(Alyanna POV)
Umiiyak akong naglakad pabalik sa bahay. Ano nang gagawin ko ngayon? Hindi ko alam kung paano bubuhayin ang sarili ko. Wala akong pera at lalong hindi ko na matutuloy ang pag-aaral ko.
Pagdating ko sa bahay, mas tumindi ang pagod at gutom na naramdaman ko. Nahiga ako sa sahig at nilibot ang tingin sa bahay naming wala nang laman.
Nag-isip ako ng maigi, kailangan kong mag-plano. Para saan pa ang pagiging honor student ko kung hindi ko gagamitin ang utak ko. Hindi naman kasi pwedeng magmukmok lang ako dito! Bukod doon, "May matitirahan pa ako. Saakin pa rin ang bahay na iniwan nila Mama at Papa."
At may mga natitira pang gamit na pwede kong ibenta. Yung mga gamit sa loob ng kwarto ko at yung lamesa at mga upuan na nakaharang kanina sa pintuan ko ay pwede kong ibenta. Magtitira lang ako ng ilang damit para sa sarili ko.
Mag-isa ko nang binuhat ang lahat ng gamit at dinala papunta sa baba. Ang perang makukuha ko dito ay gagamitin ko para makahanap ng trabaho. At hahanapin ko rin kung saan mang lupalop nagpunta ang mga walang hiya kong kamag-anak! Babawiin ko lahat ng ninakaw nila saakin!
"Ayjuskopo!" Biglang nagpakita si Mrs. Highblood. Kumare siya sa sugal ni Auntie Seline. Kaya Mrs. Highblood ang nickname niya ay dahil laging mainit ang dugo niya saakin. Kapag dumadalaw pa siya dito, kung mag-utos ay akala mo sinuswelduhan ako. "Pinasok ba kayo ng magnanakaw?" Tanong niya.
Gusto ko naman siyang sagutin na ang magnanakaw mismo ay sina Auntie Seline. Pero hindi na ako umimik.
"Nasaan na ang ibang gamit niyo sa bahay? Nasaan na ang tiyahin mo?"
"Umalis na po sila. Iniwan na nila ako."
"Anak ng tinapa! Malaki pa ang utang niyo saakin! Alam mo bang nakasangla na nga rin itong lumang bahay niyo dahil sa pagkatalo niya sa sugal!"
"Ano po?" Biglang nadagdagan ang bigat na dinadala ko. Nag-iwan si Auntie ng malaking utang at ang masaklap pa dun, sinangla niya ang bahay ko! Bahay ko!
"Hindi pwedeng walang magbayad sa lagpas kalahating milyon na utang niyo." Halos lumuwa ang mga mata ko sa laki ng perang binanggit ni Mrs. Highblood. "At dahil ikaw ang pamangkin niya, ikaw ang dapat na magbayad nun."
Akala ko wala na akong maiiyak pa pero heto na naman ang luha ko, unti-unti na namang pumapatak. "Bakit ako ang magbabayad? Si Auntie Seline po ang may atraso sa inyo. At tsaka wala po akong pera—walang-wala din ako!"
"Ah ganun? Hindi mo babayaran ang utang ng Auntie mo?" Dinukot niya ang cellphone niya at at nag-dial siya ng number. Habang ginagawa ito, nakaduro saakin ang isang daliri niya. "Kapag hindi ka nagbayad, ikaw ang ipapahuli ko sa kapatid kong pulis!"
Napaluhod na ako sa harap niya. Wala naman akong kasalanan pero bakit saakin niya sinisisi? "Hindi ko po alam kung saan ako kukuha ng perang pambayad sa inyo. Kahit ako, hindi ko na alam kung paano bubuhayin ang sarili ko. Bigyan niyo po ako ng oras. Hahanapin ko po sila Auntie para mabayaran ka nila."
Pero pusong bato si Mrs. Highblood. Baka nga pusong titanium pa. Ganun katibay at katigas! Hindi siya madaan sa pakiusap at ngayon ay kausap na nga niya ang kapatid niyang pulis.
Alam kong kahit na anong pagmamakaawa ko, hindi na niya ako pakikinggan. Pumasok na sa isip ko na baka magkasabwat lang sila ni Auntie Seline. Pero ano pa man ang katotohanan, gusto nila akong gipitin. Ako ang dehado.
Unti-unti na akong lumayo sa kanya. At saka ako tumakbo paalis.
"Hoy Alyanna! Bumalik ka rito!" Nagsisigaw si Mrs. Highblood pero binilisan ko lang ang takbo ko kahit wala akong dala para sa sarili ko. "Ipapakulong kita!" Yun ang huling banta na narinig ko.
* * *
Humihingal ako at naghahabol pa rin ng hininga. Hindi ko na alam kung saan na ako napadpad ngayon. Basta ang alam ko, malayo na ang tinakbo ko.
Dumoble ang sugat sa talampakan ko, puro galos pa ang tuhod ko dahil ilang beses akong nadapa dahil sa kalampahan. Nanghihina ako at walang tigil ang pagtulo ng luha ko.
Madilim na at hindi na ako makapag-isip pa ng matino. Akala ko kahapon, magiging masaya na ako ngayon. Ngayon kung kailan pwede ko na sanang makuha ang pinamana saakin ng mga magulang ko.
Naglaho na ng parang bula ang mga pangarap ko! Ang pangarap kong mas guminhawa ang buhay, ang pangarap kong maging masaya! Hindi ko alam kung ano nang gagawin ko at hindi ko rin alam kung paano ako makakahanap ng trabaho.
Bilang pumatak ang ulan at naging sobrang lakas pa! Napatingala ako sa langit, wala man lang akong makitang bituin o kahit na anong liwanag. Pati ang langit, binibigyan ako ng problema! Nanginig ako sa lakas ng hangin at walang masilungan.
Saka ko napansin na naglalakad na pala ako sa gitna ng isang tulay. Sinilip ko kung ano ang nasa ilalim nito at maduming ilog ang nakita ko. Lutang ako at parang mawawala na sa katinuan. "Ito ba? Ito ba ang tatapos sa lahat ng problema ko?" Umiiyak ako pero hindi na halata dahil sa patak ng ulang tumatama sa mukha ko.
"Mama, Papa, hindi ko na po kaya. Hirap na hirap na ako at miss na miss ko na kayo." Ipinikit ko ang mga mata ko at huminga ako ng malalim. Kamatayan ang tanging tatapos sa mga problema ko.
Pinabayaan ko ang katawan ko na mawalan na ng balanse para tuluyang bumagsak mula sa tulay. Nagdarasal lang ako sa isip ko na kung hindi man mapupunta sa langit ang kaluluwa ko, payagan sana nilang makita ko uli ang mga magulang ko kahit sa huling pagkakataon.
"Hoy!" Biglang may humila sa damit ko kaya hindi natuloy ang pagtalon ko. "Juskopong bata 'to! Magpapakamatay ka ba?" Isang matandang gusgusing lalaki ang pumigil saakin.
"Pabayaan niyo po ako! Gusto ko nang mamatay!" Itutuloy ko na sana ang naudlot kong pagpapakamatay ko pero pinigilan niya uli ako. Matanda na siya pero ang lakas pa niya!
"Aba't ang tigas ng ulo ng batang 'to! Hindi mo ba alam kung gaano kalalim ang ilog na tatalunan mo?"
"Mabuti nga yun para mas siguradong mamamatay ako!"
Pagkasigaw ko, sinampal niya ako ng napakalakas! "Gumalang ka! Mas matanda ako sayo!" Tapos gamit ang tungkod niya, pinalo-palo niya yun saakin. "Masakit ba? Ha?" Sunud-sunod yun at palakas ng palakas ang palo niya. "Oh yan, natauhan ka na ba!"
Hindi ko siya kilala at hindi ko rin alam kung bakit niya ako pinapakealaman. Pero kahit sinasaktan niya ako at pinagagalitan, ramdam kong nag-aalala lang siya.
Kinaladkad niya ako palayo sa tulay. Nang makahanap siya ng masisilungan, pinilit niya ako paupuin at pangaralan. "Sinong may sabi sayong pwede mong bawiin ang buhay mo ng ganun na lang? Wala kang karapatan!"
"Sinosoli ko lang ang buhay na pinahiram saakin." Binatukan uli ako ng matanda dahil sa sagot ko.
"Wag kang pilosopo! Kahit gaano pa kalaki ang problema mo, hindi mo pa rin dapat piliin ang pagpapakamatay!" Napatingin ako sa kanya dahil parang naiiyak siya habang sinasabi yun. "Tingnan mo ako, kahit sa kalsada lang din ako nakatira, nilalasap ko ang buhay."
Dahil dito, hindi na rin ako nahiya na sabihin sa kanya ang mga pinagdadaanan ko. "Paano ako magiging masaya kung patung-patong ang problema ko? Pagkamatay ng mga magulang ko, inalila na ako ng mga natitira kong kamag-anak. Tinanggap ko yun, kasi alam kong makakabangon din ako.
Pero ninakaw na nila ang perang pamana saakin ng mga magulang ko! Hindi na ako makakapagpatuloy pang mag-aral. Sinangla pa nila ang bahay ko nang hindi ko alam! At higit sa lahat, siguro hinahanap na ako ng mga pulis ngayon sa laki ng utang na iniwan nila saakin." Napatakip ako ng mukha dahil parang sumasabay uli sa patak ng ulan ang mga luha ko. "Paano ako mabubuhay? Ni hindi ko alam kung paano magsisimula uli. Gusto kong maghanap ng trabaho pero wala namang tatanggap saakin! Wala na pong kwenta ang buhay ko!"
"Hay!" Napabuntong-hininga na lang ang matanda habang pinapakinggan ang masaklap kong buhay. "Mga kabataan talaga ngayon, simpleng problema, pinanghihinaan na agad ng loob!"
"Alam ko pong matanda na kayo at mas maraming karanasan kaysa saakin. Pero hindi niyo po ako masisi! Parang ako yung mga inaaping bida sa mga teleserye."
"Ano ka, artista?" Ay grabe naman 'tong si Lolo. Nakuha ring mamilosopo!
Pero may dinukot siya mula sa bulsa niya at binigyan niya ako ng isang malinis na puting panyo. Gusto ko sanang itanong kung paano siya nakapagtago ng TUYO at MALINIS na panyo sa bulsa niya. Pagkatapos, may iniabot rin siyang isang papel. "Heto, kunin mo."
Binuklat ko yung papel at may nakasulat na pangalan at address. "Brylle Zaffiro? Sino po ito?"
"Ang tanong, alam mo ba kung paano pupuntahan ang address na yan?"
"Pamilyar po ang lugar. Madali lang pong puntahan ito pero ano nga pong gagawin ko dito?"
"Gusto mo ng trabaho? Makakahanap ka dyan." Tumayo na siya at ipinatong ang kamay sa balikat ko. Parang sinasabi niya na magiging okay din ang lahat. Matapos nun, aalis na sana siya pero marami pa akong gustong itanong sa kanya.
"Teka po Lolo! Mabibigyan ako ng trabaho ng taong ito? Ano pong trabaho? At tsaka paano niyo po nalaman na—"
"Ang daming tanong! Puntahan mo na lang!" Napatikom tuloy ako ng bibig. Parang busy si Lolo at talagang nagmamadali siyang umalis.
Pero makulit ako, hinabol ko pa rin siya. "Lolo! Ano nga po palang pangalan niyo? At tsaka saakin na po ba itong panyo niyo?"
Napatigil na sa paglalakad si Lolo. Nang lingunin niya ako, nginitian niya lang ako. Kasabay nun, biglang kumulog at kumidlat ng napakalakas kaya napapikit ako. Sandali lang naman yun pero pagmulat ko uli, wala na yung matandang lalaki.
"Nasaan na si Lolo?" Hinanap ko siya pero hindi ko na makita kahit anino niya. Hindi kaya multo yun?
Umiling ako at tinigilan ko ang pananakot sa sarili ko. May multo bang kayang magbigay ng panyo at papel? Tapos namalo pa ng tungkod!
Binasa ko na nga lang uli yung mga nakasulat sa papel. "Brylle Zaffiro."
Sino kaya siya? At matulungan nga kaya ako ng taong ito?