Moymoy Lulumboy Ang Batang As...

By Kuya_Jun

312K 9.7K 424

Sa isang Cosplay event sa Greenbelt, isang babae ang inabutan ng isang sanggol na may kasamang isang bag ng s... More

Moymoy Lulumboy
KABANATA 1: ANG TIBARO
KABANATA 2: PAMILYA NI MOYMOY
KABANATA 3 : NAIIBA NGA SI MOYMOY
KABANATA 4: ANG PASYA NI MOYMOY AT ANG BALETE
KABANATA 5 : ANG TUNAY NA MUNDO NI MOYMOY
KABANATA 6: ANG MAPA SA DIBDIB
KABANATA 7: DULOT NG SUMPA
KABANATA 8: ANG PANAGINIP NI MOYMOY
KABANATA 9: IBALONG SARYO
KABANATA 10: NAIIBANG ESTUDYANTE
KABANATA 11: PAKIUSAP NG DIYOSA
KABANATA 12: SA PANAGINIP MALALAMAN ANG LIHIM
KABANATA 13: POOT NG MGA APO
KABANATA 14: SI BUHAWAN
KABANATA 15: NASA ISIPAN ANG ANAPAYA
KABANATA 17: ANG BISITA
KABANATA 18: KOMPRONTASYON
KABANATA 19: SENYALES NG GABI NG DUGON
KABANATA 20: ANG PARA KAY HASMIN
KABANATA 21: ANG DIYOSA AY INA
KABANATA 22: KAHULUGAN NG MGA SUGAT
KABANATA 23: ANG HALIMAW NG DALUMDUM
KABANATA 24: ANG DESISYON NI MOYMOY
KABANATA 25: NAMUMUKOD-TANGING MANDIRIGMA
KABANATA 26: ANG PAGPUPULONG
KABANATA 27:KAMUKHA KO SIYA!
KABANATA 28 : SALAMIN ANG TUBIG
KABANATA 29: BIHAG
KABANATA 30: ANG BUONG MAPA
KABANATA 31: MGA TANONG NA NAGHAHANAP NG MGA SAGOT
KABANATA 32: ANG PANAGINIP NG ISANG INA
KABANATA 33: DALAWANG PAGTATAGPO
KABANATA 34: MGA APO NG KALIKASAN
KABANATA 35: MGA TIBARO SA AMALAO
KABANATA 36: DAMDAMIN NG ISANG KAPATID
KABANATA 37: LABANANG WALANG DIWANI
KABANATA 38: ANG MAGKAPATID
KABANATA 39: ANG DINUKOT
KABANATA 40: ANG KATAHIMIKAN
KABANATA 41: ANG PAGLAYA NI TRACY
KABANATA 42: DALAWANG INA

KABANATA 16: ANG ANAPAYA NI MOYMOY

5.1K 206 3
By Kuya_Jun

KABANATA 16: ANG ANAPAYA NI MOYMOY

PAGKABIGAY ni Moymoy kay Ibalong Saryo ng kanyang hinulmang modelo para sa kanyang anapaya ay humawi ang lahat ng mga batang estudyante. Nagbulungan ang mga ito at napapangiting naghintay sa gagawin ni Moymoy. Tumitingin din siya sa mga kapwa estudyante at nararamdaman at naisip niya ang iniisip ng mga ito—na wala siyang nalalaman at walang kakayahan pagdating sa anapaya.          

            “Moymoy?” Muli siyang tiningnan sa mapanuring tingin ng nakangiting si Ibalong Saryo na nagsasabing—Ano pa ang hinihintay mo?

            Subok lang po, Ibalong, sabi sa isip ni Moymoy na hindi na niya nakuhang bigkasin.

            “Ito ang unahin mo.” Ipinapakita ni Ibalong Saryo ang isa sa tatlong estatwang ibinigay ni Moymoy.  “Ano ito? Pusa?”

            “Opo—ah, eh, oo, Ibalong, pusa 'yan. Iyan si Spaghetti—alaga ko.”

            Nagtinginan ang lahat. Para sa kanila, isang kakaibang pangalan ang “Spaghetti.” At ang magkaroon ng isang alagang hayop ay hindi nila kaugalian kaya hindi na nagulat si Moymoy nang pagbulungan siya ng mga kasamang estudyante.

At maging si Ibalong Saryo ay napapangiti rin. “Spaghetti 'kamo ang pangalan?”

            Tumango si Moymoy. “Spaghetti ang ibinigay kong pangalan sa aking pusa.”

            Biglang tumawa si Dorong. Ang lahat ay natawa na rin sa sinimulan nito.

            “Palibhasa, Ibalong, lumaki siya sa mga buntawi kaya kung ano-ano’ng nalalaman niya. Marunong din kaya 'yan sa anapaya?” tumatawang komento ni Dorong.

            “Moymoy,” nanatiling nakangiti si Ibalong Saryo. “Maaari mo nang simulan.”

            Humawi ang lahat at sa gitna ng bulwagan ay nanatiling nakatayo si Moymoy sa gitna.

            Kanina, habang ginagawa ni Hasmin ang kanyang anapaya ay naalala ni Moymoy na nakakaya niyang kontrolin ang isipan nito. At kung kaya niyang kontrolin ang isipan ni Hasmin, bakit hindi ang sa kanya? Kaya ito ang naisip ni Moymoy—kayang-kaya nga niyang kontrolin ang sariling isipan kaya kayang-kaya niyang mag-anapaya!

            Marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata. At sa kadilimang iyon (habang siya ay nakapikit) ay nakikita ni Moymoy ang mga mata ni Spaghetti hanggang sa mabuo ang mukha nito at kanyang katawan.

            Biglang nag-iba ang anyo ni Moymoy—naging isa itong pusa, kamukhang-kamukha niya si Spaghetti. Ngumiyaw ito at naglakad-lakad sa paligid. Tuluyan nang tumakbo si Moymoy sa paligid at gumapang-gapang sa dingding bilang isang pusa. Namamanghang nakamasid ang lahat sa kanya. Sa isipan ni Moymoy ay gusto niyang lumaki nang lumaki upang maabot ang kisame ng bulwagan. At iyon ay kanyang nagawa—lumaki siya nang lumaki na ikinagulat ng lahat!

            Napanganga si Ibalong Saryo sa kanyang nakikita. Nataranta ang kanyang isipan at hindi makapaniwala.

            “Mag-iba ka na…” bulong ni Ibalong Saryo halos ay sa sarili. Napalunok siya pagkatapos ay biglang natauhan. “Moymoy, heto ang susunod mong gawin!” Itinaas ng matandang ibalong ang isa sa mga hinulma ni Moymoy na isang malaking lawin.

            Nang pumasok sa isipan ni Moymoy ang lawin ay bigla itong nag-iba. Naging isang lawin. Lumipad siya nang lumipad sa paligid. At nang makontento si Ibalong Saryo ay ipinagawa niya ang pangatlo—isang dragón. May pakpak pa ito at lumilipad-lipad na  ikinatuwa ni Moymoy. Bigla siyang lumabas mula sa malaking pinto at doon sa malawak na lupaing iyon sa labas ng bulwagan ay lumipad nang lumipad si Moymoy at minsan pa’y may apoy na lumabas sa kanyang bibig.

            Bigla’y nag-iba rin ng anyo si Ibalong Saryo. Lumikha rin siya ng isang dragón kagaya ng kay Moymoy. Lumipad si Ibalong Sario patungo kay Moymoy. Pinapanood sila ng mga estudyante sa ibaba.

            Biglang humarap si Ibalong Saryo kay Moymoy at bigla ring iniba nito ang anyo. Naging isang maliit na ibon si Ibalong Saryo pero natira ang tunay na anyo ng ulo nito, ibinulong kay Moymoy na mag-iba na siya ng anyo. Naguluhan saglit ang isipan ni Moymoy kaya bumalik siya sa kanyang tunay na anyo. At dagli ay lumabas ang malalaking pakpak sa kanyang likod kaya siya ay nakalipad. Lumipad nang lumipad si Moymoy sa kalawakan. Bumalik na rin sa tunay na anyo si Ibalong Saryo kaya lamang ay may pakpak din ito gaya ni Moymoy. Pero pagkaraan ng ilang saglit ay tumigil ito nang biglang kumidlat. Napabaling si Moymoy sa kinaroroonan ng kidlat at sinundan ang mga sumunod pang kidlat at mabilis na pinigilan ito sa pamamagitan ng kanyang kamay. Nagulat, namangha si Ibalong Saryo sa ipinamalas na iyon ni Moymoy.

            Pero ganoon na lamang ang pagkagulat ng lahat nang mula sa isang malaking puno sa paanan ng bulkan na malapit sa eskuwelahan ay lumabas ang nagliliparang paniki. Lumipad ang mga iyon sa himpapawid patungo kina Moymoy at Ibalong Saryo. Sumasalakay ang mga paniki sa kanila! Akmang lulusubin at kakagatin  ng mga paniki si Ibalong Saryo pero biglang may sumulpot na espada sa palad ni Moymoy at dagli nitong pinaghahampas ang mababangis na paniki. Isa-isang pinagpuputol ang mga ulo ng mga ito. Sa bilis at lakas ni Moymoy ay hindi man lang nakuhang umiyak at dumaing ng mga paniki. Naglaglagan ang putol-putol nitong mga katawan at ulo sa lupa. Nagulat si Ibalong Saryo sa nakita lalo na sa espadang lumitaw sa kamay ni Moymoy. Ang ibang mga paniki ay natakot kay Moymoy kaya dagling nagbalikan ang mga ito sa dambuhalang punong pinanggalingan. Saglit pang natigilan si Ibalong Saryo habang lumipad pa nang lumipad paitaas sa himpapawid si Moymoy. Nagpasya siyang sundan si Moymoy.

            “Moymoy, bumaba ka na. Baba ka na!” pag-uutos ni Ibalong Saryo.

            Sumunod si Moymoy kay Ibalong Saryo. Mayamaya, sa pagbaba at pag-apak ni Moymoy  sa lupa ay sumunod si Ibalong Saryo. Kasabay niyon ay umurong ang espada sa palad ni Moymoy sa kanyang palad, muling bumalik ang kanyang balat sa palad at tuluyang naglaho ang kanyang pakpak—bumalik si Moymoy sa tunay na anyo. Sa kanyang likuran ay sumunod si Ibalong Saryo na bumaba na rin at kasunod niyon ay naglaho rin ang kanyang pakpak. Bumalik na rin ito sa tunay niyang anyo.

Nagtinginan ang lahat ng mga estudyante, nanatiling namamangha. Napatingin si Moymoy kay Hasmin.

Naghari ang katahimikan. Nagtinginan ang mga estudyante.

            Huminga nang malalim si Ibalong Saryo at humarap kay Moymoy. “Ikaw, tibarong galing sa Amalao. Sa ipinakita mo, huwag mong isipin na isa ka nang mahusay at magaling na aswang. Sinasabi ko sa ‘yo ngayon na marami kang kakulangan at kailangan mo ng masusing pagsasanay.” Mariin ang sinabing iyon ni Ibalong Saryo.

            “Ikaw ay pinalaki ng buntawi—ng tinatawag ninyong tao sa Amalao. Kung ihahambing kita sa isang hayop ikaw ay mailap at hindi marunong magpanatili ng anapaya dahil doon ka lumaki at hindi dito sa Gabun. Kailangan mong panatilihin ang kung ano’ng gusto mong mangyari sa isipan na siyang dapat na lumabas sa iyong anyo—iyon ang tunay at mahusay na anapaya.”

            “Ano ang ibig ninyong sabihin, Ibalong?” tanong ni Moymoy. “Hindi pa po ba ako marunong ng anapaya? Napatay ko pa ang mga paniki.”

            Hindi pinansin ni Ibalong Saryo ang tanong at sinabi ni Moymoy bagkus ay bumaling ito sa iba pang mga estudyante at pagkatapos ay kinausap na muli si Moymoy. “Kinakailangang mag-aral ka ng tamang anapaya. Ano’ng akala mo sa sarili mo—magaling ka na? At ang ipinakita mo kanina, ang akala mo ba’y patunay na isa kang mahusay na aswang?” sabay iling ni Ibalong Saryo. “Hindi, Moymoy.”

            Nalungkot si Moymoy sa kanyang narinig, lalo na nang makita niyang nagbubulungan at ngingiti-ngiti nang nakakaloko si Dorong.

            “Ako pa rin, 'di ba, Ibalong? Ako pa rin ang mahusay sa inyong klase,” pagmamayabang ni Dorong.

            Hindi sinagot ni Ibalong Saryo ang tanong na iyon ni Dorong bagkus ay bumaling kay Moymoy, yumukong inilapit ang mukha sa kanya at matiim siyang tiningnan. “Kailangan kitang makausap sa aking tanggapan.”

            Sa tinagal-tagal na panahon, ngayon lamang ako nakakita ng ganito kahusay na aswang, hiyaw ng isip ng matandang ibalong habang humahakbang papasok sa bulwagan, sa loob ng eskuwelahan. Pagkuwa’y muling bumaling si Ibalong Saryo kay Moymoy na nakatayo kasama ang mga estudyante. Ikaw, Moymoy, ang hinahanap at kailangan namin dito sa Malasimbo.

            Tuluyan nang humakbang si Ibalong Saryo sa loob ng eskuwelahan.

Continue Reading

You'll Also Like

184K 6.4K 39
Ang mga kwento na inyong matutunghayan ay base sa tunay na karanasan ng mga taong nasasangkot. Sama-sama nating buksan ang nakapinid na pintuan ng ka...
39.3K 447 22
Hanggang saan aabot ang inyong pagmamahalan, kung ang tingin naman ng iba dito ay isa lamang malaking Kalokohan? #Through The Years
50.9K 2.7K 59
Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan Kuwento ni Segundo Matias Jr. Guhit ni Jomike Tejido
500K 9.6K 17
(WARNING: There's a gore and torture scenes in this story.) Isang gabi ang babago sa buhay ni Erika...Isang gabing hinding-hindi niya malilimutan!