PROLOGUE

669 217 47
                                    

"Elvira, hija. Sila na ang bago mong pamilya. Sila na ang kikilalanin mong magulang," nakangiting salita ni Sister Laura. Isa sa mga madre na nag-aalaga sa amin dito sa bahay ampunan. Hawak niya ang magkabila kong balikat.

Nahihiya naman akong tumingin sa dalawang taong nasa harapan ko ngayon. Nakikipaglaro lang naman ako sa mga kaibigan ko rito nang tawagin na lang ako bigla ni Sister Laura. Ang sabi niya'y ipakikilala na raw niya ako sa mag-asawa na mag-aapon sa akin. At narito na sila para kunin na ako.

"Napakaganda mong bata, hija." Ngumiti ang ginang na nasa harapan ko matapos niyang sabihin 'yon.

"Ako si Mabel, ang magiging Mommy mo," masaya pa niyang sabi.

"At ako naman si Leonard. Simula sa araw na ito, Daddy na ang itatawag mo sa akin," wika naman ng katabi niyang lalaki.

Kilala ko na sila sa kanilang mga mukha. Madalas silang nagpupunta rito sa bahay ampunan dahil isa sila sa mga nag-aabot ng tulong dito. Bukod doon ay para maghanap ng bata na kanilang aampunin at ituturing na anak.

At ako ang batang napili nila.

Tuwing nagpupunta sila rito ay palagi silang may dalang mga laruan, damit at mamahaling tsokolate. Ayon sa kuwento ni Sister Laura, mabait at mayaman sila. Isa ako sa maswerteng bata na aampunin ng isang mayamang pamilya.

"Huwag kang mahiya. Hindi kami masamang tao," turan ni Mrs. Mabel.

Hinawakan niya ang kamay ko at marahan akong hinatak palapit sa kanya. Naupo rin siya sa harapan ko upang pumantay sa 'kin.

"Gusto mo ba magkaroon ng bagong mama at papa?" tanong niya.

Yumuko ako at marahang tumango.

Isa ako sa mga bata sa bahay ampunan na ito na naghahangad na magkaroon ng magulang. Ilang buwan na ako rito. Mula nang mawala sina inay at itay dahil sa aksidente ay sa bahay ampunan na ako napadpad.

Nawala sila nang mawalan ng preno ang sinasakyan naming bus habang pauwi kami sa probinsya. Nahulog sa bangin ang sinasakyan namin.

Marami sa mga pasahero ang nasawi, ilan ang mga sugatan at nakaligtas. Ngunit sa kasamaang-palad, ako lang ang nakaligtas sa amin. Nakakalungkot lang din dahil wala kahit isa sa mga kamag-anak namin ang may gusto na umampon sa akin.

Lagi kong naririnig sa kanila na ayaw nila na may dagdag palamunin sa pamilya nila. Binalak pa nila ako na ibenta sa ibang pamilya, kaya hindi ako nagdalawang-isip na lumayas hanggang sa napadpad ako sa bahay ampunan na ito.

"Elvira, makinig ka."

Tiningnan ko si Mrs. Mabel, ngumiti siya at masuyong hinaplos ang aking buhok.

"Natatakot ka ba sa amin?" tanong niya.

Lumunok ako. "O-Opo," utal kong pag-amin.

Kinakabahan ako, at natatakot.

Naririnig ko kasi sa ibang mga bata na napupunta raw ang ilang mga bata sa malulupit na pamilya. Ilan lang daw ang sinuswerte, dahil akala ng iba ay sa mabuting kamay sila mapupunta, pero ang totoo ay hindi.

Sabi nila, matalino ako. Siguro nga, oo. Dahil sa edad kong siyam na taong gulang ay medyo matured na akong mag-isip. Alam ko na ang tama at mali. Marunong na akong umintindi sa ilang mga bagay, lalo na sa mga nangyayari sa aking paligid.

Kagaya na lamang ng sinasabi ng ilang matatanda sa amin. Na maghintay lang kami at babalik pa raw ang aming magulang, pero ang totoo ay hindi na. Kinuha na sa akin sina inay at itay.

Ulilang lubos na ako, at kailanman ay hindi na nila ako babalikan. Masakit man na isipin, pero alam kong hindi na ulit mabubuo ang pamilya namin. Tanging alaala na lang nila ang naiwan sa akin.

The Cursed Princess (Resurrection Series #3)Where stories live. Discover now