Ang Misyon

9 2 0
                                    

KABANATA 11



NAPITLAG SI ALICE at Hyrome sa  nakita dahil ang kunehong hawak kanina ni Darkeros ay biglang naging si Isabel.

Nagpagpag si Isabel ng kan'yang suot na dilaw na bestida at lumadlad ang mahaba niyang buhok na kulay mahogany. Nakatali ng dilaw na laso ang tuktok ng kan'yang buhok at nagkalat sa paligid ang iilang puting balahibo ng kuneho na nagmula sa kan'ya.

Nagpamewang siya at tumingin nang masama kay Darkeros. "Bakit ngayon mo lang ako pinakawalan kuya? Kanina pa ako naiinip sa loob ng sombrero mo eh!" pagrereklamo nito.

Napakunot noo si Hyrome habang nakatingin kay Isabel. "Magkakilala kayo?" tanong niya sa dalaga.

"Oo," Lumingon siya kay Darkeros. "Magkapatid kami ni Kuya Darkeros," sabi niya.

Tumango naman si Darkeros. "Si Isabel ay ang nakababata kong kapatid," paliwanag naman niya.

Tumango si Isabel at saka tumingin kay Alice. "Alice makinig ka. Gusto kong malaman mo na ang iyong ama ay lihim na nakalalabas sa nayon," sabi niya.

Napakunot ang noo ni Alice. "Ha? N-ngunit paano niya nagagawa iyon?" nagtatakang tanong niya.

Huminga nang malalim si Isabel. "Nung nakaraan ng madaling araw, sinundan namin ang iyong ama upang alamin kung saan siya bumibili ng giniling na trigo para sa mga tinapay." Nagkibit-balikat siya. "Nakita lang namin siya na dumaan sa itim na lawa palabas ng Pluviophile Village," sabi niya.

Umiling si Alice. "Ngunit dito lamang daw niya iyon binibili sa Postremus," saad niya.

Umiling si Isabel. "Ang buong Hardin ng Postremus ay isa lamang malaking gubat. Walang kahit isang naninirahan sa loob ng hardin na ito. Kung kaya't imposible na may mabibilhan siya ng harina dito," sabi niya.

Napakunot ang noo ni Alice. "Ngunit paano naman makalalabas ng nayon ang aking ado? Lubhang mapanganib ang daanan palabas dun!" sabi niya.

"Hawak ng iyong ama ang aklat ng Postremus, Alice. At wala ito sa kamay ng mga terramagus. Noong una akala rin namin ni Lavender, na hawak ito ng mga terramagus dahil nawala ito bigla sa Retro Lib. Si Elphaba lamang ang may nais na mabura ang mapa at ang daanan palabas ng nayon. Kung kaya't inakala namin na siya ang kumuha ng aklat ng Postremus. Ngunit napag-alaman namin ni Lavender na ang iyong ama ay lumalabas ng nayon tuwing madaling araw upang magtungo sa gubat ng Magus.  Napag-alaman rin namin na nakikipagkita siya sa iyong ina sa gubat ng Magus," paliwanag ni Isabel.

Nanlaki ang mga mata ni Alice. "Buhay ang aking ada?" hindi makapaniwala niyang tanong.

Tumango si Isabel. "Oo Alice! Buhay ang iyong ina ngunit hindi siya makababalik pa sa lugar na ito hangga't hindi nabubura ang sumpa ni Elphaba. Kaya kailangan mapabagsak si Elphaba upang mabalik ang lahat sa dati at upang makabalik ang puting salamangka na nagmumula sa sinag ng araw," paliwanag niya.

Napakunot noo naman si Hyrome sa mga natuklasan niya. "Puting salamangka?" Nagtataka niyang tanong.

Lumingon si Alice kay Darkeros. "H-hindi ba't ikaw ay makapangyarihan din? Bakit hindi mo subukan gawan ng paraan? G-gusto kong makita ang aking ada!" nananabik niyang sabi.

Napayuko si Darkeros at saka napasimangot. "Hindi ko magagawa ang nais mo Alice. Kung tutuusin, nais kong mabawi ang isla ng magia sa kamay ni Elphaba. Ngunit ang buong lugar ay nababalutan na ng gabi. Ang enerhiya ng buwan at ng dilim ang siyang lumulukob sa buong kaharian. Kung kaya't ang aking kapangyarihan ay kasing panglaw na ng liwanag ng lamparang isang ihip na lamang ay tuluyan ng maglalaho," malungkot niyang sabi.

Pluviophile VillageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon