Kabanata 11

2.8K 57 1
                                    

Kabanata 11

Alas nuebe ng bumalik ang ina ni Eliziea. May bitbit itong bag na kaagad namang kinuha ni Frainier at inilapag sa sofa bed. Lumapit din si Eliziea para halikan ang ina sa pisngi nito. Pagmamano naman ang ginawa ni Frainier.

“Hinatid ka ba ng papa, ma?”

Umiling ang ginang sa tanong ng anak. “Iniwan ko si Franzen sa pangangalaga ng papa mo, anak.”

Napatango si Eliziea sa iwinika ng ina. Si Frainier ay lumapit sa gawi ng anak. Hinalikan nito ang noo ni Cheska.

“Uuwi na muna ako sa bahay, ma, Eli. Para maasikaso ko si Franzen bukas.”

Tumango lamang siya at naupo sa sofa bed habang ang mga mata'y nasa gawi ng anak. “Sige, mag-ingat ka, Frainier. Kumapit ka lamang at magpakatatag. Maayos din ang lahat,” saad ng ina.

Hindi namalayan ni Eliziea na nasa tabi na pala niya ang asawa dahil may masuyong humalik sa kaniyang buhok. “Maghihintay ako sa kapatawaran mo, mahal. Mahal na mahal kita,” masuyo at may buong pagmamahal na wika ng kaniyang asawa.

Niyakap din siya nito ng kay higpit. Pagkatapos niyon ay umalis na ito sa kaniyang tabi. Narinig na lamang niya ang pagbukas sara ng pintuan ng silid.

“Anak?” Naramdaman na lamang ni Eliziea ang banayad na paghaplos ng ina sa kaniyang pisngi. Umiiyak na pala siya ngunit hindi man lang niya iyon namalayan.

“Naiintindihan ko ang damdamin mo, anak. Alam kong nahihirapan kang magpatawad ngunit huwag mo sanang hayaan na mamayani ang galit d'yan sa puso mo.”

Akala niya'y tapos nang magsalita ang ina dahil ilang sandali ang nakalipas na walang sinuman ang nagsasalita sa kanilang dalawa.

Malalim na bumuntong-hininga ang kaniyang ina. “Nasaktan ka ng asawa mo, oo pero huwag mong hayaan na masira ang pamilyang inyong binuo. Nawa'y mahanap mo riyan sa puso mo ang pagpapatawad sa iyong asawa. Nawa'y bigyan mo siya ng isa pang pagkakataon. Sa paggising ni Cheska, bumuo kayo ng panibagong memorya. Mga memoryang mas lalong magpapatibay sa inyong pamilya.”

Tinuon niya ang kaniyang paningin sa ina. Nakangiti ito sa kaniya. Kay dali para ritong sabihin na siya'y magpatawad dahil hindi iyon naranasan ng kaniyang ina. Dahil hindi kailanman gumawa ng kahit anong ikakasira ng kanilang pamilya ang kaniyang ama.

Napailing siya bago nagsalita, “Madali para sa iyong sabihin ang lahat ng iyan, ma dahil hindi mo kailanman naranasan ang pagtataksil. Ngunit susubukan ko. Susubukan kong magpatawad para sa kapakanan ng mga anak ko. Hindi ko nais na lumaki silang hindi buo ang aming pamilya. Ang mga anak ko ang natatanging kayamanan ko kaya hindi ko kailanman nanaisin na maramdaman nila ang kakulangan sa kanilang pagkatao.”

“Anak, lagi mo lamang tatandaan na narito ako. Susuportahan ang anumang nanaisin mong gawin. At lagi mong tatandaan na kahit matanda ka na at may sarili ka nang pamilya ay narito kami ng papa mo. Minamahal ka ng buong buo at walang anumang hinihinging kapalit. Ikaw ang buhay ko, anak kaya ang laging nais ko ay ang kasiyahan mo.”

Mahigpit niyang niyakap ang kaniyang ina. Malaki ang kaniyang pasasalamat sa mga magulang dahil sila ang dahilan kung bakit siya nabuhay sa mundong ito. Ni minsan sa kaniyang buhay ay hindi niya naramdaman na kulang siya. Kaya iyon din ang nais niyang iparamdam sa mga anak.

Amidst the Clandestine HeartacheWhere stories live. Discover now