kong pagpupunitin at ipakain kay Jep lahat ng pages. Labing apat na babae hindi ako. Labing apat na relationships na walang kinalaman sa akin. Labing apat na pagkakataon na hiniling ko para sa sarili ko pero binigay ni Jep sa iba.

Umupo ako sa sahig at ngumawa nang ngumawa.

Tumutunog yung selpon ko. Wala akong pakialam.

May kumakatok sa pinto ko. Wala akong pakialam.

The Ex-Girlfriend ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon