CHAPTER 11

7 5 0
                                    

Muli na namang ginusot ni Cullen ang kaharap na papel at sh-in-oot sa basurahan. Nang hindi ito pumasok sa bunganga ng tapunan ay lalo lamang umunlad ang kaniyang inis.

Pang-ilang papel na ba niya ito? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makasulat ng matinong tula para sa babaeng ‘yon?!

“‘Len, matulog ka na,” sita sa kaniya ni Lolo Pat na pupungas-pungas pang lumabas mula sa kuwarto nito. “Kanina ka pa r’yan, ah? Trabaho pa rin ba ‘yan?”

Napatungo si Cullen nang tumayo likuran ang matanda. Nanuyo ang lalamunan niya dahil hindi niya masabi sa lolo na tula para sa babae ang kaniyang ginagawa.

“‘Tsaka ba’t ang daming papel na nagkalat dito? Sinasayang mo ang papel, e.” Kita niyang yumukod ang matanda upang pulutin ang mga kalat sa sahig. “Hindi pa naman dadating dito si Nette bukas. Wala na ngang maglilinis, kalat ka pa nang kalat.”

“Po?” Kunot-noo niyang nilingon si Lolo Pat. “Hindi pupunta rito si Nette?”

“Oo, may exam daw s’ya.” Itinaktak pa ni Lolo Pat nang bahagya ang garbage bag sa bin upang masiksik ang mga papel. “Kaya ‘wag ka magkalat at matulog na.” Nilingon siya nito nang may nanenermong titig.

Nalaglag ang mga balikat ni Cullen sa panlulumo. Hindi naman pala niya makikita bukas ang dalaga, bakit pa siya nagpipilit makasulat ng tula para dito?

Akma nang aalis ang matanda ngunit tinawag niya ito.

“Lolo.”

“Oh?” Natigilan si Lolo Pat. “H’wag mo sabihing dedede ka pa sa ‘kin para makatulog ka?”

Napahilot sa sentido si Cullen sa pag-uuyam ng matanda. Kahit kailan talaga, napakalakas ng tama ng lolo niyang ‘to!

“Ano k-kasi, ‘Lo.” Napalunok siya dahil sa hiyang gumapang sa sistema. “Hindi k-kasi ako marunong manligaw — ”

“Manliligaw ka na?!” napasigaw ang matanda sa gulat. Nang mapagtanto nitong napalakas ang boses ay sumeryoso ito saka bumulong, “May gusto nang ligawan ang ‘Len ko?”

Nanghahaba ang nguso ng matanda nang hubarin nito ang salamin at punasan ito gamit ang laylayan ng pantulog. Muli nito itong isinuot at nanunuri siya nitong tinitigan.

“Baka naman nagkamali lang ako ng dinig?”

Ramdam na ni Cullen ang pag-iinit ng kaniyang tainga at leeg. Hindi niya magawang tingnan ang matanda. Ipinukol lamang niya ang mga mata sa pader saka kagat-labing tumango.

“O-opo.” Naikuyom niya ang namamawis na palad. “May gusto na akong l-ligawan, ‘Lo.”

Napapalakpak sa tuwa ang matanda dahil sa narinig. Bahagyang natigilan si Cullen nang bumakas sa mga mata nito ang nag-uumapaw na saya. Nang sapuhin ni Lolo Pat ang magkabilang niyang pisngi ay doon pa lamang siya napangiti.

“Binata ka na, apo!” Inalog-alog nito ang kaniyang mukha kaya bahagyang napangiwi si Cullen.

“Tulungan n’yo ako, ‘Lo. Hindi ako marunong, e.” Sigurado siyang kulay kamatis na ang mukha niya sa sobrang pagkahiya.

“Sino ba ‘yan?” kyuryosong tanong ng matanda. Nagpamaywang pa ito na parang ipinaparating na hindi siya nito tutulungan kung hindi niya sasabihin kung sino ang babae. “Ipakilala mo muna sa ‘kin kung sino ‘yan.”

“K-kilala n’yo na naman po, e.” Ikinuyom niya ang dalawang kamao at paulit-ulit na pinagbangga ang mga ito upang maibsan ang kaniyang hiya. “Si N-Nette po.”

“Si Nette?!” Nanlaki ang mga mata ng matanda kasabay pagkalaglag ng panga nito.

Suminto ang kaba sa dibdib ni Cullen dahil sa naging reaksyon ni Lolo Pat. Ayaw ba nito sa dalaga? Mabait naman si Nette, e. Bakit naman nito aayawan ‘yon?

A Step To Her HeartWhere stories live. Discover now