CHAPTER 4

12 5 2
                                    

“Oh, Nette, akala ko may pasok ka ngayon?”

Inalayan niya ng ngiti si Lolo Pat sa kabila ng umuusbong na pag-aalinlangan sa kaniyang sistema. Nahihiya siguro siya sa matanda kasi nagsinungaling siya rito kahapon tungkol sa nabasa niyang damit.

“A-ah.” Klinaro ni Nette ang kaniyang lalamunan saka iniwas ang tingin sa lolo. “Bakante po talaga ako tuwing ala una hanggang alas tres.”

Nahihiya naman kasi siya na pitong libo kada buwan ang ibabayad nito sa kaniya tapos halos tatlong araw lang siya makakapunta rito. Kaya kahit masikip ang schedule ni Nette, pipilitin niya pa ring makadaan dito kahit kaunting oras lang sa isang araw.

“Ay, naku! Tamang-tama, mamimili ako ng mga paninda ngayon! Ikaw muna ang bahala kay utoy, ah.”

Napalunok si Nette saka tumango.

Alam naman kasi niya na kapag pumunta siya rito, makikita na naman niya ang nakakairitang pagmumukha ng lumpong ‘yon. Kahapon nga, hindi na niya nagawang kausapin ang binata dahil sa sobrang pagkainis niya rito. Napakasama ng ugali!

“Mag-ingat ka na, Ineng, sa pagtitimpla ng juice, ah!” hirit pa ni Lolo Pat bago buksan ang lumang sasakyan nito. “Baka matapunan ka na naman sa damit! Ang hirap pa naman maglaba.”

Pekeng natawa si Nette sa tinuran ng matanda. Kahapon kasi ay nagsinungaling siya sa lolo upang pagtakpan ang pagiging isip-bata ng apo nito. Sa totoo nga lang, nagi-guilty siya dahil sa pagsisinungaling, pero hindi naman siya anghel. Sa tingin niya kasi, mas magi-guilty siya kung magkakagalit pa ang mag-lolo dahil sa kaniya. Ayaw naman niyang sirain ang relasyon ng dalawa.

“Oh, timawa ko!” Napatunghay sa kaniya si Sir Cullen mula sa binabasa nitong libro. “Akala ko hindi ka pupunta ngayon? Trip mo na naman siguro maghasik ng katangahan dito, ‘no?” Hinubad nito ang suot na earphones at sarkastikong tumawa.

Huminga nang malalim si Nette saka idinako ang mga mata sa malandas na sahig. Kailangan niya ng pasensya. Hindi puwedeng mapaiyak na naman siya ng lumpong ito.

Dire-diretso lamang siyang naglakad papuntang likuran ng bahay upang asikasuhin ang mga labada roon. Hindi niya kasi naasikaso ang mga ito kahapon dahil ang daming oras niya ang nasayang sa pagda-drama.

Hindi rin naman sobrang dami ng labahin dahil dalawa lamang naman ang mag-lolo rito. ‘Yon ngang mga boxers ay nakasampay na, e. Siguro ay nalabhan na ‘yon ni Lolo Pat . . . hindi naman kasi mukhang marunong maglaba ang lalaking walang modo. Parang manira lamang ng araw ang alam nitong gawin.

Nang tuluyan na siyang makaupo sa plastic na bangkito at maharap ang plangganang punong-puno ng bula, nilibang na lamang niya ang sarili sa pangangarap nang mulat habang nagkukusot.

Nakakakilig siguro kung magka-holding hands kami ni Jacob tapos naglalakad kami sa gitna ng cherry blossom trees. Napahagikhik si Nette sa sarili dahil sa naisip. Ano kayang pakiramdam na may suot kami ni Jacob na makapal na jacket tapos magki-kiss ka —

“Timawa ko?!”

Naputol ang pangangarap ni Nette dahil sa pag-alingawngaw ng isang nakakairitang boses.

“Po?!” pigil-inis niyang tugon.

“Nasa’n ka?!” pasigaw na tanong ni Sir Cullen.

Nangunot ang noo ni Nette. Ano na naman bang problema ng lalaking ‘yon?! Balak na naman ba nitong pagtimplahin siya ng juice tapos tapunan siya sa damit?!

Hindi na!

Hindi na siya magpapauto rito!

“Nandito ho sa likod, senyorito — naglalaba!” Napairap siya sa hangin. Mas lalong umunlad ang inis sa sistema ni Nette nang marinig niya ang bahagyang pagbungisngis ng amo. “Ano ho bang problema?!” tanong niya nang hindi gumagalaw sa inuupuang bangkito.

A Step To Her HeartWhere stories live. Discover now