CHAPTER 15

20 3 3
                                    

Hindi magawang alisin ni Nette ang titig sa sahig. Buong gigil niyang pinagkiskisan ang parehong paa habang halos dumugo na ang kaniyang pang-ibabang labi  sa sobrang diin ng pagkagat niya roon.

“Cullen! Nette!” bulyaw ng matandang nakatayo sa kanilang harap. “Alam n’yo ba kung anong ginagawa ninyo, ha?! Ang babata n’yo pa! Cullen naman! Nette!”

“‘Lo, 19 na kami. Hindi na kami — ”

“Itikom mo ‘yang bibig mo, Cullen, ah.”

Akma pang magsasalita ulit ang binata ngunit siniko na niya ito upang pigilan. Sa paraan ng pagsasalita ni Lolo Pat ay hindi mapigilan ni Nette ang panunubig ng mga mata. Naghahalo-halo sa sistema niya ang sobrang hiya, pagsisisi at takot.

Nadala lamang naman siya ng bugso ng damdamin! Kasalanan kasi ni Cullen, e! Ayaw tumigil sa pagsasalita!

“Nette.”

Nanginig siya sa takot dahil sa boses ni Lolo Pat. Parang nagyeyelo na ang boses nito sa sobrang lamig. Napalunok siya habang nakatingin sa mga kuko sa paa.

“Tumingin ka sa akin, Nette.”

Naikuyom niya ang namamawis na palad saka tiningala ang matanda. Nang masalo niya ang nag-aalab nitong mga mata, parang gusto na lamang niyang tumakbo paalis.

Galit ba ito sa kaniya? Ano kayang iniisip ni Lolo Pat? Baka hinuhusgahan na siya nito sa isipan. Baka ang nasa isip ng matanda ay may pagka-pokpok siya at sinusulot niya lamang ang apo nito.

Hindi.

Hindi siya gano’n.

Nagkamuwang siya nang walang ama ngunit napalaki naman siya ng Nanay nila nang maayos. Hindi ito nagkulang sa pagpapangaral, at pagprotekta sa kanilang magkapatid. Hindi siya pokpok.

Ang mga mata ni Lolo Pat na nagliliyab sa galit ay mabilisang napalitan ng nagyeyelong titig. Kitang-kita ni Nette kung paano nagpalit ang ekspresyon ng mga mata ni Lolo Pat — at ngayon, mas nakakatakot ang mga ito. Punong-puno ng pagka-dismaya . . . at panghuhusga.

“H’wag ka nang pumunta rito bukas, Nette.”

“‘Lo!”

“Tumahimik ka, Cullen.” Matalim nitong pinukulan ng tingin ang binata. Ibinalik ni Lolo Pat ang titig nito sa kaniya. “Ito na ang huling araw mo rito, Nette. Sesante ka na.”

Parang nabingi siya sa narinig. Tinalikuran sila ng matanda saka ito walang-imik na naglakad palayo. Isa-isang naglandasan pababa ang mga luha ni Nette. Hindi niya alam kung bakit. Siguro dahil galit sa kaniya si Lolo Pat? Siguro dahil nasira niya ang tiwala ni Lolo?

Sapat na naman ang naipon niyang pera papuntang Japan — hindi na niya gaanong kailangan ng masasahod galing sa matanda — pero hindi niya matanggap sa sarili na masesesante lang siya dahil sa kapusukan. Hindi niya matanggap na masesesante siya dahil may masama siyang nagawa. Hindi sa ganitong paraan niya gusto matapos ang trabaho. Hindi ganito.

Masesesante na siya . . .

Ilang segundo pa ang lumipas saka iyon tuluyang sumisid sa kaniyang isipan. Sesante na siya. Wala na siyang dahilan upang bumalik dito bukas.

Wala na siyang dahilan upang muling makita si Cullen.

Bakit ngayon pa?

Bakit kung kailan lumalalim na ang nararamdaman niya para sa binata?

“Okay lang ‘yon, Nette. Mainit lang ulo ni Lolo,” pag-alo ni Cullen sa kaniya.

Yayakapin sana siya ng binata ngunit tinabig niya ang braso nito. Hinayaan na lamang niyang hagurin nito ang likod niya dahil kahit sa sarili ni Nette, hindi na niya alam kung paano kakalma.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 25, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

A Step To Her HeartWhere stories live. Discover now