CHAPTER 12

13 4 24
                                    

“Cullen!” Hindi na alam ni Nette kung pang-ilang beses na niyang tinawag ang binata. Kinatok pa niya ang pinto ng kuwarto nito ngunit wala naman siyang natatanggap na tugon. “Labas ka na d’yan, oh. ‘Di ka pa nagtatanghalian, e.”

Katahimikan. Nakabibinging katahimikan.

Tinupok ng guilt ang sistema ni Nette dahil sa inasta ng binata. Sana pala hindi na lang niya ito tinawanan kanina. Pero kagagawan kasi ni Lolo Pat, e! Nakita niyang nagpipigil ng tawa ang matanda sa may likod ng speaker kaya nang magkatinginan sila ay hindi na nila pareho napigilang mapahalakhak.

Siguro ay labis na pagkapahiya ang naramdaman ni Cullen kaya hindi ito makalabas ng kuwarto nito.

Nakatungong nilisan ni Nette ang pinto ng silid ng binata saka nagpatuloy sa pagwawalis.

Halos patapos na siya sa ginagawa nang tumunog ang seradura sa pinto. Namimilog ang mga mata niyang napalingon sa direksyon ng kuwarto ni Cullen saka niya nakita ang binata na lumabas ng silid.

“C-Cullen — ”

Natigilan si Nette dahil sa sobrang dilim ng titig nito sa kaniya. Sa paraan ng pagtingin nito ay para bang anumang oras ay kukuha ito ng kutsilyo at walang awa siya nitong gigripuhan sa gilid ng t’yan.

Nakakatkot naman! Dapat talaga hindi ko siya pinagtawanan, e!

Nakatingin lamang siya binata habang padabog nitong kinakalkal ang lalagyan ng pinggan. Napangiwi si Nette dahil wala itong pakundangan sa pagkuha ng kutsara at tinidor kaya naglaglagan ang ibang kubyertos mula sa lalagyan.

“Cullen, nando’n ang u-ulam sa — ”

“Alam ko,” mariin nitong putol sa kaniya. “H’wag ka na ulit magsasalita.”

Natigilan si Nette. Alam naman niyang galit ito sa kaniya pero hindi niya inasahan ang napakalamig na boses ng binata. Blangko rin ang ekspresyon nito habang kumakain na para bang isa itong robot na malapit nang sumabog.

“Ipagtimpla mo nga ako ng juice,” walang modong utos ng lalaki na hindi siya tinitingnan. “Alam mo na ang gagawin mo, ah. H’wag kang tatanga-tanga na naman.”

Parang piniga ang puso ni Nette sa sinabi nito. Napalunok siya saka binitawan ang hawak na tambo. “Sige p-po, Sir — ”

Sir?” Naiinis itong lumingon sa kaniya. “‘Di ba sabi ko ‘wag mo na akong tatawaging gan’yan? Ano ‘to, bastusan? Pagkatapos mong pagtawanan ang effort ko kanina, babalik ka naman ngayon sa pagtawag sa akin ng ‘sir’?”

Hindi na lamang siya tumugon sa sinabi ng lalaki. Alam niya kasing isip-bata ito. Baka kung sagutin pa niya ang binata ay magtampo na naman ito at magkulong sa kuwarto.

“C-Cullen,” usal niya habang naghahalo ng powdered juice sa isang basong malamig na tubig.

Sumubo pa ng kanin ang binata saka siya nito nilingon nang may nakaarkong kilay. “Ano na naman? Hindi ka pa kuntento sa pagtawa mo kanina? Hahanap ka pa ng ibang dahilan para pagtawanan ako?”

“H-hindi gano’n,” napalunok siya habang naglalagay ng pulot sa tinitimplang juice. “I-I’m sorry.”

Rinig niyang sarkastikong natawa ang binata. “Pasalamat ka talaga crush kita.”

Mas lalo siyang hindi nakatingin sa binata dahil sa sinabi nito. Pakiramdam n’ya ay panandaliang tumigil ang puso niya sa pagtibok kasabay ng pagwawala ng mga insekto sa loob ng kaniyang tiyan.

Bakit ba wala itong preno sa pagsasalita?! Hindi niya inaasahan ang mga pinagsasasabi nito, e!

Habang hinahalo ang inumin ng binata, biglang pumasok sa alaala ni Nette ang sinabi sa kaniya ni Lolo Pat habang magkasabay silang nagtatanghalian kanina.

A Step To Her HeartWhere stories live. Discover now