🥀KABANATA 8: Pinky Promise

15 2 1
                                    

HALOS katatapos lamang maghatid ni Hyrome at Alice ng mga tinapay sa mga bahay-bahay sa buong maulan na nayon.

At dahil sa labis na pagod nila sa paglibot sa lugar, naisipan muna nilang umupo sa ilalim ng puno ng molave upang magpahinga.

"Kakaiba ang ambience rito," sabi ni Hyrome.

Ngumiti naman si Alice at lalong lumitaw ang kagandahan niya. "Narito pa rin tayo ngayon sa hardin ng Postremus, Hyrome. Ito na rin ang dulo ng nayon... May mga nagsabi rin, na narito lang daw sa hardin, ang daan palabas ng Pluviophile Village," paliwanag ni Alice.

Napakunot-noo ang gwapong binata, at napalingon kay Alice. "Kung gano'n naman pala, hali ka! Hanapin natin dito," sabi ng binata.

"Alam ko kung saan," Tumingin si Alice kay Hyrome. "Nasa dulo lang nitong hardin," sabi niya.

Kaagad na umaliwalas ang mga ngiti ni Hyrome. "Kung gano'n tara! Puntahan na natin," sabi niya.

Umiling kaagad ang dalaga. "Delikado kapag nagtungo pa tayo sa bandang dulo ng hardin. Walang ibang makikita sa lugar na 'yon kung 'di ang itim na lawa," sabi niya.


Napakunot-noo naman si Hyrome. "Itim na lawa?" tanong niya.

Tumango si Alice. "Oo, ngunit walang pumupunta doon. Sapagkat mapanganib ang lawa na iyon. Napaka lawak nito, at napaka dilim ng kulay ng tubig." Bigla siyang napasimangot. "Ito rin ang dahilan kung bakit nawala ang aking ina, at bunsong kapatid," sabi niya.

Lalong kumunot ang noo ni Hyrome. "May kapatid ka?" tanong niya. Hindi siya makapaniwala dahil ang alam niya'y wala namang kapatid si Alice. Inayos niya ang kaniyang salamin at bahagyang sumandal sa katawan ng puno ng molave. "Sabagay, hindi ko na nga pala kontrolado ang takbo ng kwento," sabi niya.

Huminga nang malalim si Alice. "Oo, mayroon akong kapatid, si Atlas," sabi niya.

Bagamat mahinahon ang boses ni Alice, ay bakas pa rin sa kaniyang mukha ang labis na pag-aalala at nangungulila sa kaniyang kapatid.

Nanatiling nakatitig si Hyrome sa mga magagandang mata ng dalaga. "Anong nangyari sa kaniya?" tanong niya.

Nag-iwas nang tingin si Alice, nang maramdaman niya ang paghapdi ng kaniyang mga mata. "Nawala siya sa itim na lawa, at hindi na namin siya nakitang muli, o kahit ang bangkay lamang niya," malungkot niyang tugon.

Naguguluhan man ngunit pinilit pa rin ni Hyrome alamin kung ano ang nakaraan ni Alice. Wala sa loob niyang hinaplos ang buhok ng dalaga. "Nalulungkot ako dahil sa nangyari sa kapatid mo. Pero pwede ko bang malaman kung bakit kasi siya pumunta sa itim na lawa?" tanong niya.

Pinahiran kaagad ni Alice ang pumatak niyang mga luha. "Ang akala kasi noon ng mga taga-nayon, maliit lang ang mundo. Ngunit napagtanto namin, na sa labas pala ng maulan na nayon, ay may mas malaking mundo pa palang maaaring puntahan at makita." Huminga siya nang malalim. "Nang malaman ng aking kapatid ang tungkol sa haka-haka na nasa itim na lawa raw ang daan palabas ng nayon, ay walang takot niya itong pinuntahan. Nais niyang alamin kung totoong naroon nga ang daan palabas ng nayon. Ngunit nang kaniya itong sisirin, ay hindi na siya ulit pa naka-ahon," sabi niya.

Halo-halo na ngayon ang mga bagay na gumugulo sa isip ni Hyrome. Pakiramdam niya ay tuluyan na nga siyang naging estranghero sa sarili niyang kwento.

Isa lang ang nasa isip niyang posibleng nangyari.

Maaaring may ibang nagpatuloy sa sinusulat niyang kwento, at binago ang ilang nilalaman nito.

Ngunit naging kapanapanabik ang kaniyang mga natuklasan mula kay Alice. Kung kaya't interesado pa rin siyang malaman ang tungkol sa kapatid nito. "Hindi niyo ba siya sinubukan hanapin?" tanong niya.

"Hinanap siya ni ado at ada, kasama ang ilan sa mga taga-nayon na nag-magandang loob na tumulong sa paghahanap. Ngunit walang kahit na isa ang gustong lumapit sa itim na lawa... Maliban na lamang kay ado at ada," paliwanag ni Alice.

Bakas sa mga mata ni Hyrome ang pananabik sa susunod na nangyari.

Nanatili siyang nakatitig kay Alice. "Anong nangyari pagkatapos?" tanong niya.

Hindi na napigilan ni Alice ay muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha. "Sa kasawiang-palad, pati si ada ay nawala rin sa itim na lawa." sabi niya, at tuluyan na nga siyang napahagulhol.

Walang inhibisyon naman siyang niyakap nang mahigpit ni Hyrome. "Tahan na... Pasensya ka na kung nagtanong pa ako," sabi niya.

Umalis si Alice mula sa pagkakayakap ni Hyrome. "Ayos lang sa 'kin," sabi niya. Kahit may mga bakas pa ng mga luha sa mga mata niya, ay minabuti niyang ngumiti. "Matagal na panahon na rin mula noong huli akong umiyak." Huminga siya nang malalim. "Malungkot ang buhay ko, Hyrome. Para akong nakakulong sa nakakatakot na nakaraan. Walang ibang sumubok na alamin ang nakaraan ko, tanging ikaw lang Hyrome." Hinawakan niya sa balikat si Hyrome at ningitian. "Salamat," sabi niya.

Napayuko lamang si Hyrome at bumuntong-hininga. "Interesado akong mas makilala ka pa, Alice. Ang akala ko kasi... dahil ako ang gumawa sa karakter mo, ay alam ko na ang lahat ng tungkol sa 'yo... Hindi pa pala," malungkot niyang sabi.

Hinawakan siya sa balikat ni Alice. "Kung totoo man ang mga sinabi mong nasa loob nga tayo ng isang kwento, at kung totoong ikaw ang nagsulat nito, maaari bang pagbalik mo doon sa lugar niyo ay baguhin mo ang nakaraan ko? Kung totoo ang mga sinasabi mo, pwede mo bang ibalik ang aking ada at ang aking kapatid?" tanong niya.

Napabuntong hininga si Hyrome. "Iyon ay kung makalabas pa ako rito. Nawawalan na rin kasi ako ng pag-asang makabalik pa sa amin. Lalo pa ngayong nawawala ang mapa palabas ng nayon. Baka dito na lang talaga ako tumanda," sabi niya.

Hinawakan siya ni Alice sa kamay at tiningnan sa mga mata. "Tutulungan kitang hanapin ang isa pang daanan na sinasabi ni Lavender. Magtiwala ka lang, gagawin ko ang lahat upang matulungan ka," nakangiting sabi ng dalaga.

Natigilan naman si Hyrome sa tinuran ng dalaga. "Gagawin mo ang lahat?" tanong niya, na para bang bigla siyang nabingi.

Tumango si Alice at saka napairap. "Hay naku! Baka iba ang nasa isip mo ah. Baka iniisip mong gusto kita, hindi ah! Tutulungan kita dahil pinuprotektahan ko ang aking ado." Tumayo siya at nagpamaywang. "Walang ibang ibig sabihin ang ginagawa kong 'to!" sabi niya.

Bahagyang napangisi si Hyrome. "Alam ko naman eh." Tumayo rin siya at lumapit kay Alice habang nakapamulsa. "Hindi ko iniisip iyon. Alam mo? Pasensya ka na talaga sa ginawa kong pagbabanta sa 'yo, ha? Talagang wala na akong ibang paraan noon eh," paliwanag niya.

Tumango lang si Alice, at nagsimulang maglakad. "Basta! Tutulungan pa rin kitang makalabas dito," Umismid siya kay Hyrome. "Para naman wala na ulit magbabanta pa sa 'kin!" sabi niya.

Napangiti na lamang ang binata bago niya hilain ang nakasandal na bisekleta sa puno ng molave. "Huwag kang mag-alala puprotektahan ko kayo ng iyong ado mula kay Desmond... " Tumingin siya kay Alice. "Lalo ka na Alice," mahina niyang sabi.

Natigilan naman si Alice, at saka napalingon kay Hyrome. Ngumiti siya, at saka ito nilapitan. Tinaas niya ang kaniyang kalingkingan. "Pangako?" tanong niya.

Dagling natawa si Hyrome sa ginawa ni Alice. Ngunit minabuti niyang tumugon sa dalaga. "Pangako..." sabi niya. Kinapit niya ang kalingkingan niya sa kalingkingan ni Alice bago nila ipagdikit ang kanilang mga hinlalaki.

Pareho silang natawa sa ginawa nilang pinky promise. Sumakay na sila sa bisekleta at nagsimula nang magpedal si Hyrome. Tinahak na nila ulit ang sementado, at makitid na landas ng hardin ng Postremus pabalik sa Croissant Corner.




NANG makauwi na si Alice, nagpasya naman si Hyrome na huwag na munang bumalik sa bahay ni Desmond. Naisip niyang sa Coffee Portside na lamang magpalipas ng gabi.

Habang si Alice naman ay nakaupo na sa harapan ng kaniyang vanity mirror na nakapwesto sa loob ng kaniyang silid, isang malakas na hangin ang nagpabukas sa kahoy na bintana.

Noong una'y napitlag siya. Ngunit naisip lamang niya na gawa lamang ito ng malakas na hangin na sumasabay sa buhos ng ulan.

Kaagad niyang nilapitan ang bintana upang isarado. Ngunit isang itim na usok ang pumalibot sa kaniyang kabuohan, at siya ay biglang nawalan ng malay at bumagsak sa kahoy na sahig.

Pluviophile VillageWhere stories live. Discover now