Project: Black Out (Philippin...

By EMPriel

50.5K 1.7K 290

Taong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawag... More

Project: Black Out (Overview)
Chapter 1: The Chosen Few (Ang Iilang Napili)
Chapter 2: The Grave of the Dying Nation (Ang Libingan ng Naghihingalong Bansa)
Chapter 3: Broken Dreams, Broken Promises (Nasirang Pangarap, Nasirang Pangako)
Chapter 4: Unusual Story (Hindi Karaniwang Kwento)
Chapter 5: Dance of the Shadows (Ang Sayaw ng mga Anino)
Chapter 6: Civil War Rising (Ang Pagbangon ng Digmaang Sibil)
Chapter 7: Identity Crisis
Chapter 8: City in the Dark (Ang Siyudad sa Dilim)
Chapter 9: Written in Blood (Isinulat sa Dugo)
Chapter 10: An Invisible Enemy (Ang Hindi Makitang Kalaban)
Chapter 11: Faded Memories (Ang Kumukupas na mga Alaala)
Chapter 12: Burn Baby! Burn!
Chapter 13: The Flawless and the Renegade (Ang Pino at ang Taksil)
Chapter 14: Time Will Tell (Ang Oras ang Makakapagsabi)
Chapter 15: A Shadow's Blood (Ang Dugo ng Isang Anino)
Chapter 16: Before the Dawn (Bago Magliwanag)
Chapter 17: War of the Shadows (Ang Digmaan ng mga Anino)
Chapter 18: Freedom Fall (Ang Pagbagsak ng Kalayaan)
Chapter 19: The Dogma (Ang Prinsipyo)
Chapter 21: March of the Dead (Ang Martsa ng Kamatayan)
Chapter 22: Oblivion Cry (Panaghoy ng Kawalan)
Chapter 23: Rain of Fire (Pag-ulan ng Apoy)
Chapter 24: A Cold Christmas (Ang Malamig na Pasko)
Chapter 25: The Final Countdown (Ang Huling Bilang)
Chapter 26: The Son of the Devil (Ang Anak ng Diablo)
Chapter 27: Illusions in the Air (Ang mga Ilusyon sa Hangin)
Chapter 28: The Last Ace (Ang Huling Alas)
Chapter 29: The Division (Ang Paghahati)
Chapter 30: The Last Laugh (Ang Huling Halakhak)
Chapter 31: Santelmo

Chapter 20: Black Propaganda

771 34 6
By EMPriel

"We wear clothes, and speak, and create civilizations, and believe we are more than wolves. But inside us there is a word we cannot pronounce and that is who we are."
-Anthony Marra,  A Constellation of Vital Phenomena


December 23, 2280 - 8:30 PM - Makati City Bidder District - 19°C

"Matapos ng tatlong linggong pagtatago ay kinumpirma na nga ng Classified Intelligence Unit at ng NBI ang katauhan ni Black Out. Ang mga haka-haka sa kanyang pagkamatay ay natuldukan na rin sa wakas. Sa pakikipagtulungan ng AFP at PNP ay kumikilos na ngayon ang mga otoridad upang madakip...si Dylan Ford sa kasong pagpatay sa halos labing siyam na mga bidder na siya ding kilala bilang si Black Out."

"Hindi na nga makakapagtago ngayon ang tinaguriang memory eraser na si Black Out dahil pinangalanan na ng otoridad. Ang my-ari ng Ford Automotives International na gumagawa ng magagarang hover cars sa buong mundo ang itinuturing na pinakadelikadong terorista ngayon sa Pilipinas. Kinilala ng otoridad si Dylan ford bilang si Black Out. Kumikilos na ang pwersa ng militar at kapulisan upang dakpin si Dylan Ford."

Kumalat na ang balita sa buong bansa. Nagulat ang iba, napahawak sa kanilang mga bibig. Ang iba ay napatitig pa sa kanilang mga hologram TV habang tinutunghayan ang balita. Nakapaskil ang mukha ni Dylan Ford sa bawat channel ng telebisyon sa buong bansa. Ang iba ay natakot, hindi makapaniwala. Isang bidder din ang nagbubura ng mga alaala ng mga bidder. Tila inis naman ang ipinakita ng mga bidder na may katungkulan sa gobyerno at sa MEMO. Pinanood din ni Dylan ang palabas sa telebisyon. Kalmado lamang siyang nagbibihis ng kanyang coat. Pag-aalala naman ang maipipinta sa mukha ng kanyang butler na si Brigand. Inaabot niya ang mga kailangan ng binata. Isinuot din niya ang Memory Transfer Reactor na kanyang ginagamit at tinakpan ito ng gwantes.

"Handa na ako," iyon ang nasambit niya.

Pinalibutan ng mga heli ship at hover police car ang paligid ng isang puting mansyon sa Makati Bidder City District. Maraming mga tao ang nakiusyoso. Marami sa kanila ang nagagalit at ang iba ay nagpapasalamat dahil nakilala na rin sa wakas ang kawatan na nagtatago sa pangalang Black Out. Takot din ang namayani sa kanilang mga damdamin dahil hindi nila akalain na isang mayamang tagapagmana ang sinabing kawatan. Marami itong kayang gawin kung yaman ang pagbabasehan.

"Sige! Bilisan niyo!" sigaw ng isa sa mga sundalo nang makababa sila gamit ang rappel mula sa heli ship. Agad na lumuhod ang mga ito at tinutukan ng baril ang puting mansyon.

Kasama naman ni Inspector Robert Vega ang isang pulutong ng mga pulis upang pasukin ang mansyon na iyon. Siya ang personal na nakakakilala sa totoong pagkakakilanlan ni Black Out. Ang itinuring na anak ng kanyang kaibigan na si James Ford, si Dylan Ford.

Nang mahuli siya ay saka naman sumabog ang dalawang heli ship mula sa labas ng mansion. Nahagip pa ng isang heli ship ang bahagi ng mansyon na iyon. Pinaniwala ni Inspector Vega na may kaaway sa paligid ngunit ginawa niya lamang iyon para makatakas si Dylan. Sa sikretong daan ng mansyon dumaan ang binata. Iniwan niyang nakasandal sa pader ang duguan na inspektor. Binaril nito ang kanyang balikat upang magmukhang si Dylan ang gumawa noon at natakasan siya. Agad namang dinala ng mga pulis ang sugatan nilang inspektor sa hei ship upang dalhin sa ospital. Ang mga tao ay tila lalong natakot. Ang ilang mga bid naman na nakatago sa sulok ng bawat siyudad sa Pilipinas ay nakaramdam ng pinaghalong saya, pag-asa, at pangamba.

________________________

Sa loob ng madilim at makipot na eskinita ng loob ng mansyon kung saan sumiksik si Dylan ay maririnig ang ingay sa labas. Ang mga taong nagsisigawan at ang mga pulis na nagtatakbuhan ay aligaga sa nangyari. Umupo siya sa gitna ng dilim. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nakiramdam sa paligid. Nang medyo humupa na ang tensyon ay saka siya muling naglakad. Hinawi niya ang buhok sa likod ng kanyang ulo para kahit kaunti ay makita niya ang kanyang dinadaanan gamit ang ilaw ng kanyang memory gene. Isang maliit na bakal na pinto ang nasa dulo ng kawalan na iyon. Inaagiw pa ang hawakan nito kung saan makikita ang maliit na ulo ng isang leon. Hinatak niya ang pabilog na ring at gumawa naman iyon ng ingay. Mabagl ang kanyang pagbukas ngunit nang mabuksan ang lihim na pinto ay agad bumukas ang mga ilaw sa kwarto. Napakunot na lamang siya nang noo nang makita ang loob nito. Alam niya ang mga pasikot-sikot sa mga sikretong lagusan sa loob ng mansyon na iyon pero ngayon niya lang nakita ang kwartong iyon.

"A-ano ito?" bulong niya.

Agad bumukas ang mga hologram computer at iba pang mga ilaw sa kwartong iyon. Patay sindi pa ang ibang ilaw at tila luma na ang ilang muwebles. May mga mechanical arms sa gilid ng kwarto. Ang ilan ay mga upuan para sa paglalagay ng memory gene sa ulo ng mga lalagyan nito. Mga luma na ang mga gamit doon ngunit bago pa ang mga hologram computer. Isang sisidlan naman ang umangat mula sa gitna ng mga hologram computer. Umilaw ang loob nito kung saan nakapaloob ang isang lumang memory gene. Nakakabit pa ang mga kable nito patungo sa computer.

Napalunok naman si Dylan nang kaunting laway at pinagpawisan ng malamig nang bumukas na ng tuluyan ang hologram computer.

'Boot: Sequence initiated...80%'

'Boot: Sequence initiated...100%'

'Scanning.'

Isang asul na ilaw ang lumabas sa paligid. Tila laser light show ang naganap upang i-scan ang katawan ni Dylan mula sa kanyang kinatatayuan. Napatingin na lamang si Dylan sa mga ilaw na iyon at nang matapos ay saka bumukas ang iba pang hologram screen.

'Security: Vulnerable.'

'Server scanned: James Ford/Dylan Torres.'

"J-James Ford? Dylan...Torres?" pagtataka niya.

Agad namang nagflash sa mga screen ang tila mabilis na mga pangyayari. May mga pagsabog at tila nuclear warfare, mga taong tumatakas mula sa gulo, mga putok ng baril at mga taong duguan at nakasalampak sa nagyeyelong simento, ang mga bid na tumatakas mula sa mga sundalo at militar. May mga heli ship na nagpapaulan ng mga bala mula sa kalangitan at ang mga bid na nagugutom sa lansangan na namamalimos at payat ang kanilang mga katawan. May mga pulitiko na nakatingin mula sa ibaba, makikita ang muhka ng presidente na si Nico Rivera at ang ilang mga may katungkulan sa gobyerno at sa MEMO. May mga mukha na ineekisan ng pula, tinitigan niya iyong mabuti at napansin niyang mga naging target niya ang mga bidder na iyon noon ngunit nang eekisan na sana ng video ang mukha ni Dano na kailan lamang ay nakasagupa niya ay bigla na lamang nitong binura ang kanyang mukha. Sunod namang binilugan ang sunod nitong target. Isang mataba at maliit na lalaki na nagngangalang Mauro Gonzales.

Pumaling siya sa kanang hologram screen at kapansin-pansin ang isang video na mabilis ding nagpe-play na para bang naka fast forward. Burado ang mga mukha ng mga tao sa hologram video na iyon. Dalawang mayaman na mag-asawa ang makikita sa video, masaya ang mga iyon ngunit tila bumuhos ang pulang tinta ng dugo sa screen at makikita ang mga gulong naganap. Tumakas sila sa isang lumang mansyon dala ang isang sanggol. Itinakas nila ang sanggol na iyon ngunit isang baril ang ipinakita sa screen. Lumabas ang bala ng baril na iyon at sinundan ang katawan ng babae. Sumalampak sa nagyeyelong semento ang katawan ng babaeng iyon. Hindi man ginusto ng lalaki na iwan ang kanyang asawa ay tumakbo na lamang din siya kasama ang sanggol na iyon. Binitbit niya ang sanggol, nagpakalayo-layo, tumakbo habang hinahabol ng mga sundalo. Dinala ng lalaking iyon ang sanggol sa isang malaki at puting bahay dala ang isang bag na naglalaman ng pagkakakilanlan, mga pera at isang hologram tablet kung saan nakalagay ang pangalan na 'Dylan Torres' ngunit biglang nagulo ang pangalan at video na iyon at napalitan ng isang madumi, maputik at sira-sirang lugar. Mga batang naghihirap at nakahandusay sa daan at mga bahay na gawa sa tagpi-tagping yero, kahoy at bato.

Lumingon siya sa kaliwa at doon ay nakita ang isang batang nakahiga sa isang makintab na bakal na pahalang. May mga mechanical arm sa paligid at nakita doon ang mukha ng itinuring niyang ama na si James Ford. Nakahiga din ito at may mga kable sa kanyang memory gene na nakakonekta sa hologram computer sa kanilang gitna. Makikita din doon ang butler na si Brigand. Agad namang nagsipasok ang mga doktor at pinakita ang isang hologram tablet kung saan nakalagay ang mga katagang 'Project: Black out.'

Sunod na ipinakita ang isang pamilyar na aparato. Ang ginagamit niya upang burahin ang mga alaala ng kanyang mga biktima. Ang Memory Transfer Reactor. Matapos ang operasyon ay ginamit iyon mismo ni James Ford, sa kanyang sarili. Nangisay ang matandang lalaki, maging ang katawan ng batang lalaki ay nangisay at napadilat din. Ipinasok ang ilang memorya sa memory gene ng matanda kung saan nakaukit ang mga letrang JF. Tiningnan naman ni Dylan ang lumang memory gene sa gitna ng mga hologram computer na iyon.. Hinawakan niya ang salamin na sisidlan at nanlaki ang mga mata nang makita ang nakaukit na mga letra doon. May halo pang kalawang ang ukit ngunit malinaw na malinaw nitong ipinakita ang mga letra: 'JF.'

Napaatras na lamang ang binata, bumilis ang kabog ng kanyang dibdib at tila lalong pinagpawisan. Matapos ang ilan pang mga video na nagpe-play ng mabilis ay saka namatay ang lahat. Bumukas lamang ang mga ilaw at ang sumunod na ipinakita ng hologram computer ay isang imahe ng matandang lalaki. Hindi kita ang kanyang mukha dahil sa anino na nakabalot dito ngunit makikita sa kanyang mga kamay ang mga tubo at maging ang kanyang dibdib ay nasasaksakan din ng mga tubo.

"Master," isang boses naman ang kanyang narinig sa likod. Doon nakatayo si Brigand. May halong pag-aalala sa kanyang mukha.

"B-Brigand?" nanginginig ang mga mata ni Dylan habang nakatitig sa kanya. Tensyon ang bumalot sa loob ng malaking kwartong iyon. Nanginginig din ang mga kamao ni Dylan habang nakatingin sa kanya. Pakiramdam niya ay maraming nakatago sa kanyang katauhan, siya ay naloko at nilinlang.

"Master..." yumuko siya ng sobrang baba. Yumuko siya ng matagal, alam niyang galit ang namumuo sa kanyang puso at isipan ngayon at wala iyong kapatawaran.

"Ano pa ang hindi ko alam?" mahinahon niyang tanong.

"SUMAGOT KA!" umalingawngaw ang sigaw na iyon sa buong kwarto ngunit nanatiling nakayuko si Brigand.

"Wala siyang kasalanan...D-Dylan," mautal-utal na sambit ng matandang lalaki sa hologram computer daghil sa labis na panghihina. Napatingin naman si Dylan sa kanya. Puno ng galit ang kanyang ekspresyon habang nakatitig doon.

"Sino ako? Sumagot kayo! ANO AKO? SINO AKO?!" galit niyang sambit.

"Alam kong malalaman mo rin ang lahat...pero hindi ko akalain...na-na ganito...kaaga," sambit ng matanda.

"Ano ako? Sumagot kayo..." malumanay ngunit puno ng diin ang mga katagang binitawan niya. Muli namang tumayo ng tuwid si Brigand at tumingin sa binata.

"Isa kang...memory cloned database, Dylan," sagot ng matandang lalaki sa hologram screen. Nanlaki naman ang mga mata ni Dylan sa kanyang narinig. Napayuko siya at tila nanghina. Nanginginig pa rin ang kanyang mga mata, maya-maya pa ay napahawak na siya sa kanyang ulo. Pilit niyang inalala ang lahat ng pangyayari sa kanyang buhay ngunit wala siyang makitang mali. Wala siyang makitang butas, walang kahit ano sa kanyang isipan ang makapagsabi kung bakit iyon ang sinabi ng matandang lalaki sa hologram computer.

"P-paano? H-hindi...imposbile!" wika ni Dylan. Hinahalungkat niya sa kanyang isipan ang mga pangyayari ngunit hindi pa rin niya makita. Walang katunayan na siya mismo ay si James Ford. May sarili siyang utak, sariling desisyon at sariling layunin. Imposibleng clone siya ng kung sino man. Imposibleng clone siya ng ama na nagpalaki sa kanya ngunit alam niya sa sarili niya na may mali.

"H-hindi!" sigaw niya habang napapahawak sa kanyang ulo.

"Iyon ang totoo Dylan. Ang karanasan mo ay karanasan ko rin, ang pagkakaiba lang natin...binuhay ko ang totoong ikaw. Ang dating ikaw...pinalitan ng mga alaala na akala mo ay sa 'yo. P-pero...ako, ay ikaw...sa ibang aspeto," wika ng matanda. Lalong nanlaki ang mga mata ni Dylan habang nakatitig sa hologram video na iyon. Nanghina siya at napaupo sa kanyang kinatatayuan. Muli niyang hinawakan ang kanyang ulo gamit ang pareho niyang mga kamay. Pilit na hinalungkat ang memorya sa kanyang isipan kahit alam naman niyang wala siyang makikitang bahid ng mali doon.

"Sinungaling ka!" sigaw ni Dylan.

"M-master Ford. Totoo ang sinasabi niya, tampered ang memory mo," sabat naman ni Brigand.

"K-kinuha niyo ako sa subastahan! Pinalitan ninyo ang pangalan ko! Iyon ang totoo!" wika ni Dylan.

"Maaaring natagpuan ka nga sa subastahan, maaaring nagdaan ka sa paghihirap, pero hindi ka isang bid. Gusto kong isipin ng lahat na isa ka ngang bid. Gusto kong isipin ng lahat na galing ka sa isang mahirap na pamilya at kinupkop lang kita."

"Paano mo maipapaliwanag ang dalawang memory gene na nasa archive?! Ang dalawang memory gene na iyon ay ibinigay sa aking ina! 'Yon ang dahilan kung bakit siya namatay!" Muling tumayo si Dylan at galit na galit na nagwika.

"Ang iyong ina? Sino?" tanong ng matanda.

"Linda...'yon ang pangalan ng aking ina!"

"Naaalala mo ba kung ano ang apelyido niya? Naaalala mo ba ang mukha niya?" tanong muli ng matanda. Pilit naman iiniisip ni Dylan kung ano nga ba ang apelyido ng kanyang ina. Hindi naman niya napapansin na unti-unti nang nawawala sa kanyang isipan ang imahe ng kanyang ina. Muli niyang naalala ang paggising niya dahil sa bangungot. Ang nakikita niya ay ang kanyang ina ngunit tila halimaw ang itsura nito.

"H-hindi...sino ako?" muling tanong ni Dylan sa kanyang sarili.

"Ikaw ay ikaw. Binuo sa pamamagitan ng mga memorya. Isang sisidlan para gawing posible ang imposible. Isa kang espiya sa bansang ito...ikaw si Dylan Ford ang itinuring kong anak, parte ako ng iyong pagkatao...parte ka ng lahat ng pagkatao na ibinigay sa'yo," paliwanag ng matandang lalaki. Hindi naman makasagot si Dylan. Nakatitig lamang siya sa kawalan habang pawis na pawis.

"Hindi ako naniniwala sa 'yo!"

"Huwag kang maniwala...nasa iyo ang kasagutan. Ibinigay sa iyo ni Brigand," wika ng matanda. Agad namang kinapkap ni Dylan ang kanyang bulsa at inilabas ang pocket watch na ibinigay sa kanya ni Brigand. Pinindot niya ang boton ng relo na iyon at sa loob ay muli niyang nakita ang litrato ng lalaki na nakangiti.

"Hindi ako ang taong 'yan, Dylan," wika ng matanda. Napaatras naman si Dylan at nabitawan ang relo na iyon.

"Kilala mo na kung sino siya, alam mo kung ano ang kaya niyang gawin, dahil parte ng memorya niya...ay ikaw din," dagdag pa ng matanda. Isang alaala ang agad na sumulpot sa kanyang isipan. Tila gising siya, nakangiti at tila pinagtatawanan ang kanyang sarili. Isinulat niya sa isang pahina ng papel ang ilang mga kataga.

'MEMO Corp. Subject 1 – 56761.'

"A-ano ito?" bulong niya. Pumikit siya at inalala pa ng maigi ang nangyari. Matapos ang pagsulat niya sa librong iyon ay isinara niya ito. Ibinigay sa isang lalaki at nang lumapit ito sa liwanag ay saka lamang nakita ang mukha ni James Ford. Ngumiti siya at saka muling tumalikod.

"H-hindi! Ano ako?! Ano ba talaga ako?!" muli niyang sigaw.

"Isang parte ng alaala? Tama ba? Dahil sa Memory Transfer Reactor. Naging posible na mabuo ang isang katulad mo.

"Sinungaling kayo! Ang mamamatay tao na si Dano! At si Mauro Gonzales! Alam nila! Kilala nila kung sino ako!"

"Dahil ang alaalang iyon ang ibinigay namin sa iyo. Aang alaala ng pagkamatay ng sinasabi mong ina. Ang isang masaklap na alaala ng isang bid. Isang totoong pangyayari na naganap, matagal na."

"A-ang kaatawan na ito?" tanong ng binata.

"Ang katawan na iyan, ay hindi napalitan kahit kailan. Ikaw ang anak ng iyong ama, Dylan."

Muling pumasok sa kanyang isipan ang imahe ng lalaki na nakangiti at nagsulat ng isang impormasyon sa piraso ng papel. Muli niyang tiningnan ang pocketwatch na nasa sahig at tila sumakit naman ang kanyang ulo matapos noon.

"AAAHHHH!" sigaw niya habang hawak ang kanyang ulo.

"Ang tanging iniwan na alaala ng iyong ama sa iyo...ay ang pangalan mo, ang pagkakakilanlan mo, ang mga desisyon mo, ang nararamdaman mo," sagot ng matanda.

"B-bakit?" napapaluhang tanong ni Dylan habang hawak ang kanyang ulo.

"Para protektahan ka..."ang tanging naisagot ng matanda sa hologram computer. Ilang segundo ding naging tahimik ang lahat. Malungkot lamang ang mukha ni Brigand, ang matandang butler, habang nakatingin sa binata. Patuloy naman sa paghawak sa kanyang ulo si Dylan habang napapaluha at nanlalaki ang mga mata.

"Matapang ang iyong ama. Tinalikuran niya ang responsibilidad niya bilang unang subject experiment ng MEMO. Ginawa siya para sirain ang plano ng iba pang bansa, pero tinalikuran niya. Ilang beses bumalik upang alamin ang mga sikreto at iba pang plano ng MEMO, pero ang gusto niya lang ay ang normal na buhay. Binura niya ang ilang mga alaala, nagbigay ng bago galing sa akin, sa kanya, at sa iba pang tao. Dahil kapag nalaman ng MEMO na nabubuhay ka, hindi ka ligtas sa kanila" wika ng matanda sa hologram screen. Agad namang tumayo si Dylan at kinuha ang isang piraso ng nangangalawang na bakal na mechanical arm at ibinato sa hologram computer.

"Sinungaling ka! Isa akong bid! Pinanganak akong mahirap, kinupkop niyo ako para paglaruan! Iyon ang totoo! Pinaglaruan niyo akong lahat! Ginawang utusan! Para saan? Para sa mga plano niyo!" sigaw ng binata habang lumuluha.

"Master Ford, huminahon po kayo..." saway naman ni Brigand.

"Hayaan mo siya Brigand. Alam kong darating sa ganitong punto ang lahat...masyadong maaga Dylan, para maintindihan mo ang lahat," wika ng matanda.

"Hindi ka totoo!" sigaw ni Dylan. Halos madapa pa siya nang hugutin niya ang isa pang piraso ng bakal upang ibato sa mga kahon na mayroong mga kable. Agad nagspark ang mga hologram computer at namatay ang iba pang screen.

"Mahirap malaman kung ano ang totoo, naiintindihan kita Dylan. Kung makabubuti sa 'yo ang gagawin mo...sige gawin mo. Kung 'yan lang ang magpapaluwag sa damdamin mo ngayon. Gawin mo..."

Walang pakialam sa sinasabi ng matanda si Dylan. Patuloy lamang siyang nagbabato ng mga gamit upang maibsan ang kanyang galit. Hindi naman pinigilan ni Brigand ang binata. Nakatayo lamang siya sa isang tabi habang lumuluha, habang pinapanood ang pagwawala ni Dylan.

"Huwag mong pigilan ang sarili mo Dylan. Kung gustuhin mo ay patayin mo ako...patayin mo ang memory gene ko, para malaman mo ang lahat ng gusto mo pang malaman," dagdag pa ng matanda.

Lalo namang nagbasag si Dylan sa loob ng kwartong iyon na para bang nawawala sa sarili. Kinuha niya ang isang silya at ibinato sa sisidlan na salamin kung saan nakalagay ang lumang memory gene na may nakaukit na 'JF.'

"Sige gawin mo ang nararapat, burahin mo ako...Dylan...burahin mo ang alaala ko," wika ng matanda sa dalawa na lamang na bukas na hologram screen. Kumikislap ang paligid dahil sa mga kuryenteng nakakawala mula sa linya at mga kable. Sa gitna ay makikitang basag na ang salamin na sisidlan. Tila nawawala-wala naman ang imahe ng matandang iyon sa hologram screen dahil sa nasira nang mga computer.

Tinanggal ni Dylan ang gwantes sa kanan niyang kamay, nakasuot ang memory transfer reactor, ang ginagamit niya upang burahin ang mga alaala ng kanyang mga biktima at ipasa sa kanyang memory gene. Galit siyang naglakad patungo sa lumang memory gene na iyon at umambang hahawakan niya na ito.

"M-master..." pigil muli ni Brigand. Naglakad siya ng kaunti ngunit napatigil siya nang makita ang mga mata ni Dylan. Matalim ang titig nito sa kanya, ang liwanag sa kanyang mga mata ay tila nagiging patalim na sumasaksak sa kanyang kamalayan. Dahilan upang umatras pa siya at yumuko.

"Hindi mo pagsisisihan ang gagawin mo Dylan...sigurado ako diyan, masayang mamamatay ang memorya ng matandang ito, para sa 'yo...para malaman mo ang lahat," wika muli ng matanda.

Napapaluha man si Dylan ay mas lalong nangingibabaw ang galit na kanyang nararamdaman. Pumikit siya at kinagat ang kanyang labi, nanginginig ang kanyang mga kamay at bawat patak ng kanyang luha ay sinasalo ng kanyang kanang braso. Nang dumilat siya ay naging desidido na siya. Kailangang mamatay ang taong gumamit sa kanya.

"Gusto ko lang malaman mo...Dylan, gusto kong malaman mo na humihingi ako ng tawad sa lahat. Sa galit na nararamdaman mo...sa galit na itinanim namin ng iyong ama..."

Hindi niya na naituloy pa ang susunod na sasabihin. Tuluyan nang idinikit ni Dylan ang reactor na nakakabit sa kanyang kamay. Gumawa naman ng kulay berdeng kuryente ang aparato na iyon at tila sumabog sa paligid nang idikit niya na ito sa lumang memory gene.

"A-ah..AAH! A-ah..."

Nasisira naman ang boses ng matandang lalaki sa hologram screen. Napuputol ang reception ng video na iyon at nasisira. Napaluhod naman si Dylan habang nakadilat. Napakaraming impormasyon ang pumapasok sa kanyang memory gene ngunit mayroon ding lumalabas at tila binubura ang ilang mga memorya na mayroon siya. Napanganga na lamang siya habang patuoy ang pagsabog ng asul na kuryente sa kanyang kamay.

Patuloy naman sa pagluha ng tahimik si Brigand. Naaalala niya ang habilin ni James Ford sa kanya bago pa man matuklasan ni Dylan ang lahat.

"Tandaan mo ang utos ko sa 'yo. Kapag nalaman niya na ang lahat...kailangan kong mamatay, sa kanyang mga kamay."

"Masayang mamamatay ang memorya ng matandang ito, para sa 'yo...para malaman mo ang lahat..."

Agad naintindihan ni Brigand ang mga ibig sabihin ng mga salitang iyon na binitawan ni James Ford. Ang lahat ay nakaprogram na simula pa lang na gawin ang plano upang maitago ang katauhan ni Dylan. Sinakripisyo niya ang sariling buhay at memory gene upang maitago ang lahat. Kung tama na ang panahon at nararapat ay kailangang patigilin ni Dylan ang buhay na memory gene na iyon upang malaman ng binata ang mga pangyayari. Ilang segundo ding humawak si Dylan sa memory gene hindi niya namamalayan na halos ubos na ang mga numero na nakatala dito. Ang kuryente na nanggagaling sa memory gene at sa memory transfer reactor ay humupa na rin. Napapikit na lamang siya, umikot ang kanyang mundo at tila naging madilim ang lahat.

"M-master Ford..." iyon na lamang ang mga huling salita na kanyang narinig mula kay Brigand bago tuluyang nagsara ang kanyang mga mata. Napahiga na lamang siya sa makallat na sahig ngunit nasalo naman ni Brigand ang kanyang ulo.

_____________________

"Tuluyan na ngang nahuli ng pwersa ng pulis at militar ang tinatawag nilang memory eraser na si Dylan Ford. Dinala siya sa Camp Aguinaldo kung saan siya ay hihingan ng mga kasagutan sa mga krimen na kanyang ginawa sa loob ng tatlong taon...Iginiit naman ng AFP na technical problem ang nangyari kaya't naganap ang dalawang pagsabog sa mansyon nito bago siya hulihin..." wika ng isang babaeng reporter. Ipinapakita sa hologram TV ang isang lalaki na nakatakip ng isang itim na maskara habang siya ay pinapasakay sa isang hover police car. Napakunot naman ng noo si Albert habang pinapanood ang mga pangyayari.

"Halatang gumawa na ng kuwento ang media," ani Tanya. Suot niya ang isang itim na sando na humuhubog sa kanyang katawan at isang pantalon na maraming bulsa. Animo'y sinturon sa kanyang bewang ang nakapulupot na bala at nakasukbit ang isang revolver sa kanyang likuran. Tumayo siya at kinuha ang isang tali sa mesa malapit sa hologram TV.

"Hindi tayo sigurado doon, baka nga talagang nahuli na siya," sagot naman ni Albert.

"Kung nahuli nga talaga siya, bakit nila kailangang takpan ang mukha niya? Matagal na naghahanap ng hustisya ang pamilya ng mga biktima niya. Sigurado akong gusto nilang makita ng buong sambayanan ang kanyang mukha habang pinoposasan at dinadala sa piitan," sagot muli ni Tanya. Itinaas niya ang kanyang mga kamay at braso at itinali ang kanyang buhok sa kaakit-akit na paraan. Napatingin na lamang ang mga sundalo ng New Order sa kanya habang ginagawa niya iyon.

"Pagsabog? Technical problem? Hindi ako naniniwala. Mas maniniwala pa ako kung nakatakas siya. Hindi siya ganoon kadaling mahuli," dagdag pa niya. Napailing na lamang si Albert habang nakatitig pa rin sa hologram TV at pinapanood ang balita.

"Huwag mo sabihing uurong ka na lang ng gano'n?" wika ni Tanya habang nakatingin sa kanyang ama.

"Matagal na tayong hindi napapansin ng militar at ng gobyerno. Sigurado akong alam nila na nagbabantay din tayo sa kaganapan tungkol kay Black Out. Alam nilang kikilos tayo kapag kumilos na siya." Kinuha ni Tanya ang isang jacket at isinuot. Sinara niya ang zipper nito hanggang sa kanyang dibdib. Napatulala naman si Albert. Napatitig na lamang siya sa kanyang kaliwa at iniisip ang mga pangyayari.

"At ibinalita nila 'yan para hindi tayo umatake. Para isipin nila na wala na tayong pag-asa. Para isipin ng mga bid na tapos na ang lahat, hindi na nila kailangan pang lumaban..." wika ni Albert habang nakakunot ang noo.

"Naisip mo rin," sagot ni Tanya habang nakangiti. Napatayo naman si Albert at pinatay ang hologram TV.

"Itutuloy natin ang laban," wika ni Albert.

"Pero paano kung hindi siya umatake ng bisperas ng pasko?" tanong ng isang sundalo.

"Kung mauuna tayo, malalaman 'yon ng buong bansa. Siguradong susunod si Black Out. Hindi niya hahayaan na may mapahamak sa mga bid," wika ni Albert.

"Pero dapat pa rin nating tandaan, baka sa paningin niya ay puwedeng kaaway pa rin tayo. Hindi niya tayo kilala," wika ng isa pa.

"Isa pa, baka sumulpot ang pekeng Black Out. Ang nangyari sa PICC. Hindi tayo sigurado kung kailan ulit siya magpapakita," sabat naman ng isa. Napaisip naman si Tanya sa sinabi nila. Ang huwad na Black Out ay nasa paligid lang. Naglalaro din sa isip niya na ang pagsabog ng dalawang heli ship sa mansyon ay gawa din ng huwad na Black Out upang iligtas at itakas siya ngunit kulang pa ang mga ebidensya.

"Tutuloy tayo da pag-atake." Ang mga salitang iyon ang nakapagpatigil lamang sa kanila sa kanilang mga alinlangan. Kinuha ni Albert ang isang machine gun at sinukbit sa kanyang balikat.

"Confirmed sir," wika ng isang sundalo habang nakaupo sa harap ng isang hologram computer.

"Bakit?" tanong ni Albert.

"Itutuloy na ang paglilipat ng mga bid sa buong siyudad patungo sa Antipolo. Nilagdaan na ng presidente ang order," sagot nito.

"A-ang Antipolo, gagawin nang bid district?!" gulat na reaksyon ni Albert habang nakatingin sa hologram computer. Ipinapakita doon ang isang press conference kung saan nagsasalita ang spokesperson ng pangulo.

_______________________

"Go go go! Bilis!" pinalibutan ng SWAT team at mga militar ang isang mansyon sa Tagaytay. Nasa ere ang halos limang heli ship at nakabukas ang mga ilaw nito upang galugarin ang lugar.

"Ito na ba 'yon?" tanong ng isang lalaki na nakasuot ng pangheneral na uniporme. Pinapanood niya lamang ang mga kaganapan mula sa command center ng AFP. Hindi naman magkamayaw ang mga sundalo habang nakatutok ang kanilang mga baril sa bawat sulok ng mansyon.

"Ito na 'yon sir!" sagot naman ng isa pang sundalo. Nakaitim na uniporme ang SWAT team at ang mga militar naman ay may mga pulang plate na nakakabit sa kanilang mga balikat. Ang iba pang mga sundalo ay nagra-rappe pababa sa mga heli ship at saka luluhod sa damuhan upang buuin ang kanilang formation.

"Clear!" wika ng isang sundalo sa radyo nang mapasok ang mansyon. Walang katao-tao sa malaking bahay na iyon. Agiw lamang at alikabok ang nakatira dito. Wala ring ilaw at tila abandonado na ang mansyon.

"Ito nga ba talaga 'yon?" tanong muli ng heneral.

"Ito ang rest house ng pamilya Ford. Dito din namin naabutan ang naghihingalo nang si James Ford. Dito rin siya namatay," sagot ng isa sa mga sundalo sa harap ng hologram computer.

"General Viduya, mukhang abandonado na talaga ang lugar na ito. Wala talagang tao," wika ng isang sundalo mula sa communicator.

"Buwisit!" bulyaw ng heneral. Naibagsak pa niya ang kanyang kamao sa mesa sa kanyang harapan habang nakatingin sa mga hologram screen.

"Kapag hindi natin siya nahanap, mabubulilyaso ang cover natin! Hindi na maniniwala ang mga tao sa balita! Kailangan natin siyang mahanap! Galugarin niyo ang bawat sulok ng bahay na 'yan! Walang uuwi hanggat hindi siya nahahanap...that's an order!" nagnbgingitngit sa galit ang heneral habang nanlilisik ang mga mata na nakatitig sa hologram screen.

"Ang Black out na 'yon. Kapag nahanap ko siya...dudurugin ko siya ng pinong-pino!" gigil niyang sambit.

Continue Reading

You'll Also Like

30.8K 508 11
Momo is just an ordinary girl living in a big house with her older stepbrother. Everything seems normal at first but when Toshiro, a weirdo, told her...
1.9K 868 28
She is Jeanne Frances Fabella. A girl with principle. May pangarap at gustong mapatunayan. She has everything. Not until Grant Gadielle Cearo came t...
504K 6.5K 60
Teacher student pa nga, step siblings pa! Pano magiging TAYO nyan?
2.5K 67 5
Book 2 of You are mine A chance to be forgiven. A chance to do what is right. A chance to redo my mistakes. A chance to love someone again. A chance...