CHAPTER 13

10 3 0
                                    

Hindi buong taon, makulimlim ang panahon. Hindi buong kanta, malamya ang melodiya.

Lahat ng bagay, pana-panahon — may kaniya-kaniyang pagkakataon. Kapag may natapos, may bagong magsisimula. Kapag may nagsarado, may bagong magbubukas.

Maglalaho ang kulay abong ulap, at hahataw ang araw. Unti-unting tataas ang banayad na tono, at uusbong ang nakapunlang melodiya.

Bahay, paaralan at gigs. Sa mga ito lamang noon umiikot ang mundo ni Nette. Hindi kailanman pumasok sa isipan niyang . . . tunawin ang yelong tumupok sa kaniyang puso.

Hindi naman kasi iyon makakatulong upang matupad ang pangarap na makatugtog sa Japan.

Japan . . .

Ang bansang ‘yon.

Ang bansa kung nasaan ang tatay niyang nagmulat sa kaniya sa mahikang hatid ng musika.

“Nette, may taho, oh!” turo ng binata sa mama ‘di-kalayuan sa kanila. “Bili tayo!”

Muli na namang rumolyo ang mga mata niya. “Kauubos lang ng cotton candy mo, ah?!”

“Dali na!” Maamo siya nitong minata.

Bumuntong-hininga si Nette. Hindi niya kasi talaga matiis ang lalaki sa tuwing nangungusap ito. Para bang minamanipula siya nito gamit ang makinang nitong mga mata. Sa tuwing ngunguso sa kaniya ang binata, wala na . . . talo na siya. Susundin na niya ang gusto nito.

Nang mga nagdaang buwan, wala namang inatupag si Nette kundi mag-aral, tumugtog at magtrabaho. Si Cullen naman, nag-focus sa sinusulat nitong nobela. Madalas silang magkaroon ng interaksyon, lalo na ‘pag magpapatimpla ng kape ang binata sa kaniya. Minsan nga, maso-sorpresa na lamang siya na mag-aabot ito ng bulaklak sa kaniya.

Halos puno ng mga tao ang Manila Bay. Iba’t ibang klase ng tao . . . karamihan sa mga ito ay mga estudyante. Naglalakad sa magkakasalungat na direksyon na para bang may sari-sariling mundo ang mga ito.

Ang nakakatuwa sa binata, parang labag pa sa loob nitong bigyan ng bulaklak si Nette. Dapat nga naiinis siya, e. Dapat naiinis siya kasi parang napipilitan lang si Cullen na ligawan siya. Pero alam niya kasing hirap lang ito magpakita ng totoo nitong nararamdaman . . .

Nahihirapan si Cullen manligaw pero sinusubukan pa rin nito.

Kaya lalo siyang nahuhulog dito, e.

Pasado alas dos na ng hapon ngunit ang araw ay tirik pa rin. Hindi tuloy napigilan ni Nette na mapapunas ng pawis sa noo gamit ang braso.

Matalim na tiningnan ni Nette si Cullen na parang bata na kumakain ng taho. Pagod na siya kakatulak sa binata tapos hindi man lang siya nito tinanong kung ayos pa ba siya! Napakawalang-hiya talaga ng lumpong ‘to!

“Cullen, ‘di pa ba tayo uuwi?” Nagsalubong ang mga kilay ni Nette. “Binabanas na ako.”

“Huh?” Puminta ang pagtataka sa mukha ng lalaki. Mula sa panonood sa mga roro sa dalampasigan ay lumingon ito sa kaniya. “Hindi pa tayo nagtatagal dito, ah? Sabi mo one hour?”

Napasulyap si Nette sa plastic cup na tangan ni Cullen. Nangangalahati pa ang laman noon.

Walang anu-ano niya iyong hinablot at tinungga ang lamang taho.

“Nette!” asik nito. “Ano ba?! Taho ko ‘yan, e!”

Tinaliman niya ng tingin ang binata habang ngumuguya. Nilunok niya ang kinakain saka nagsalita, “Hirap na hirap na ako kakatulak sa ‘yo tapos hindi mo pa ako ililibre ng taho?! Ang kapal naman ng apdo mo!”

“What?!” Nagsalubong ang mga kilay nito. “Hindi ka naman nagsabi, e.”

“S’yempre, matik na ‘yon!” Umirap si Nette sa hangin at pinagkrus ang mga braso sa harap ng dibdib. “Nanliligaw ka, ‘di ba? Eh ‘di dapat kusa mo nang ginagawa ang mga gano’ng bagay!”

A Step To Her HeartWhere stories live. Discover now