Project: Black Out (Philippin...

By EMPriel

50K 1.7K 290

Taong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawag... More

Project: Black Out (Overview)
Chapter 1: The Chosen Few (Ang Iilang Napili)
Chapter 2: The Grave of the Dying Nation (Ang Libingan ng Naghihingalong Bansa)
Chapter 3: Broken Dreams, Broken Promises (Nasirang Pangarap, Nasirang Pangako)
Chapter 4: Unusual Story (Hindi Karaniwang Kwento)
Chapter 5: Dance of the Shadows (Ang Sayaw ng mga Anino)
Chapter 6: Civil War Rising (Ang Pagbangon ng Digmaang Sibil)
Chapter 7: Identity Crisis
Chapter 8: City in the Dark (Ang Siyudad sa Dilim)
Chapter 9: Written in Blood (Isinulat sa Dugo)
Chapter 10: An Invisible Enemy (Ang Hindi Makitang Kalaban)
Chapter 11: Faded Memories (Ang Kumukupas na mga Alaala)
Chapter 12: Burn Baby! Burn!
Chapter 13: The Flawless and the Renegade (Ang Pino at ang Taksil)
Chapter 14: Time Will Tell (Ang Oras ang Makakapagsabi)
Chapter 15: A Shadow's Blood (Ang Dugo ng Isang Anino)
Chapter 16: Before the Dawn (Bago Magliwanag)
Chapter 17: War of the Shadows (Ang Digmaan ng mga Anino)
Chapter 19: The Dogma (Ang Prinsipyo)
Chapter 20: Black Propaganda
Chapter 21: March of the Dead (Ang Martsa ng Kamatayan)
Chapter 22: Oblivion Cry (Panaghoy ng Kawalan)
Chapter 23: Rain of Fire (Pag-ulan ng Apoy)
Chapter 24: A Cold Christmas (Ang Malamig na Pasko)
Chapter 25: The Final Countdown (Ang Huling Bilang)
Chapter 26: The Son of the Devil (Ang Anak ng Diablo)
Chapter 27: Illusions in the Air (Ang mga Ilusyon sa Hangin)
Chapter 28: The Last Ace (Ang Huling Alas)
Chapter 29: The Division (Ang Paghahati)
Chapter 30: The Last Laugh (Ang Huling Halakhak)
Chapter 31: Santelmo

Chapter 18: Freedom Fall (Ang Pagbagsak ng Kalayaan)

845 43 10
By EMPriel

"A man who stands for nothing, will fall for anything."

-Malcolm X


"Binarikadahan na ng pwersa ng mga pulis at militar ang buong gusali ng Fort Mansions sa pagtatangkang hanapin ang katawan ni Black Out..."

"At ngayon nakikita niyo nga sa aking likuran ang pagdagsa ng napakaraming mga tao. Lahat ay gustong malaman kung patay na nga ba ang tinaguriang memory eraser na si Black Out,"

Maraming taga-media ang pumunta sa lugar na iyon sa loob ng The Fort Bidder District. May mga linya ng hologram chord kung saan nakalagay ang mga katagang 'Police Line: do not cross.'

Napapalibutan ng mga militar at pulis ang cordon na iyon at walang sinuman ang puwedeng pumasok kundi ang mga may katungkulan sa gobyerno at mga kapulisan. Napakaraming mga heli ship na lumilipad sa paligid. Mga pulis, mga media at mga lider ng departamento ng gobyerno. Sa ikatatlong palapag ay sinilip ni Inspector Robert Vega ang lugar. Tumingala siya at nakita ang isang itim na tela. Senyales na doon nahulog si Black Out. Tumingin siya sa ibaba at doon nagkalat ang mga pulis. Walang bahid ng kahit ano sa semento. Walang dugo, wala ding basag na salamin sa bawat palapag.

"Imposible siyang mabuhay sa ganoon katas na palapag..." wika niya. Muli siyang pumasok sa kwarto at humarap sa mga pulis.

"Inspeksyonin niyo pa ang lugar na ito hanggang sa 2nd floor."

"OPO!" sagot ng mga pulis. Agad namang lumabas ng kwartong iyon si Inspector Vega at bumaba gamit ang fire exit. Ihinakbang niya ang kanyang mga paa pababa, bawat hakbang ay nakikita niya ang eksena sa pag-abot ng kanyang kamay sa kawatan na si Black Out. Napakunot na lamang siya ng noo at napakapit sa bakal na hawakan. Tumigil siya at muling sinulyapan ang maskara nito sa kanyang isipan. Nahuhulog siya, nahuhulog siya sa walang hanggang kadiliman at ni anino niya sa ibaba ng gusaling iyon ay wala. Sa kanyang jacket ay kinuha niya ang isang supot. Isang bala ng sniper ang nakalagay doon. May dugo pa ni Dano ang balang iyon. Kumuha ulit siya ng isa pang supot at doon naman ay nakalagay ang isang specimen ng dugo ni Black Out. Muli siyang bumaba at ipinasok ang dalawang supot sa loob ng kanyang puti at dumihing trench coat.

Putok na ang araw nang siya ay lumabas sa gusaling iyon. Nasisilayan ng araw ang isang luma at tila guguho nang gusali na halos kapantay lamang ng Fort Mansions. Kitang-kita pa ang tali mula sa rope gun na ginamit ni Black Out. Alam niya na sa sandaling iyon ay doon din pumwesto ang sniper na bumaril kay Dano.

"Sir..."

Isang pulis ang agad na lumapit at sumaludo sa kanya. Gamit naman ang kanang kamay ng inspektor ay sumaludo din siya. Kita pa ang kanyang bakal na kamay.

"Sir hindi pa rin kami makapasok sa perimeter ng Hotel Dela Rouge. Maraming bid na nagbabantay, ayaw papasukin ang mga imbestigador," wika ng pulis. Tumango na lamang ang inspektor at muling tumingala at tinunghayan ang lumang gusali sa labas ng mataas na harang ng bidder district. Napakaganda ng araw na sumisilip na sa gilid nito. Tila isang painting na iginuguhit ngunit ang katotohanan ay nasa harapan. Ang pangit na imahe ng syudad ay ang totoong estado ng kung anong klaseng gobyerno mayroon ang bansang iyon.

"Nasubukan niyo na ba silang kausapin?"

"Hindi daw sila makikipag-usap sir, magkakamatayan daw muna bago tayo makapasok doon. May mga hawak silang mga armas. Mga itak, kutsilyo at mga bote na nilagyan na ng gas. Ang sabi ng iba ay nagtatago na din ng mga baril ang ilan sa kanila," wika ng pulis na nakauniporme ng asul.

Napakamot na lamang sa kanyang batok si Inspector Vega. Tumingin sa paligid at sa mga media na nagcocover sa lugar na iyon. Iniisip na baka may makita na kahina-hinalang tao sa lugar na iyon ngunit wala. Ang lahat ay nakikiusyoso. Ang lahat ay seryoso at abala. Maging ang mga militar ay abala din sa pagbabantay. Ang iba ay napapatingala at muling titingnan ang kanilang kinatatayuan. Mamarkahan ng kanilang mga paa ang lugar na maaaring pinagbagsakan ni Black Out ngunit wala kahit na anong bahid sa sementong iyon.

"Ako ang makikipag-usap sa kanila," wika ng inspektor. Agad namang naglakad patungo sa isang hover car ang pulis. Sumunod naman siya dito.

Nagbarikada na ang mga bid sa paligid ng mataas na gusali ng Hotel Dela Rouge. Mga lumang kagamitan, mga upuan, mga bakal na pangharang at maging ang ilang mga bato ay ginawa nilang barikada paikot sa mataas na gusali. Nakaupo pa ang mga bid at may mga hawak na mahahabang mga kahoy, bakal at ilang mga patalim. Nagsindi na rin ng apoy ang mga ito. Sa bawat limang metro ay makikita ang mga sulo na gumagawa ng itim na usok na lalo pang nagpadumi sa imahe ng lugar. Ang mga militar ay nakaabang lamang. Nakaharang ang kanilang mga hover truck at ilan pang mga sasakyan ng mga pulis. Hawak nila ang matataas na kalibre ng mga baril at tila handa sa kung ano mang puwedeng maganap.

"Hindi kayo puwede dito!" sigaw ng isa sa mga bid na may hawak na isang mahabang bakal. Matalim ang dulo nito. Halatang hinasa muna para gawing sandata.

"Doon kayo sa loob! Hindi niyo kami mapapaalis dito!" sigaw naman ng isang babae.

"Hindi naman po kayo paaalisin. Mag-iimbestiga lang kami..." sagot naman ni Inspector Vega nang lumabas siya sa hover car na kararating lamang. Agad niyang inayos ang kanyang trench coat at lumapit sa kanila. Tila naging alerto naman ang mga bid. Naglundagan ang mga ito palabas ng harang at hinawakan ang kanilang mga sandata. Hinawi naman ng inspektor ang kanyng trench caot, tumalikod at itinaas ang kanyang mga kamay upang ipakita na wala siyang sandatang dala.

"Nandito ako para pakiusapan kayo na kahit sa sandaling pagkakataon lang, hayaan niyo kaming mag-imbestiga," wika niya.

"Hindi! Hindi kami papayag!"

"Pagkatapos noon ano?! Palalayasin niyo kami?! Saan niyo kami patitirahin?"

"Hindi pa ba sapat yang maganda niyong lugar?! Bakit niyo kami kailangang guluhin dito?!"

"Umalis na kayo dito!"

Napuno ng tension sa lugar na iyon. Ang lahat ay dahan-dahang lumalapit sa inspektor. Bitbit nila ang kanilang mga sandata at umaamba na sasaktan siya kapag lumapit pa siya sa barikada. Agad namang nagkasahan ng mga baril ang mga militar at pulis. Itinutok nila ang kanilang mga baril sa mga bid. Natakot naman ang mga ito at umatras din. Tinaas naman ng inspektor ang kanyang kamay at isinara ang kanyang kamao senyales na huwag magpaputok.

"Kung hindi kami gagawa ng imbestigasyon dito, hindi namin malalaman kung nasaan si Black Out..." tugon niya.

"Wala kaming pakialam sa kanya! Kaya umalis na kayo dito!"

Nagulat naman siya sa sinabi ng isang babae. May lungkot sa kanyang mukha. May bahid ng galit ang kanyang tono at namumuo ang luha sa kanyang mga mata. Nagkatinginan naman ang mga pulis at militar. Sa pagkakaalam nila ay naniniwala ang mga taong iyon na si Black Out ang natitira nilang pag-asa upang wasakin ang MEMO at gawing pantay-pantay ang lahat.

Muling tinunghayan ni Inspector Vega ang paligid. Ang mga guhit sa lumang gusali na iyon. Ang mukha ni Black Out, ang kanyang pangalan. Ang lahat ng iyon ay minarkahan na ng ekis na pula. Malayo sa inilalabas ng media na ang naging pag-asa ng mga bid ay siya.

"Hindi na kami naniniwala sa kanya. Pero hindi ibig sabihin noon na makakapasok kayo dito!" sagot muli ng babaeng iyon.

"Tama na ito!" isang boses ng lalaki sa likuran ng inspektor ang umugong. Isang hover truck ang papalapit sa kanilang pwesto. May marka ito ng Philippine Army. Sa pagkakataong iyon ay alam na ni Inspector Vega na gulo ang maidudulot nito. Nanlaki na lamang ang kanyang mga mata at nakaramdam siya ng kaba.

"Sandali! Sandali lang!" sigaw ng inspektor habang ihinaharang ang kanyang mga kamay sa sasakyan. Tumigil naman sa harap niya ang truck.

"Inspector Robert Vega. Pasensiya na. Utos lang galing sa Malakanyang," wika ng isang malaking lalaki na nakauniporme habang bumababa sa hover truck. Nakangiti pa siya habang nakaharap sa kanya.

"General Viduya..." wika ng inspektor.

"Ikaw ba ang in charge sa kasong 'to?" tanong ng heneral.

"Opo...ako nga."

"Pasensya na...pero mukhang ubos na ang oras mo," wika niya sabay tapik sa balikat ng inspektor. Naglakad siya sa gitna ng mga pulis at militar.

"SIMULA NGAYON! AKO NA ANG IN-CHARGE SA INYONG LAHAT!" Sigaw niya. Agad namang naglakad patungo sa heneral ang inspektor.

"Sir! Hindi niyo puwedeng gawin 'to! Classified Intelligence Unit lang ang puwedeng gumalaw ng kasong ito!" wika naman ng inspektor. Ngumiting muli ang heneral na tila nang-aasar.

"Iyon ba ang tinutukoy mo?" tanong ng heneral. Pumito siya at iwinagayway ang kanyang kanang kamay. Agad namang naglabasan mula sa katabing mga gusali ang ilang puwersa pa ng militar. May hawak nab aril ang mga ito at itinutok sa mga bid na nakapaligid sa Hotel Dela Rouge.

"S-sir! Anong ibig sabihin nito?!" tanong ng inspektor. Pinagpawisan siya ng malamig habang tinitingnan ang paligid. Ang mga bid ay nakaramdam ng takot. Umatras sila at nagtago sa loob ng barikada na kanilang ginawa. Ang mga militar mula sa pwersa ng inspektor ay tila nalito naman sa kanilang mga gagawin ngunit unti-unti ay itinutok nila ang kanilang mga baril sa mga walang kalaban-laban na mga bid.

"Hindi mo pjuwedeng gawin 'to!"

"May bagong utos mula sa itaas, wala akong magagawa inspektor. Sumusunod lang din ako," wika niya. Ngumiti siyang muli at tumalikod. Naglakad patungo sa isang sundalo na kabababa lamang sa hover truck. Binulungan niya ito at agad namang sumaludo ang sundalo. Ngumiti siyang muli at tiningnan niya mula sa malayo ang inspektor.

Tumingin naman si Inspector Vega sa babae na kanina lamang ay kanyang kausap. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang umiiling ng dahan-dahan.

"H-Hindi...hindi 'to puwede..." bulong niya. Muli siyang tumingin kay General Viduya at lumapit. Isang bid naman ang nanakbot patungo sa heneral.

"Hoy!" isang sundalo ang sumigaw.

"Sandali lang! HUWAAAG!" sigaw naman ng inspektor ngunit hinid tumigil ang lalaking iyon. Dala niya ang isang patalim at akmang sasaksakin ang heneral.

*BRATAT!*

Nahigit ng sundalo sa tabi ng heneral ang kanyang baril. Tatlong bala agad ang lumabas sa baril nito na ikinabutas naman ng dibdib ng lalaki.

"H-hindi..." bulong muli ng inspektor.

"AAAAHHHH!!" isang lalaki pa ang sumugod. Bitbit naman nita ang isang itak. Nagpaputok muli ang isang sundalo na agad ikinawala ng malay nito.

"Sandali laaanng!" muling sigaw ng inspektor.

"OPEN FIRE!" sigaw ng heneral. Nagsimula namang magpaputok ng baril ang mga sundalo. Ang iba naman sa pwersa ng mga bid ay nagbato ng Molotov bomb. Nabasag ang mga bote at kumalat sa paligid ang gaas. Bawat bato ng mga ito ng gaas ay siya namang pagkitil ng kanilang mga sariling buhay. Nagsimula ang kaguluhan, nanlaban ang mga bid. Sinusubukan nilang lumapit ngunit patuloy ang ingay ng pagratrat ng mga baril ng mga sundalo.

*BANG!*

Isang hand gun ang ipinutok ng isa sa mga bid. Tinamaan naman sa dibdib ang isa sa mga sundalo. Humiga ito sa putik ngunit buhay pa siya.

"Sir! May mga nakatago silang baril!" bulyaw ng isang sundalo. Napakunot naman ng noo ang heneral.

"SIGE TAPUSIN NIYO SILA! UBUSIN NIYO!" bulyaw naman ng heneral.

"'WAAAAG!" sigaw ni Inspector Vega. Lalapit na sana siya sa heneral ngunit isang Molotov bomb ang agad na sumabog sa kanyang harapan. Napahiga na lamang siya sa putik at umatras.

"AHHH!"

"UGHHH!"

Ang mga sigaw ay paunti ng paunti. Ang tanging naririnig na lamang ng inspektor ay ang pagdampi ng mga tingga sa katawan ng mga kalaban-laban na mga taong iyon. Naglulupasay sa putikan ang iba. Ang ibang sinusubukang lumapit ay nagingisay muna dahil sa tinatanggap nitong bala bago tuluyang humiga. Sa isang iglap ay naging delubyo ang lugar na iyon. Ang kanina lamang na lugar ng mapayapang usapan ay naging lugar ng sakuna at dugo.

Napatingin ang inspektor sa malayo. Ang babae na halos edad labing-apat lamang na nakipag-usap sa kanya ay nakatago yero na harang. Nakatingin ito sa kanya at lumuluha. Takot na takot ngunit makikita ang matinding galit sa kanyang mga mata. Lumundag siya sa yerong kanyang tinataguan, bitbit niya ang isang kinakalawang nang kutsilyo at sumugod sa kanya.

"HUWAAAG!" sigaw muli ng inspektor. Isang sundalo naman mula sa kanyang likuran ang humawi upang mapunta sa sa likod nito. Itinutok niya ang kanyang baril sa babaeng iyon. Isang bala ang tumama sa ulo ng babaeng iyon. Tila sumayaw pa siya sa ere bago tuluyang bumagsak.

"AHHHH!" sigaw ng inspektor. Hinawi niya ang baril ngunit huli na ang lahat. Nanlalaki na lamang ang kanyang mga mata habang nakatingin sa babaeng iyon na nakahandusay. Nakahara pang kanyang maamong mukha sa araw ngunit ang dugo sa kanyang noo ay nagsisimulang dumaloy sa kanyang mga mata. Dumapa ang inspektor, gumapang patungo sa kanya, nanginginig na hinawakan ang kanyang mukha habang maluha-luha.

"Hold your fire!" utos ng heneral nang mapansin niyang wala nang buhay sa lugar na iyon. Agad namang tumigil ang mga putok ng baril at ang ingay ng mga bid na sinubukang manlaban.

Napawi ang usok, unti-unting humupa ang apoy sa paligid. Doon na lamang nila nakita ang pinsala na kanilang idinulot. Nakasabit ang katawan ng ilang mga matatanda at mga bata sa barikada. Duguan, halos magkabutas-butas na ang damit dahil sa mga bala. Naging kulay dugo ang putik na kanilang nilalakaran.

Tinunghayan din ng inspektor ang paligid. Hindi siya makapaniwala, sa ilang minutong putukan na naganap ay agad nawala ang lahat. Ang buhay ng mga taong iyon na walang kamalay-malay. Muli siyang tumingin sa batang babae na nakahandusay sa kanyang harapan. Nanginginig niyang inakay ang ulo nito at unti-unting niyakap. Hinawi niya ang kanyang buhok. Nasilayan naman ng araw ang kanyang mukha.

Mula naman sa malayo ay tinitingnan ng heneral ang kanyang ginagawa. Nakangiwi ang kanyang mga labi at nakakunot ang kanyang noo. Maya-maya pa ay ngumiti siya.

"Hmf!"

Agad siyang tumalikod at kinapitan ang balikat ng isa pang sundalo.

"Sige, pasukin niyo na. Ubusin niyo lahat ng susubukang manlaban!" utos niya. Nagsitakbuhan ang mga sundalo papasok sa guasling iyon. Isang lalaki naman ang buhay pa, may tama siya ng baril sa kanyang tagiliran at nakasabit ang kanyang katawan samatalim na bakal ng barikada. Hinawakan niya sa paa ang isang sundalo. Sinubukan namang tanggalin ng sundalong iyon ang kanyang kamay.

"A-ang anak ko...huwag ang anak..."

*BRATAT!*

Pinaputukan ng sundalong iyon ang lalaki. Huminga siya ng malalim at sinipa ang kamay ng wala nang malay na bid. Muli siyang naglakad at pumasok sa barikada. Saka naman muling dumagundong ang mga putok ng baril sa loob ng gusaling iyon. May mga batang nag-iiyakan, mga kababaihan na nagsisigawan at mga lalaking sinubukang manlaban. Ipinikit na lamang ng inspektor ang kanyang mga mata habang yakap sa kanyang bisig ang batang babae na walang malay at habang naririnig niya ang walang awang pagpapaputok ng mga baril ng mga sundalo.

________________________

"Hindi na tayo ligtas sa mga taong 'yan!" wika ng isang may katabaang lalaki habang nakatayo sa likod ng kanyang mesa kung saan nakalagay ang mga katagang 'Presidente ng Pilipinas. Kausap niya ang ilang mga bodyguard at ang kanyang sekretarya. Kasama din sa maliit na pagpupulong na iyon ang Secretary of Defense.

"Pero sir! State of emergency na ang kailangan dito...sa ginagawa niyong ito para na rin kayong nagdeklara ng martial law!" wika ng lalaki na nakasuot ng isang kulay itim na longsleeves.

"Ikaw ang Secretary of Defense pero hindi mo nakikita ang pinsala na ginagawa ng mga bid na 'yan! Iniisip nilang patay na si Black Out! Ano ang susunod na gagawin nila?! Lalaban sila sa gobyerno! Huh! Ang mga walanghiya. Pinapakain na nga nagagawa pa nilang manlaban," sagot naman ng Presidente na si Nico Rivera.

"Kung hindi ito martial law...sige sabihin mo. Ano 'to? Kailangan mong ipaliwanag sa publiko ang mga nangyayari!"

"Hindi ako gumawa ng karahasan! Hindi ko inisip 'yon! Gusto ko lang kontrolin ang sitwasyon! Anong silbi ng pagiging president ko kung hindi niyo naman ako susundin?!" matigas na sambit ng presidente. Napatigil naman sa pagsasalita ang Secretary of Defense. Tikom ang kanyang bibig ngunit nanginginig ang kanyang mga kamay.

"Ang gusto ko lang ay magkaroon ng mga lugar ang mga bid na 'yan! Yung hindi na sila makakaalis at hindi na sila makakapanggulo sa syudad! Umaabot na sa milyong piso ang mga sinira nila dahil sa walang kwentang pakikipaglaban na 'yan!" dagdag pa niya.

"Tama po kayo...wala nga pong silbi. Mas okay nga po na sumunod na lang sila sa inyo..." sagot naman ng Secretary of Defense. Kinuha nito ang isang ginintuang ID Card mula sa kanyang bulsa at naglakad patungo sa mesa. Inilapag niya iyon at saka naglakad palayo.

"Anong ibig sabihin nito?!" bulyaw naman ng presidente. Hindi naman muling lumingon pa ang kanyang kausap na tuloy-tuloy lamang sa paglalakad hanggang sa makaalis siya ng kwartong iyon.

"Hindi naman siguro siya kawalan sa atin 'di ba?" isang hologram image ng isang lalaki ang lumabas mula sa mesa ng presidente.

"General Viduya...kumusta ang sitwasyon?" tanong naman ng presidente.

"Alam na ng mga bid kung saan sila pupulutin kung manlalaban pa sila," sagot naman ng isang lalaki na may kalakihan ang katawan. Nakasimangot ito habang nakaharap sa presidente.

"Mahusay...dahil sakto ang dating mo, ikaw ang gusto kong italaga bilang bagong Secretary of Defense. Alam kong mas alam mo ang gagawin sa mga hampaslupang 'yan..."

"Isang karangalan, Mr. President..." tugon naman ng heneral habang yumuyuko ng marahan.

________________________

Mabigat ang aura sa loob ng malaking opisina ng PNP. Ang lahat ay nakatingin kay Inspector Vega habang siya ay naglalakad sa mahabang hallway. Ang mga pader ay gawa sa salamin ng opisina na iyon kaya't kitang-kita nila ang pinaghalong lungkot at galit na nararamdaman ng inspektor. Makikita naman sa ilang mga hologram screen ang ilang mga pangyayari sa iba't-ibang siyudad ng Pilipinas. Nakapila ang mga bid, ang iba ay nakadapa at nakataas ang mga kamay habang tinututukan ng mga baril ng mga sundalo na nakaitim na uniporme. Sa ibang parte naman ng hologram screen ay makikita ang mga bulto-bulto at patong-patong na katawan ng mga bid na inilalabas mula sa mga gusali at mga eskinita ng maduming siyudad. Halos bumaha na ng dugo kung saan sila nakahimlay. Abala lamang ang mga sundalo sa paglabas ng mga katawan na puno ng tama ng bala.

Mabagal ang paglalakad ni Inspector Vega sa hallway na iyon. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Hindi niya lubos maisip na kayang iutos ng gobyerno ang ganoon kabrutal na hakbang upang protektahan lamang ang gobyerno at ang mga bidder. May bahid pa ng dugo ang kanyang bakal na kamay. Nakayuko lamang siya habang bitbit ang kanyang sinturon, ang holster ng kanyang baril at ang baril na nakasukbit dito.

Nang malapit na siya sa kanyang opisina ay agad niyang kinuha ang kanyang ID card. Itinutok niya iyon sa asul na ilaw at agad namang bumukas ang pinto. Umupo siya na para bang nabibigatan siya sa kanyang sariling katawan. Hinimas niya ang kanyang sintido habang nakaupo, hindi na maganda ang kanyang nararamdaman.

"HUWAAAAG!"

Isang sigaw ng babae ang kanyang narinig sa kanyang isipan. Napakunot ang kanyang noo habang nakapikit ang kanyang mga mata. Ilang imahe ng kaguluhan ang muli niyang nakikita sa kanyang isipan. Ang mga hover truck, ang mga sundalo, ang kanilang mga baril, ang mga prototype, ang mga taong walang kalaban-laban.

Hawak niya ang isang mataas na kalibre ng baril habang bumababa sa isang hover truck. May apoy sa di kalayuan ng tila mala-war zone na lugar na iyon. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang pinapanood ang ilang mga prototype na pinupunit na lamang ang mga katawan ng mga musmos at walang kalaban-laban. Ang iba ay pinahiga, pinagbabaril ng mga sundalo. May mga bata na pilit isinasakay sa mga truck, ang lahat ay umiiyak, ang lahat ay nalulugmok sa labis na takot at hinagpis. Pilit niyang inabot ang kamay ng isang naghihikahos na babae. May dugo sa pisngi nito at nahuhugasan naman ang dugong iyon ng kanyang luha. Nang abutin niya ang kamay ng babae ay bigla naman itong naglabas ng kutsilyo. Sinaksak niya ang kamay ng inspektor. Napasigaw naman siya, makikita ang matinding galit sa mukha ng babaeng iyon.

Ilang segundo lamang ay nangisay na ito dahil sa mga tama ng bala na pinakawalan ng isang sundalo sa kanyang kanan. Ngumiti lamang ang sundalong iyon at nagpatuloy sa pamamaril sa ilan pang mga bid.

"Hindi...hindi..." wika niya habang umiiling at hawak pa rin ang kanyang noo. Tila sinasalo niya na ang bigat ng mga alaala sa kanyang isipan. Tila ginigising siya ng karimlan na nagmumula sa kanyang mga karanasan.

"Sir?" tanong ng isang sundalo sa kanyang likuran.

"S-sige...ialis na yang mga 'yan dito. Dalhin na 'yan sa Maynila," utos niya. Agad namang sumaludo ang sundalong iyon at naglakad palayo. Napalunok naman ng kaunting laway ang isnpektor habang tinutunghayan ang gulo sa kanyang paligid. Tiningnan niya ang kanyang kamay, ang sugat na iyon ay walang-wala sa mga buhay na kinukuha ng bawat prototype.

Tumalikod na lamang siya at lumapit sa isang hover truck. Hindi niya maatim ang kanyang nakikita. Hindi niya gustong tunghayan ang mga pangyayari. Sumusunod lamang siya sa utos ng mga nakakataas sa kanya.

"Inspektor?" wika ng isang pulis na kakapasok pa lamang sa kanyang opisina. Nahuli pa niya ang inspektor na sinasalo ang kanyang ulo gamit ang kanyang bakal na kamay.

"Ah upo...sige umupo ka. Anong balita?" tanong ng inspektor.

"Pasensya na po kung ngayon lang..." sagot naman ng pulis. Agad niyang inilapag ang isang hologram tablet sa mesa sa kanyang harapan. Ilang mga litrato ang makikita sa screen.

"Ano 'to?"

"Alam po namin na tanggal na kayo sa imbestigasyon kay Black Out. Pero sinikap po naming kumuha ng impormasyon sa Hotel Dela Rouge," tugon ng pulis.

"Alam niyong bawal ang ginawa niyo...tanggal na ako sa imbestigasyon, hindi puwedeng..."

"Humihingi po kami ng paumanhin, pero hindi namin kayo puwedeng iwan. Alam naming mahalaga ang imbestigasyon na ito sa inyo."

Napakamot ng ulo ang inspektor at kinuha ang hologram tablet. Binasa niya ang ilang mga kataga na nakalagay sa bawat litrato na iyon.

"Wala nang silbi ang mga ito."

"Pero inspektor..."

"Sandali lang!" putol ni Inspector Vega. Tinitigan niyang mabuti ang mga hologram tablet. Walang plaka ang motor na iyon ngunit naiiba ang disenyo nito. Tila nakita na niya dati ang motor na iyon. Muli niyang hinawi ang kanyang daliri sa screen upang tingnan pa ang ibang mga litrato. Makikita ang tali ng rope gun at ang mismong baril na nakasiksik sa bakal na pundasyon ng harang. Nakita din ang isang basyo ng bala ng sniper. Sigurado siyang iyon ang basyo ng bala na tumama sa noo ni Dano. May ilang mga bakas ng pagkakaupo at ng pagtayo sa puwesto malapit sa basyo ng bala. Muli niyang ibinalik ang litrato sa hover bike. Tumayo siya at iniabot ang hologram screen sa kanyang kasamahan na pulis.

"I-scan niyo ang hover bike na 'yan. Gawan ng 3D model at tingnan kung may match sa bawat kuha ng CCTV camera! Bilis!" utos ng inspektor. Agad namang sumaludo ang pulis na iyon at nagmadaling naglakad palabas ng kuwarto.

"May tumutulong sa kanya...pero. Hindi...hindi niya alam kung sino ang taong iyon," wika niya. Naalala niyang muli ang paglingon ni Black Out sa kinaroroonan ng sniper na nagpaputok ng baril. Naalala niya ang panggigigil ng kamay ng kawatan. Sigurado siyang hindi niya ginusto ang pangyayaring iyon.

__________________________

Dala ni Brigand ang isang silver na tray na naglalaman ng mga pagkain at inumin. Madilim sa hallway na kanyang nilalakaran. Makikita lamang ang maliliit na ilaw na nakasabit sa bawat pader ng malawak na hallway na iyon. Tila sulo at maliit na kandila ang mga ito. Tahimik ang lahat, maririnig lamang ang ihip ng hangin sa labas. Binuksan niya ang isang kwarto gamit ang kanyang kanang kamay at hawak pa rin ang tray na iyon gamit ang kanyang kaliwa. Isang lalaki ang nakadungaw sa bintana. Suot lamang niya ang isang pula at makapal na robe habang hinihigop ang isang mainit na kape. Lumingon siya ng marahan upang tingnan ang pumasok sa loob ng kuwarto. Pumunit naman sa kalangitan ang makapal na hibla ng puting kidlat.

"Master, ang pagkain niyo po," wika ni Brigand. Ipinatong niya ang tray sa isang mesa sa gitna ng kuwartong iyon. Humarap naman ng dahan-dahan ang lalaki at ipinatong ang tasa ng kape sa isang maliit na mesa sa tabi ng malaking bintana. Ang maskarang itim ay makikita sa tabi nito. May lamat at tila malaking pilat na nagsisimula sa mata nito patungo sa mala-gas mask na bibig.

Muling kumidlat, doon nakita ni Brigand ang maamong mukha ng binata. Tila isang patay sa gitna ng dilim. Walang emosyon, walang pakiramdam.

"Salamat kaibigan..." mahinang tugon ng binata. Kinuha niya ang isang upuan at umupo sa harapan ng malaking mesa. Nakatayo lamang si Brigand sa gilid ng mesang iyon, pinapanood ang binata sa kanyang pagkain. Umubo siya ng kaunti ngunit ang ubo na iyon ay nadagdagan ng nadagdagan. Tumayo siya at hinawi ang bote ng wine. Nabasag ang bote na iyon at gumawa ng ingay na umalingawngaw sa buong kwarto. Yumuko naman si Dylan habang hawak ang kanyang bibig.

"M-Master!" dali-daling naglakad patungo sa kanya ang matandang butler. Inalis naman ni Dylan ang kanyang kamay at doon nakita ang dugo na inilabas ng kanyang bibig.

"Gusto niyo po bang magpunta sa ospital?"

"HINDI! Huwag...kaya ko ito," sagot ng binata. Naglakad namang muli si Dylan patungo sa mesa. Kinuha ang isang puting pamunas at ipinahid ang dugo mula sa kanyang mga kamay. Uupo na sana siya nang bigla siyang bumagsak sa kanyang kinatatayuan.

"Master!"

Agad siyang sinalo ni Brigand. Nanginginig ang katawan ng binata, tila hinang-hina dahil sa bugbog na kanyang inabot mula sa kanyang kaaway. Alam niya sa pagkakataong iyon na masama na ang lagay ng katawan ng binata.

Continue Reading

You'll Also Like

967 370 37
In an unexpected encounter, I found myself captivated by your presence. Amidst the sea of people passing by, it was only you who caught my attention...
48.5K 2.5K 57
The game all about revenge The dream that turns out to be a nightmare The stranger you need to fight To save your own life ▶D̸̐̉́͜͜ŕ̡̨̩̻̙͝eͭ̆̓̊ͪa̐̾͗...
530 153 39
A biological weapon created for an impending war was accidentally released in a small town of Hillside and most of its citizens who failed to evacuat...
7.3K 579 10
Suddenly, from all the green around, Something has disappeared unnoticeably; Her presence creeping closer to marble floor, In total silence from an...