Ang Tunay Na Alice

13 1 0
                                    


KABANATA 13




NANG MARATING NI Desmond ang itim na lawa ay medyo nag-alangan pa siyang lapitan ito. Napakunot noo siya. "Ganito pala ang mukha ng itim na lawa? Ano kayang mayro'n sa ilalim nito?" Nagtalungko siya nang upo at hinawakan ng kanyang isang kamay ang tubig ng lawa. Mas nagtaka siya sa sunod niyang natuklasan. "Ha? Bakit walang tubig? Nasa'n ang tubig ng lawa?" Nagtataka niyang tanong.

Ang lawa ay tila isang kadiliman lamang. Nang hawakan ito ni Desmond ay isa lamang itong hangin. Walang makikita dito kun'di puro kadiliman.

Paano ko kaya ito sisisirin?" Tumayo si Desmond habang kunot-noo na nakatitig sa itim na lawa. "Paano nangyari na may dumadaloy na tubig, ngunit wala naman akong naramdamang tubig sa kamay ko kanina?" Napakamot siya sa ulo dahil may naririnig naman siyang agos ng tubig. "Ano kaya ang bagay na 'to?" Huminga siya nang malalim at napaisip kung itutuloy niya pa ba ang paglusong sa misteryosong lawa na ito upang hanapin si Alice. Kapagkuwan ay naisipan niyang tawagin na lang muna ang dalaga. "Alice! Alice nandiyan ka ba?" sigaw niya sa itim na lawa.

Ngunit walang Alice na sumagot sa kanya. Gayon pa man ay umaasa pa rin siyang naroon si Alice sa ilalim nito.

"Alice! Alice kung nandiyan ka, sumagot ka at pupuntahan kita!" Muli niyang sigaw.

Mayamaya pa ay bahagyang umalon ang itim na lawa dahilan upang mapaatras siya. Dagling umahon ang isang malaki at kulay itim na bakunawa. Ang bawat paghinga nito ay nag-iiwan ng itim na usok. Ang mga itim na mga mata nito ay nakatuon lamang sa direksyon ni Desmond.

Kaagad na napaatras si Desmond dahil sa takot na lumukob sa sistema niya. "H-halimaw!" bulalas niya.

Akmang tatakbo sana siya nang bigla siyang higupin ng itim na bakunawa papasok sa malaking bunganga nito. Ang bunganga ng itim na bakunawa ay naglilikha ng napakalakas na puwersa na kapag nahigop nito ang sino man ay walang takas at tiyak na mapupunta ito sa nakakalunod na kadiliman.

Hindi na nakabawi pa si Desmond ay mabilis siyang nagpaikot-ikot papasok sa bunganga ng bakunawa at natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili sa madilim na lugar.

Palutang-lutang sa kawalan at nahihirapan huminga. . .

Nagmistula siyang isang bulag na walang makita kahit pa nakamulat ang kanyang mga mata. Ang kadiliman ay sadyang nakakalunod. Walang palya ang kaba sa kan'yang dibdib sa mga sandaling ito. "M-may tao ba diyan?" Nauutal niyang tanong.

Walang anu-ano'y bumagsak siya sa isang maputik na lugar. Napangiwi siya dahil sa pandidiri nang napaupo siya at makitang lumapat ang kanyang katawan at mahawakan ng mga kamay niya ang maputik na lupa. Kaagad siyang napatayo 'tsaka inikot ang paningin. Natigil ang kan'yang mga mata sa pintuan ng malaking abandonadong kastilyo.

Saglit siyang natigilan. . .

Nagtataka man ngunit hinakbang pa rin niya ang mga paa niya papasok sa pintuang ito. Nang makalapit siya ay kusa itong nagbukas para sa kanya. Napaatras siya nang isang hakbang dahil sa pagkagulat.

Saglit niyang kinalma ang sarili at minabuti niyang pumasok sa loob ng kastilyo. Nang makapasok siya sa loob ay hinagilap kaagad ng mga mata niya si Alice. "Alice? Nandito ka ba?" Sigaw niya.

Nilibot niyang muli ang paningin ngunit wala siyang kahit isang tao o nilalang na nakita sa loob. Tanging mga itim na kandila na nakasindi lamang ang nagbibigay liwanag sa palibot ng malawak at madilim na kastilyo.

Pluviophile VillageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon