"Tara. Samahan mo ako," ang sabi niya. Alam kong tinotopak na naman siya. Malapit na naman kasi ang araw na hinihintay ng kanyang mga kaibigan, mga magulang, mga taong ang tingin nila'y isa siyang napakahalagang kayamanan. "Hayan ka na naman eh." "Oo ito nga na naman ako, at hindi ka na nasanay pati!" "So saan naman tayo pupunta? Tagaytay? Zambales? Tarlac?" tanong ko. Hinithit ko ang kakaunting kasalanan na hawak ng aking mga kamay. "Ito panay pa ang yosi. Bawal na nga 'yan eh." "Hirap na hirap na nga ako eh," sagot ko. "Sa pagtigil?" nakangisi niyang tanong. "Hindi," sagot ko. "Eh saan ka nahihirapan?" tanong niyang muli. "Nahihirapan na akong magyosi in public. Paano ba naman, panay ang huli! Bawal na kasi," natatawa kong sambit. Tumawa rin siya at pinaghahampas pa ang aking balikat. "Pahingi nga, Daks!" bigla niyang sambit. "Kasalanan 'to 'di ba? 'Wag ka nga! Pagkatapos mo akong punain eh saka ka hihingi." "Sige na!" "Oh, ayan na!" wika ko sabay abot ng kalahati nang stick ng yosi. Nalalaglag lamang ang upos nito sa semento sa sahig ng rooftop kung saan kami nakatambay. "So ano bang plano, Baks?" tanong ko muli sa kanya. Ngumiti lamang siya na parang isang pusa. Idinikit niya ang mamula-mula niyang labi sa aking balikat habang nagniningning ang kanyang mga mata sa liwanag ng mga poste ng ilaw sa malapit. "Happy birthday to me!" wika niya habang nakangiti. Ngumisi na lamang ako at muling tumingin sa kalawakan. May kaunting pait sa lalamunan na sinubukan kong lunukin. Pinilit ngumiti at muling tumingin sa kanya.