Liham

364 49 42
                                    

LIHAM

Ni: Khelielove

Nagmadaling nag-ayos ng gamit si Fiona nang marinig ang code red warning. Pagkatapos niya magbihis ay mabilis siyang umakyat ng trak. Umalingawngaw sa buong kapaligiran ang tunog na nanggagaling sa sirena ng trak ng mga bumberong kanyang sinasakyan.

Nang makarating sila sa nasusunog na bahay ay agad tumalon si Fiona at pinasadahan ng tubig ang mga apoy na nadaraanan niya. Nalaman niya na may tao pa sa loob kaya mabilis itong sumugod kahit pinipigilan siya ng kanyang mga kasamahan dahil hindi pa nila natitignan kung saan pwedeng dumaan.

Hirap na hirap si Fiona baybayin ang tinahak na daan paakyat, dahil ang ibang daanan ay makipot at medyo natutupok na ng apoy. Pero itinuloy niya pa rin, tanging nasa isipan lamang niya ay dapat mailigtas ang taong naiwan sa loob.

Pagkadating ni Fiona sa taas ay agad niyang hinanap ang taong naiwan. Laking gulat niya nang makita ang isang lalaki na nakatayo lamang at nakatingin sa labas ng bintana na para bang hindi nag-aalala sa nagaganap na sunog. Mabilis niya itong nilapitan at hinigit para makalabas na sila agad.

"Bumaba na tayo bago pa matupok ng apoy ang bahay ninyo," nagmamadaling sambit ni Fiona sa lalaki.

"Ayoko!" matigas na sagot nito. Hindi ito pinansin ni Fiona, sa halip ay hinatak niya pa rin ang lalaki para makalabas na sila.

"Sino ka ba! Sabi ng ayoko! Dito lang ako maghihintay sa kanya!" sigaw ng lalaki.

Nainis na si Fiona sa pagmamatigas nito, kaya hinigit niya ulit ang kamay ng lalaki at pasigaw na nagsalita, "Ano bang sinasabi mo? Lahat ng kapamilya mo ay nasa baba na, ikaw nalang ang naiwan dito! Bumaba na tayo sa ayaw at sa gusto mo!"

"Dito lang ako, babalikan niya ako rito! Umalis ka na, hindi ako sasama sa'yo!" iritableng tugon ng lalaki.

Nakaramdam naman ng awa si Fiona, kitang kita niya ang lungkot sa mga mata ng lalaki at nakakasigurado siyang may pinagdadaanan itong mabigat. Pero kailangan na niyang kumilos, kailangan na nilang makalabas.

"Nahihibang ka na ba? Magpapakamatay ka ba? Sa tingin mo babalikan ka pa ng taong hinihintay mo kapag wala ka na sa mundo?" wika ni Fiona na nagpatahimik sa umaalmang lalaki.

Sinamantala ni Fiona ang pagkakataon, mabilis niya itong hinila pababa at maayos silang nakalabas ng bahay. Sinalubong naman sila ng mga kamag-anak ng lalaki. Nang makita ni Fiona na okay na ito ay bumalik na siya sa tapat ng bahay at tinulungan ang kanyang kasamahan na masugpo ang apoy.

Kinabukasan, pagpasok niya sa trabaho ay sinalubong agad siya ng kanyang mga kasamahan at binati sa matagumpay na misyon.

Ngumiti siya sa mga ito at lumapit sa kaibigan para magtanong tungkol sa pamilya ng nasunugan. "Bianca, sino nga pala ang pamilya nang nasunugan kahapon?"

"'Yong iniligtas mo? Sila ang mga Santiago," sagot ni Bianca.

Nanlaki ang mata ni Fiona nang marinig ang sinabi ng kaibigan, "Santiago? Ang kilalang mga batikang doctor sa lugar natin?"

"May tama ka! At ang iniligtas mo ang nag-iisang anak nila. Doctor na rin 'yun."

"Oh talaga?" biglang sabi ni Fiona.

"'Wag mong sabihin na hindi mo 'yun kilala ha?" Tumango naman si Fiona bilang pagsang-ayon.

"Grabe hindi mo nga kilala ang guwapong doctor na 'yun. Magbasabasa ka nga! Nga pala pinapasabi ng head na bawasan daw muna ang paggamit ng vacation leave dahil mas madami ang nasusunugan ngayong summer. Grabe! Nakikisabay sa matinding init ang mga sunog!"

NSC 2015 - Preliminary StageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon