🥀KABANATA 9: Nasaan Si Alice

8 1 2
                                    

NAGISING NA LAMANG si Alice na nakahiga sa sahig. Naramdaman niyang tila hindi komportable ang bigat ng kaniyang mukha. Nang hawakan niya ang kaniyang mga pisngi ay laking pagtataka niyang magaspang ito at kulu-kulubot. Napatayo siya at kaagad na natatarantang lumapit sa malaking salamin ng kaniyang aparador. “Hindi!” kinakabahan niyang sabi, nang makita ang kaniyang hitsura.

Halos hind niya makilala ang kaniyang sarili dahil para na siyang matandang mangkukulam, na may malaki at matulis na ilong, at kulubot na balat sa mukha.

“Naku!” Natatarantang tinalikuran niya ang salamin at saka nag-isip ng gagawin. Ilang minuto rin siyang nakatulala hanggang sa sumagi sa kaniyang isipan si Darkeros.

“Tama... Siya nga!” Huminga siya nang malalim. “Kailangan ko siyang puntahan,” sabi niya.

Dinampot niya ang dilaw na tela na nakasabit sa likod ng pinto ng kaniyang kwarto, at saka ito pinandong sa kaniyang ulo, nang sa gano’n ay bahagyang matakpan ang kaniyang nakakatakot na mukha.

Bagamat malakas ang buhos ng ulan, ay minabuti niyang sumugod. Mabuti na lamang at wala sa bahay ang kaniyang ama. Mukhang maaga na naman kasi itong gumising upang bumili ng giniling na trigo para sa mga tinapay na kanilang binibenta sa mga taga-nayon.

Ngunit habang nasa kalagitnaan ng paglalakad si Alice, patungo sa bahay ni Darkeros, ay nasalubong niya ang mga obreros ni Desmond sa kampo.

“Halimaw! Habulin niyo dali!” sigaw ng isa sa mga obreros sa kampo habang nakaturo sa direksyon ni Alice.

Kaagad namang tumakbo ang dalaga, upang hindi siya maabutan ng mga ito. Mabuti na lamang at matataas ang mga tanim na tubo sa kampo ni Desmond kaya naman mas madaling natakasan ni Alice ang mga obreros.

“Nawawala ang halimaw!” sigaw ng isa sa mga obreros.

Habang si Alice naman ay kabang-kaba na nagtatago sa isang masukal na parte ng taniman. Minabuti niyang hindi maglikha ng kahit anong ingay at kilos. Nanatili lamang siyang nagtatago sa isang lugar habang pinapakiramdaman ang paligid.

Ilang minuto rin siya sa ganoong posisyon. At nang mapansin niyang nakaalis na ang mga obreros ay nagmadali na ulit siyang tumakbo. Ngunit dahil sa paghabol sa kaniya ng mga obreros kanina ay naligaw siya sa masukal na taniman ng tubo. Hindi na niya tuloy alam ang daan palabas dito. Dito lang siya nagpaikot-ikot sa malawak na tubuhan ni Desmond.




LUMIPAS ANG ISANG araw, ay hindi pa rin nakakauwi si Alice sa kanilang bahay. Labis na rin ang pag-aalala ng kaniyang ama sapagkat ngayon lamang umalis ang kaniyang anak nang hindi nagpapaalam. Hinanap niya na sa kung saan ang dalaga subalit hindi niya ito nakita.

Nang malaman ni Hyrome ang tungkol sa pagkawala ni Alice ay kaagad siyang kumilos upang hanapin ang dalaga. Unang sumagi sa isipan niya si Desmond. “Tama... Baka dinukot siya ni Desmond,” sabi niya sa sarili.

Dahil dito, ay kaagad siyang nagtungo sa bahay ni Desmond at hindi nga siya nagkamali. Nadatnan niyang naroon nga ang dalaga, kasama ni Desmond.

“Alice!” Napahinga nang maluwag si Hyrome. “Akala ko kung ano na ang nangyari sa ‘yo!” sabi niya.

Matiim na napatitig sa kaniya si Desmond. “Eh ikaw? Sa’n ka nanggaling?” tanong nito sa kaniya sabay hithit-buga ng usok ng sigarilyo.

“M-May importante lang akong ginawa,” sagot naman ni Hyrome, sabay tingin kay Alice.

Wala namang reaksyon si Alice sa palusot ni Hyrome kay Desmond. Gano’n pa man nakakapanibago ang mga tingin at kilos ng dalaga. Maging ang paraan ng mga tingin at ngiti nito, ay nakakapanibago. Ngunit hindi ito masyadong pinansin ni Hyrome.

Pluviophile VillageWhere stories live. Discover now