XI

270 128 28
                                    

ELVIRA / LIORA

Kahit nababalot ng kaba ang dibdib ko ay pinilit ko pa rin na tatagan ang sarili ko. Bahala na kung ano man ang mangyari, ang mahalaga ay maging matalino ako sa mga makakasalumuha ko, lalo pa't wala ako sa totoo kong mundo.

“Ikaw ay napakarilag, mahal na prinsesa. Nababagay sa iyo ang kasuotan mo,” nakangiting saad ni Lady Ruelle. Naiilang ko lang siyang nginitian. Hindi ako sanay sa kasuotan ko. Masyado itong mahaba at umaabot hanggang sa aking talampakan. Pero ano ang magagawa ko? Ito ang kanilang kasuotan.

“Halina‘t naghihintay na sila sa piging, tiyak na silang lahat ay nasa bulwagan na at hinihintay ang iyong pagdating.”

Tango ang sinagot ko.

Huminga pa ako nang malalim upang pakalmahin ang aking sarili, lalo na ang puso kong ka‘y bilis ang tibok. Nauna na akong lumabas sa aking kwarto bago sumunod si Lady Ruelle.

Nahinto lang ako nang makita ko si Deimos sa labas at naghihintay. Oo nga pala, sinabihan ko siya na huwag umalis dahil gusto ko na samahan niya ako sa piging.

Pinagmasdan ko siya, bagay sa kanya ang kanyang kasuotan na eskudo de armas. Sa itsura niya ay mukha siyang knight shining armor.

“Handa ka na ba, mahal na prinsesa?” tanong niya. Kahit kinakabahan ay tumango pa rin ako. Dinala na nila ako sa bulwagan, kung saan gaganapin ang piging. Bawat hakbang ko ay siyang bilis ng tibok ng puso ko.

Ilang minuto lang ang tinagal hanggang sa tuluyan kaming nakarating sa banquet hall. Ang mga Sentinel na nagbabantay sa papasok at labasan ng bulwagan ay agad na nagbigay galang sa akin.

“Nandito na po tayo,” mahinang turan ni Lady Ruelle sa akin.

“Narito na ang mahal na prinsesa.” Isang malakas na tinig ang aking narinig sa loob bago bumukas ang kulay gintong double door.

Pumasok kami sa loob kaya inikot ko agad ang buo kong tingin sa paligid. Maganda at magara ang banquet hall. Malawak din ito, kaya sigurado ako na dito nagaganap ang pagtitipon o pagdiriwang ng mga nasa kataas-taasan ng Aurorium.

Napupuno ng mga ginto at pilak ang mga kagamitan, mayroon ding iba't ibang klaseng bulaklak na kay gandang pagmasdan.

Ngunit ang higit na nakapukaw sa atensyon ko ay ang mahabang lamesa, kung saan nakaupo ang mga taong hindi ko kilala. Marami ring mga pagkain ang nakahanda sa lamesa at mukhang ako na lang ang hinihintay nila.

"Ang aking prinsesa,”

Para akong na estatwa nang makita ko ang isang babae. Masaya siyang lumapit sa akin. Maganda rin ang kanyang suot na gown. Kagaya ko ay may suot din siyang kulay gintong korona ngunit iba ang disenyo nito at sukat. Mas malaki ito kumpara sa suot ko ngayon.

Mayroon itong batong pang-alahas na mahahalatang mamahalin. Ito ay may amatista at sapiro, na tila sumisimbolo ng dangal, karunungan, katapatan at higit sa lahat ay ang kalinisang-budhi.

Hindi ko alam kung ano ang una kong ire-react habang nakatitig ako sa maganda niyang mukha. Gusto kong maiyak dahil biglang nanumbalik ang pangungulila ko sa tunay kong magulang.

Bakit kamukha niya ang aking ina?

Humalik siya sa aking pisngi bago niya hinawakan ang dalawa kong palad.

“Kumusta ang ‘yong pakiramdam?”

Hindi ako nakasagot. Nanatili lang akong nakatitig sa kanya, bakas sa aking mukha ang kaguluhan at hindi makapaniwala. Halatang siya ang reyna, subalit bakit kamukha niya ang totoo kong ina? Ang aking ina na matagal nang namayapa?

The Cursed Princess (Resurrection Series #3)Where stories live. Discover now