CHAPTER 10

7 4 11
                                    

May mga puwang pala talaga sa puso ng tao na hindi kayang mapunan, ‘no?

‘Yong sabi nila na iiyak lang daw lahat hanggang sa gumaan, parang hindi naman totoo. Ilang beses nang lumuha si Nette sa magkakaparehong dahilan . . . pero ang sakit sa puso n’ya, nananatili namang gano’n ang intensidad.

Hindi nagbabago.

Walang nababawas sa bigat.

Kaparehong-kapareho pa rin ito ng pagkadurog n’yang naramdaman nang makita ang ama na may kahalikang ibang babae.

‘Yong puno ng mangga na naging saksi sa bawat pagtawa at musika nilang mag-ama, s’ya ring naging saksi sa pagkawasak ng musmos niyang puso. Ang araw ng Sabado na noon ay naging paborito n’ya, ngayon ay isa na lamang tipikal na araw para sa kaniya. Tipikal na araw na kung magugunita niya ang lahat, maghahatid sa kaniya ng bangungot.

Napakasakit pa rin kasi para sa kaniya ng nangyari. Mahigit isang dekada na ang lumipas, ngunit ang pagbabaka-sakali n’yang muling marinig na tumugtog ang ama para sa kaniya ay hindi nagbabago.

“Hindi ko nga a-alam kung makikilala pa n-n’ya ako ‘pag nagkasalubong kami.” Hindi na mapigil ang kaniyang mabibigat na paghinga. “Hindi ko alam k-kung may pakialam pa siya s-sa amin.”

“Alam mo, Nette . . . para sa ‘kin, ang suwerte mo pa rin.”

Napalingon s’ya kay Cullen na may mapait na ngiting nakaukit sa labi. Kumikinang ang nanunubig nitong mga mata habang tahimik na nakatitig sa kaharap nilang telebisyon.

“Kasi ikaw . . . i-ikaw, may pag-asa ka pang makasalubong ang tatay mo.” Lumandas ang isang luha pababa sa pisngi ng lalaki kaya agad nito itong pinawi gamit ang palad. “Ako, wala na.”

Natulala si Nette sa ekspresyon ng binata. Para siyang nakatingin sa isang malungkot na anghel. Bahagyang namumula ang ilong at mga pisngi nito habang ang mala-rosas nitong mga labi ay tiim na magkalapat.

“Dahil sa ‘kin . . . d-dahil sa ‘kin — ”

Nang biglang humagulhol si Cullen ay tarantang itinabi ni Nette ang gitara at tumayo sa harap ng binata upang yakapin ito. Sa kabila ng pagtataka ay hinayaan niya lamang si Cullen na ibaon ang mukha sa kaniyang t’yan at doon umiyak.

Sa pagkakataong ito ay nagsalubong ang kanilang mga puso. Mga puso na animo’y dalawang kontinente na binabalot ng makapal na nyebe. Napakalamig dahil sa pighati . . . napakalamig dahil sa pangungulila.

“Kung hindi s-sana ako nagpilit n-na makakita ng snow . . . kung hindi sana ako humiling sa kanila na p-pumunta ng Japan,” ipinahid ng lalaki ang mga luha nito sa damit niya, “siguro buhay pa sila ngayon.”

Hinayaan lamang ni Nette na umiyak ang binata sa kaniyang bandang t’yan kahit na nababasa na ang kaniyang kamiseta. Bawat paghikbi ng binata ay tinatarak ang puso niya dahil naiintindihan n’ya ito . . . naiintindihan n’ya ang pangungulilang nararamdaman ni Cullen.

“Sinisisi k-ko ang sarili ko. Para akong nabubuhay sa bangungot. Para akong hinahabol ng kadiliman.” Mas humigpit ang yakap nito sa kaniya. “Kahit gusto kong kalimutan lahat ng sakit, hindi ko magawa. Kasi, N-Nette, sa t’wing nakikita ko ang m-mga binti ko, bumabalik lahat. Hindi ko kinakaya.”

Napakagat sa labi si Nette saka n’ya namalayang naluluha na rin siya. Halos magkapareho kasi sila ng sakit na nararamdaman ng binata. Kahit hindi n’ya maproseso nang masyado ang sinasabi ng lalaki, ramdam naman niya ang lamig na bumabalot sa puso nito.

Kaparehong-kapareho ito ng lamig na ilang taong tinutupok ang dibdib n’ya.

“Nette, w-walang natira sa akin,” muling pagsasalita ni Cullen mula sa paghikbi. “S-sana hindi na lang ako n-nabuhay. Sana namatay na lang din a-ako para kasama ko pa r-rin sila.”

A Step To Her HeartWhere stories live. Discover now