Selda Katorse

1.2K 78 59
                                    

Selda Katorse

Ni: Ofelia Angeles

 NAPATINGALA si Myralyn sa mataas na gusali na nasa kanyang harapan. Matindi ang init na tumatagos sa kanyang balat dahil umpisa na ng summer. Habang ang karamihan ay abala sa mga planong swimming, picnic at mga summer escapades, heto naman siya at tumutupad sa tungkulin bilang alagad ng Diyos.

Habang nakatingin sa gusali, huminga siya nang malalim, kasabay ang pagtulo ng mga butil-butil na pawis sa kanyang noo. Umusal siya ng maiksing panalangin bago tuluyang pumasok sa loob.

 Araw ng Biyernes ngayon, at ito ang araw na ibinigay ng pamunuan ng malaking bilangguang iyon sa kanya sa bayan ng San Pedro, upang magpahayag o mangaral ng salita ng Diyos. Bilang isang misyonera, at isang taong may paniniwala sa Diyos, tinanggap niya ang hamon sa kinabibilangang sekta ng relihiyon na magpahayag ng salita ng Diyos sa kulungan. Kasama ang ilan ding misyonero't misyonera, tinanggap nila ang misyong ito upang maimulat ang mga bilanggo na may pag-asa kung may Diyos silang kinikilala..

 Dahil first time iyon ni Myralyn, naiwanan siya ng kanyang mga kasama kaya nag-iisa siyang lumakad upang makasunod sa mga ito. Agad naman siyang pinapasok ng mga guwardiya. Nadatnan niya ang ilang kasama na may kanya-kanya nang kausap o pinapangaralan ng Bibliya. May iba kasing bilanggo na ayaw makipag-usap sa kagaya nila, umiiwas ang mga ito. May ibang tinatawanan lang sila. Ngunit tanggap at batid niya ang katotohang iyon. Bahagi iyon ng kanilang pagiging maka-Diyos, at sa pag-asang maihayag ang daan sa kaligtasan ng bawat isa.

 Sa kanyang paglalakad upang makahanap ng mga taong kanyang aakayin sa pagbabagong buhay, nakatawag pansin sa kanya ang isang lalaking tahimik lamang na nakatingin sa kawalan. Sa malawak na bulwagang iyon kung saan tumatanggap din ng mga dalaw ang mga preso, nag-ipon ang iba't-ibang uri ng mga taong pinaparusahan sa kanilang nagawang kasalanan. May mga masayang nakikipagkwentuhan sa kanilang pamilya at dalaw, may ibang nagkakantahan ng praising songs, may mga nagbabasa ng Bibliya, at ang lalaking kanina pa niya pinagmamasdan ay animo'y wala sa sarili, tila may sarili itong mundo na walang pakialam sa nangyayari sa paligid.

 "Magandang araw po," paunang bati niya dito sabay ngiti. Sinulyapan lamang siya nito at muling itinuon ang pansin sa pagkakatitig sa kawalan. Tumikhim siya, at binalak pa sanang magsalita ngunit naunahan siya nito.

 "KUNG ANG balak mo ay pangaralan ako, masyado na akong matanda para diyan. Isa pa, matagal na akong walang komunikasyon sa Diyos," ang sabi nito ngunit hindi man lang natingin sa kanya. "Kinuha na Niya ang lahat sa akin... Ang dangal ko, ang pangalan, tiwala ng mga kaibigan, at lalo na ang pamilya ko," dagdag pa nito. Damang-dama niya ang pait sa tinig nito, at ang sakit na dulot ng paghihinagpis. Hinayaan niya lang itong magsalita, na pakiwari ba niya'y sa ganung paraan ay gagaan ang bigat na nakadagan sa dibdib nito. Ngunit nagkamali siya. Mula sa mahinang tinig na pagsasalita nito ay napalitan iyon ng galit na puno ng paninisi at panunumbat. "Sa tindi ng pagsubok na binigay Niya sa 'kin, at sa lahat ng kaligayahan kong inalis Niya, sa tingin mo ba maniniwala pa ako sa mga salita Niya?! Malupit Siyang Diyos! Wala Siyang awa!"

 Bahagya siyang napapitlag sa pagtaas ng boses nito. May ibang napatingin sa gawi nila at nagsimulang magbulungan, tapos ay tawanan na.

 "Nag-aaksaya ka lang ng oras mo diyan, miss." wika ng isang naroroon, sabay umiling-iling.

NSC 2015 - Preliminary StageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon