XIII

245 110 23
                                    

ELVIRA/ LIORA

Pinagmasdan ko ang aking sarili sa harap ng salamin. Parang ayaw kong paniwalaan na nasa katawan ako ng fictional character na si Liora ngunit iisa lang ang aming itsura.

Sarili ko talaga ang nakikita ko sa salamin. Nagsisimula na ring sumakit ang ulo ko sa kaiisip kung ano'ng hakbang ang dapat kong gawin. Marami ring bagay ang bumabagabag sa akin.

Sumapit na rin ang gabi, narito na ulit ako sa aking silid dahil nga pinagbawalan akong lumabas. Nawala lang ang atensyon ko sa salamin nang may kumatok sa pintuan bago ito bumukas.

Pumasok si Lady Ruelle na may bitbit ng isang tray ng pagkain. Kasunod niya ang isa ring babaeng lingkod na bitbit ang aking kasuotan. Lumabas din agad ito matapos nitong ilapag sa aking kama ang susuotin kong pantulog.

Kulay puti ito, na abot hanggang sa talampakan. Kung pwede nga lang na magsuot ako ng short at maluwag na t-shirt, kaso nga lang ay wala ako sa sarili kong mundo.

"Kumain ka muna, mahal na prinsesa. Pagkatapos ay pwede ka na maligo sa banyera,” ani Lady Ruelle matapos niyang ilapag sa lamesa ang tray.

Tumayo ako at lumapit sa kanya.

Hindi pa ako nakakapag-hapunan kaya nakaramdam ako bigla ng gutom nang maamoy ko ang mabangong aroma galing sa mga pagkain.

"Lady Ruelle, mayroon ka bang alam na pwede kong mahingian ng tulong?” Hindi na ako nagdalawang-isip na magtanong.

Nangunot ang kanyang noo. "Mahingian ng tulong? Para saan, Prinsesa Liora?"

"Para sa aking problema," sagot ko agad.

"Ano ba ang bumabagabag sa iyo? Anong problema ang iyong dinadala? Maaari mo sa aking sabihin, baka ako'y makatulong."

Nahihimigan ko sa tinig niya ang pagkakaroon ng malasakit. Oo nga pala, isa siya sa higit na pinagkakatiwalaan ni Liora. Isa siyang tapat na lingkod ng prinsesa, kaya siya lagi ang nilalapitan ni Liora kapag may problema siya.

Umiling ako at malalim na bumuntong-hininga. Hindi rin naman niya maiintindihan kahit na sabihin ko pa sa kanya ang totoo. Hindi na rin ako mapakali, gusto ko na talagang bumalik sa dating ako. Sa totoo kong mundo, pero sino ang makakatulong sa problema ko?

"Kung ano man ang bumabagabag sa iyo ay narito lang ako. Hindi mo naman kailangan na sarilihin ang mga gumugulo sa iyong isipan. Maaari mo rin sa amin itong ibahagi para ika'y aming tulungan. Lalo na ang iyong ina, huwag lamang kay Dukesa Sidony," mahaba pa niyang dagdag kaya tiningnan ko siya.

Kanina ko pa napapansin na may kakaiba sa kanya tuwing nadadawit ang pangalan ni Dukesa Sidony sa aming usapan.

"Ano bang meron kay Dukesa Sidony? Bakit ganyan na lamang ang iyong tinig at tila may kinikimkim kang galit?" tanong ko.

Napayuko siya, kahit hindi siya nakatingin sa akin ay nahuli ko pa rin kung paano dumaan ang takot sa kanyang mga mata.

"Patawad, mahal na prinsesa. Ngunit hindi mo na po siguro kailangan malaman ang tungkol ---"

"--- nais kong malaman, Lady Ruelle. Sabihin mo sa akin, ano'ng meron sa inyong dalawa ni Dukesa Sidony? May hidwaan ba sa pagitan ninyong dalawa?" putol ko sa sasabihin niya.

Hindi ako titigil at mas lalong hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman ang dahilan niya. May kasabihan man na curiousity killed the cat, pero paano kung ito ang maging dahilan upang magkaroon ako ng mga kasagutan?

Malalim siyang bumuntong-hininga.

"Dahil siya po ang nag-utos sa asawa niyang si Duke Andreas na magpataw ng mabigat na parusa sa aking magulang," aniya na nagpakunot sa aking noo.

The Cursed Princess (Resurrection Series #3)Where stories live. Discover now