Ang Lihim Sa Likod Ng Itim Na Bakunawa

19 1 0
                                    

KABANATA 15


NGUMITI SI ALICE at humakbang palapit kay Hyrome at sinabing. "Hyrome salamat at dumating ka."

Akmang hahawakan na sana ni Hyrome ang mga kamay ni Alice, nang biglang umalingawngaw na naman sa pandinig niya ang boses ni Darkeros at sinabing. "Hyrome! Ang lahat ng mga bagay na makikita mo ay ilusyon mo lamang!"

Bago pa man mahawakan ni Hyrome ang kamay ng dalaga ay nakaatras na si Hyrome palayo dito. Napatitig siya sa mga mata ng dalaga at dito ay napagtanto niyang nililinlang na lamang siya ng itim na bakunawa.

Napailing si Hyrome. "Nagawa mo man na gayahin ang magandang mukha ni Alice, pero hindi ang kaniyang mga mata!" sabi niya, habang nakatitig sa itim na mga mata ng bakunawa. Muli ay naging matapang na naman ang kaniyang mga tingin, kasabay nang pagkuyom muli ng kaniyang mga kamao.

Napaismid ang bakunawa na nasa wangis ng magandang si Alice, at muling napalibutan ng itim na usok at marahang nanumbalik sa anyo nito bilang isang itim na bakunawa. Tila dismayado ang awra ng bakunawa. Tuloy-tuloy lang ang pagbuga nito ng itim na usok sa kaniyang ilong.

Natigilan si Hyrome nang mapagtanto na wala siyang dala na kahit anong sandata laban sa itim na bakunawa. Akmang ibubuka na naman ng bakunawa ang kaniyang bibig nang marinig na naman ni Hyrome ang boses ni Darkeros.

"Takbo na!" sabi nito.

Mabilis naman na tumakbo si Hyrome palabas ng kastilyo. Sa puntong ito, ito lang ang pinakaligtas niyang paraan upang hindi siya masaktan ng bakunawa. Wala siyang dala na kahit anong sandata kaya naman kailangan niyang makalabas ng kastiyo upang maghanap ng kahit anong armas na panlaban niya sa malaking nilalang na ngayon ay humahabol sa kaniya.

Nakalabas na siya sa bulwagan ng kastilyo patungo sa maputik na daan. Gayon pa man, nagpupumilit ang malaking bakunawa na makalabas mula sa makitid na pintuan ng kastilyo. Wala itong ibang paraan kun'di ang umikot sa bandang likuran ng kastilyo at sa malawak na bintana ng balkunahe dumaan.

Habang wala pa ang itim na bakunawa, ay minabuti ni Hyrome na hanapin ang kanyang cellphone. Alam niyang naroon lamang iyon malapit sa putikan. Dito niya iyon banda nabitawan.

Sa tingin niya ay magagamit niya ang flashlight nito laban sa itim na bakunawa. Hindi siya sigurado pero wala na siyang ibang paraan.

Mayamaya pa ay nakita niya itong umiilaw malapit sa damuhan. Mabilis niya itong dinampot at nang lingunin niya ang kastilyo ay biglang. . .

Ginulat siya ng kadiliman mula sa malaking bunganga ng itim na bakunawa. Dahan-dahan ay hinigop siya nito paloob. At sa pagkakataong ito ay tuluyan na siyang nagpaikot-ikot sa kadiliman.

Ito na naman siya sa walang hanggang kadiliman. Nagpapalutang-lutang habang pinapakiramdaman ang sunod na mangyayari. Nang tumigil siya sa pagpapaikot-ikot ay saka lamang niya napagtanto na namatay ang flashlight ng kanyang cellphone. Kaya naman pala wala siyang makita na kahit katiting na liwanag.

Ngunit hindi niya muna binuksan ang ilaw ng cellphone dahil sa pag-aalalang baka kung ang makikita niya. Hinihingal siya habang inaayos ang kaniyang salamin sa mga mata, na tila nakikipagtagisan rin sa kaniya sa patibayan ng loob. Ang dami na niyang naranasan, ngunit narito pa rin ang kaniyang salamin at hindi man lang nahuhulog.

Huminga siya nang malalim, sapagkat wala siyang makita o marinig na kahit ano. Pakiramdam niya ay tinapon siya sa kawalan at hindi na makakabalik pa sa buhay kailan man. Ngunit hindi na takot ang umiiral sa kaniyang sistema. Dahil ngayon wala na siyang ibang gustong gawin kun'di ang mahanap si Alice at iligtas mula sa itim na bakunawa.

Pluviophile VillageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon