Project: Black Out (Philippin...

By EMPriel

50.1K 1.7K 290

Taong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawag... More

Project: Black Out (Overview)
Chapter 1: The Chosen Few (Ang Iilang Napili)
Chapter 2: The Grave of the Dying Nation (Ang Libingan ng Naghihingalong Bansa)
Chapter 3: Broken Dreams, Broken Promises (Nasirang Pangarap, Nasirang Pangako)
Chapter 4: Unusual Story (Hindi Karaniwang Kwento)
Chapter 5: Dance of the Shadows (Ang Sayaw ng mga Anino)
Chapter 6: Civil War Rising (Ang Pagbangon ng Digmaang Sibil)
Chapter 7: Identity Crisis
Chapter 8: City in the Dark (Ang Siyudad sa Dilim)
Chapter 9: Written in Blood (Isinulat sa Dugo)
Chapter 10: An Invisible Enemy (Ang Hindi Makitang Kalaban)
Chapter 11: Faded Memories (Ang Kumukupas na mga Alaala)
Chapter 12: Burn Baby! Burn!
Chapter 13: The Flawless and the Renegade (Ang Pino at ang Taksil)
Chapter 14: Time Will Tell (Ang Oras ang Makakapagsabi)
Chapter 15: A Shadow's Blood (Ang Dugo ng Isang Anino)
Chapter 17: War of the Shadows (Ang Digmaan ng mga Anino)
Chapter 18: Freedom Fall (Ang Pagbagsak ng Kalayaan)
Chapter 19: The Dogma (Ang Prinsipyo)
Chapter 20: Black Propaganda
Chapter 21: March of the Dead (Ang Martsa ng Kamatayan)
Chapter 22: Oblivion Cry (Panaghoy ng Kawalan)
Chapter 23: Rain of Fire (Pag-ulan ng Apoy)
Chapter 24: A Cold Christmas (Ang Malamig na Pasko)
Chapter 25: The Final Countdown (Ang Huling Bilang)
Chapter 26: The Son of the Devil (Ang Anak ng Diablo)
Chapter 27: Illusions in the Air (Ang mga Ilusyon sa Hangin)
Chapter 28: The Last Ace (Ang Huling Alas)
Chapter 29: The Division (Ang Paghahati)
Chapter 30: The Last Laugh (Ang Huling Halakhak)
Chapter 31: Santelmo

Chapter 16: Before the Dawn (Bago Magliwanag)

796 39 8
By EMPriel


The corrupted was once a pillar, a guardian, believing into the light. But the longer he sees the light, the more he becomes blind to it. Seeing the darkness into wherever the light sheds, making him believe as the light himself; tainted in his stand that he is the only one righteous enough to become the law of all mankind.

-EMPriel

Hindi nakagalaw si Brigand sa kanyang kinatatayuan. Kumakabog naman ang dibdib ni James Ford habang tinititigan ang heli ship na iyon. Nakalabas pa rin ang missile nito at nakatutok sa kanila ngunit alam ni Brigand na hindi sa pwersa ng mga pulis ang heli ship. Walang ilaw na pula at asul ang heli ship na iyon ngunit maaaring kaaway o kakampi ang nagmamaneho nito.

Umugong naman ang paligid dahil sa isa pang heli ship na lumitaw sa kanilang likuran. Sa pagkakataong iyon ay mula na sa pwersa ng SWAT team ang heli ship. Kulay puti ito at nakalagay ang mga katagang 'SWAT TEAM.' Patay sindi naman ang mga kulay pula at asul na ilaw sa magkabilang pakpak nito.

Nagpakawala ng isang missile ang heli ship na itim sa kanilang harapan. Hindi iyon patungo sa kinatatayuan nila Brigand at James Ford kundi sa heli ship ng SWAT team. Tinamaan ang kaliwang pakpak nito at paikot-ikot na lumipad sa himpapawid. Dahan-dahan namang ibinaba ng piloto ang heli ship at binuksan ang hatch. Nagsilabasan naman ang mga pulis na nakauniporme ng ballot na ballot na armor mula sa heli ship na puti. Tumatalon sila patungo sa roofdeck ng ospital at nagsimulang magpaputok ng kanilang mga baril. Dali-dali namang tumakbo si Brigand patungo sa heli ship. Hirap man sa paglalakad ay sinubukan pa rin ng James Ford na umakyat. Pinaupo muna ni Brigand ang buhat niyang bata sa upuan at ikinabit ang seatbelt nito bago abutin ang kamay ng kanyang amo. Nang makaakyat na siya ay saka naman umangat ang heli ship. Patuloy naman sa pagpapaputok ng mga baril ang mga pulis. Ang heli ship naman ay bumagsak na sa roofdeck, nagliliyab ang pakpak nito. Saka na lamang ito sumabog nang makababa na ang ilan pang mga pulis na lulan ng sasakyang panghimpapawid.

"Buwisit! Natakasan tayo! Magreport ang isa sa inyo bilis!" sigaw nang isa sa mga pulis nang tanggalin ang kanyang helmet.

Mula naman sa itim na heli ship ay inupo ni Brigand ang kanyang amo na si James Ford. Hawak pa nito ang kanyang dibdib habang umuupo. Nanlaki na lamang ang mga mata ni Brigand nang umubo ng dugo ang matanda. Tinanggal din niya ang kanyang kamay sa kanyang dibdib at doon nakita ang dugo na umaagos na sa kanyang damit.

"M-Master, may sugat kayo!" wika ng butler. Hinawakan naman ng matanda ang kamay ni Brigand at inilapit ang kanyang bibig sa tenga nito.

"B-Brigand..." iyon lamang ang kanyang nasambit at muli siyang umubo.

"Master! 'Wag na po kayong magsalita!"

Kinuha ni Brigand ang isang panyo mula sa kanyang bulsa at idiniin sa dibdib ng matanda upang tumigil ang pagdurugo. Unti-unti namang naging malumanay ang takbo ng heli ship. Isang lalaki ang lumabas mula sa hatch. Matanda na ang itsura nito ngunit makikita pa rin ang kakisigan ng kanyang katawan. Naging alerto naman si Brigand at agad na humarap sa kanya.

"Ford! Lagi ka na lang nahuhuli..." wika ng lalaki sabay ngiti.

"V-Victor...pambihira k-...UHU! UHU!"

"Sshh...hindi mo na kailangang sabihin ang mga iniisip mo. Nakalimutan o na yata kung sino ako," wika niya. Lumuhod naman siya sa kanyang harapan at inalalayan ang kanyang pag-upo. Napakunot naman ng noo si Brigand habang tinititigan ang lalaki.

"B-Brigand...isa siyang kaibigan. V-Victor, si Brigand..." pakilala ng matanda.

"Brigand. Ikaw na pala 'yan. Masaya ako't nakita kita ulit. Maliit ka pa lang noon nang kupkupin ka ni Ford. Hindi mo na siguro ako naaalala," wika ni Victor habang nakangiti. Napayuko naman si Brigand sa harapan niya. Nagpatuloy naman sa pag-ubo ng dugo ang matanda.

"Ford. Kumapit ka lang. Malapit na tayo."

Tumango lamang si James Ford at hindi na nagsalita pa. Pinigil niya ang kanyang ubo kahit na nalalasahan na niya ang dugo sa kanyang lalamunan.

"Kumusta na siya?" tanong naman ni Victor.

Tumingin lamang ang matanda sa kabilang upuan. Sa kinauupuan ng batang si Dylan. Sa pagkakataong iyon ay wala pa rin siyang malay. Wala siyang kamuwang-muwang sa gulong nangyari kanina lamang. Tumayo naman ang misteryosong lalaki at lumapit sa kanya. Hinawakan niya ang pisngi nito at maging ang kanyang batok. Nakita niya ang memory gene na nakakabit sa likod ng kanyang ulo. May benda pa ang paligid nito dahil sa hindi natuyong sugat.

Napasimangot na lamang ang lalaki at pumikit. Nanginig ng kaunti ang kanyang kalamnan dahil sa panggigigil. Ngumiti na lamang siya ng bahagya at muling tumingin sa mukha ng bata.

"Pasensiya na, pasensiya na sa lahat nang ginawa ko. Malalaman mo din kung bakit ko ito ginagawa. Balang araw, malalaman mo din...anak,"

"Wala pang nakakaalam Victor. Pero alam na nilang lahat ang mga ginawa ko. Ang mga plano ko. Nagkamali ako," iniisip lamang ni James Ford ang mga katagang iyon ngunit dahil sa kakayahan ni Victor ay para bang nagsasalita na ito sa kanyang isipan.

"Hindi, hindi ka nagkamali James. Hindi lang nila maintindihan ang ginagawa natin."

Napatingin lamang si Victor sa kinauupuan ng kaibigan. Patuloy naman sa pag-alalay si Brigand sa kanyang amo. Nakadiin pa rin ang puting panyo sa sugat gawa ng tama ng bala sa dibdib niya. Hindi niya maintindihan kung bakit sumasagot lamang ang misteryosong lalaki gayong hindi naman nagsasalita ang kanyang amo.

"Mamamatay na ako...Victor..." muling sambit ni James Ford sa kanyang isipan.

"Hindi...hindi pa, hindi ngayon Ford!" sambit naman ni Victor. Agad siyang tumayo at lumapit sa kaibigan.Tiningnan niya ito sa mata at habang hawak ang kanyang ulo.

"Huwag ka nang mag-isip ng kahit na ano. Kaya mo 'yan," wika ni Victor.

"Arriving at our destination in 1 minute."

Isang computer generated audio ang narinig sa loob ng heli ship. Senyales na malapit na ang heli ship sa destinasyon ng auto pilot nito. Naglakad namang muli si Victor sa cockpit at pinatay ang auto pilot. Siya na ang nagmaneho nang malapit na sa isang malaking mansyon sa Tagaytay ang heli ship. Halos nasa paanan na ng bangin sa bandang lawa ang mansyon na iyon. Pinatay ni Victor ang mga ilaw upang hindi sila makita. Pinaikot naman niya ng marahan ang sasakyan bago lumapit sa lawa ang heli ship. Binuksan niya ang hologram computer at lumabas ang hologram image ng isang underground passage galing sa lawa.

Nagkaroon ng isang tila malaking butas sa gilid ng lawa. Umagos ang tubig sa ibaba na para bang nagkaroon bigla ng isang dambuhalang sinkhole. Umangat ang pader sa paligid nito upang hindi na mapasukan pa ng tubig ang underground passage. Dahan-dahan namang bumaba ang heli ship. Sa pagbaba ay isa-isang bumubukas ang mga ilaw upang gabayan ang piloto sa heli pad. Nang makababa ay saka naman sumara ang bakal na harang mula sa ibabaw at sa lawa. Bahagya itong lumubog nang maisara ng maigi at bumaba din ang pabilog na harang mula sa tubig sa paligid. Muling nabuo ang lawa na para bang walang sikretong underground passage doon.

"Brigand...kumuha ka ng stretcher," wika ni Victor. Dali-dali itong naglakad palabas ng cockpit upang tingnan ang kalagayan ng kanyang kaibigan. Tumingin lamang ng marahan si Ford, halata na ang sobrang panghihina ng matanda. Patakbo namang lumabas si Brigand mula sa heli ship.

"Kapit lang James," wika ng lalaki. Tumango naman ng kaunti si James Ford. Matapos noon ay pinuntahan niya naman si Dylan at inalis ang kanyang seatbelt.

"Sir, na'ndito na po ang stretcher."

Agad na pumasok si Brigand at tinanggal ang seatbelt ng matandang lalaki. Pinasan naman ni Victor ang Bata sa kanyang likuran at inalalayan din ang kaibigan palabas ng heli ship. Kapit pa rin ng matanda ang kanyang tungkod habang paika-ikang naglalakad patungo sa sa isang stretcher. Nakalutang sa sahig ang stretcher kaya't madali lamang na naitutulak iyon ni Brigand.

Madilim sa loob ng mansyon, walang ilaw at walang katao-tao ngunit kitang-kita ang marangyang pamumuhay ng may-ari nito dahil sa mga muwebles at mga kagamitan. Nakarating sila sa isang hallway kung saan makikita ang isang malaking painting ni James Ford. Nakaupo siya sa isang magandang silya habang nakasuot ng isang uniporme ng isang heneral. Hawak niya ang isang espada na ginawa niyang tungkod. Sa hagdan naman makikita ang isang painting ng isang lumang kotse na ang tatak ay Ford.

Nakarating sila sa isang malaking kuwarto. Binuksan ni Victor ang switch ng ilaw ngunit hindi iyon sumindi. Sa isang kama naman ay hiniga ng lalaki ng pasan niyang bata. Dinala naman ni Brigand si James Ford sa isa pang kama na kulay pula ang kumot. Hiniga nila doon ang matanda, muli naman siyang napaubo ng dugo.

"Bubuksan ko lang po ang main switch ng kuryente," paalam naman ni Brigand.

"Bilisan mo Brigand wala na tayong oras!" paalala naman ni Victor.

Hinawakan naman ng lalaki ang kamay ni James Ford habang dinidiinan ng kulay dugo nang panyo ang kanyang sugat.

Nagmadali naman ang butker sa pagtakbo palabas ng kwarto. Ilang segundo lang ay nagkaroon na ng ilaw sa buong kwarto. Tila umugong ang mga makinarya sa buong mansyon at pinagana ang lahat ng mga kagamitan na kumokonsumo ng kuryente. Dali-dali namang pumasok si Brigand sa kwarto matapos noon. Bibitawan na sana ni Victor ang panyo kung saan naroon ang sugat ng matanda ngunit kinapitan siya nito sa kanyang kamay.

"Victor, patawad...huli na siguro ito," wika niya sa kanyang isipan. Umiling naman si Victor at hinawakan ang pisngi ng kaibigan. Hindi siya nakapagsalita. Tanging ang mainit na luha lamang ang pumatak sa kanyang pisngi.

Binitawan na ng tuluyan ng lalaki ang kamay ng kanyang kaibigan. Aligaga nitong tinanggal ang kanyang jacket at ipinaton sa isang silya. Sa bulsa ng kanyang jacket ay tila isang sisidlan na pahaba ang lumitaw. Kinuha niya iyon at inilapag sa isang mesa malapit sa kama.

"Kumuha ka ng maligamgam na tubig at malinis na pamunas. Kumuha ka na rin ng heart rate monitor at respirator," malumanay na sambit ni Victor. Yumuko lamang si Brigand at muling lumabas. Pinunit naman niya ang damit ng kaibigan kung saan naroon ang tama ng bala. Napangiwi ng kaunti si James Ford ngunit dahil sa panghihina ay tila hindi niya na rin iyon ininda. Nang kumuha si Brigand ng mga kailangan ay sinimulan naman ni Victor ang pagkuha ng bala mula sa dibdib nito. Gamit ang isang pampatulog ay naging tagumpay ang operasyon ngunit alam niyang pansamantala lamang iyon. Dahil sa dugo na iniuubo ng matanda ay alam niyang tinamaan na ang kanyang baga.

Pinaupo na lamang ni Victor ng bahagya ang kaibigan upang hindi malunod sa sariling dugo ang kanyang baga. Nilagyan ng respirator ang kanyang bibig at pinagpahinga upang tumagal pa ng ilang oras ng kanyang buhay. Ngunit wala siyang magagawa. Ilang oras na lamang ang nalalabi at alam niyang iyon na ang wakas.

Naiwan na lamang si Victor na nakaupo sa isang upuan sa paanan ng kama. Tulala at puno ng dugo ang manggas ng damit. Si Brigand naman ay nakatayo lamang sa gilid ng kama ng kanyang amo. Tuliro at may guhit ng kalungkutan ang kanyang mukha.

"Sir...wala na bang ibang paraan?" tanong ni Brigand. Hindi naman tumingin si Victor. Yumuko lamang siya habang nakapatong ang kanyang noo sa kanyang kamao.

"Pareho naming hindi gugustuhin ang gagawin ko kung sakali. Pero ano nga ba ang iba pang paraan?" wika ni Victor. Tiningnan niya ang kabilang kama kung saan malalim na natutulog si Dylan. Nakatalikod ito sa kanya at nakikita ang kanyang memory gene na nakabenda pa rin sa pagitan ng kanyang ulo. Sa gilid nito ay ang isang pahabang sisidlan na inilagay niya.

"Kung kailangan sir. Gamitin niyo na po ang memory gene ko," wika ni Brigand.

"Hindi...hindi mo kailangang gawin 'yan Brigand."

"Pero sir wala na pong ibang paraan. Marami na akong utang na loob kay Master Ford. Siya ang kumupkop sa akin, nagpaaral at nagtrain. Walang halaga ang buhay ko kung hindi dahil sa kanya," tugon ng butler.

"Hindi ikaw ang gagawa noon Brigand," wika ni Victor. Tumayo siya at kinuha ang sisidlan na nakahiga sa tabi ng kanyang anak.

Isang aparato ang kanyang inilabas. Marami itong kable at tila isang pabilog na core ang nasa dulo ng mga kableng iyon. Inilapag niya iyon sa higaan ng kaibigan at kinuha ang isang hologram tablet.

"Ahmm. Para saan po ba yan?" tanong ni Brigand.

"Memory Transfer Reactor. Kaya nitong magtransfer ng memory kahit walang hologram computer at ng transfer program protocol ng MEMO. Kaya rin nitong kumuha ng datos mula sa memory gene papunta sa isa pang memory gene na ginagamit na. Hindi nito maaapektuhan ang memory ng malilipatan dahil impormasyon lang ang kailangan nito," wika ni Victor habang nakangiti pa ngunit kitang-kita sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala. Maya-maya pa ay napatigil siya habang inaayos ang aparatong iyon.

"May problema po ba sir?" tanong naman ni Brigand.

"Isa itong sumpa Brigand. Sumpa na ililipat ko sa aking anak. Sumpa ng MEMO na ibinigay sa akin," malumanay na sagot ng lalaki. Napakunot naman ng noo ang butler nang marinig iyon.

"Ano pong ibig niyong sabihin?"

"Ako ang unang eksperimento ng MEMO. Subject 1. 'Yon ang isa ko pang pangalan. Hindi naging matagumpay si Freuch sa gusto niyng mangyari kung hindi dahil sa akin. Pero, plinano niya lang ang lahat. Ginamit niya lang ako...para sa isa pang mas malaking kasinungalingan," paliwanag ni Victor.

'B-bakit,' tanong ni Brigand sa kanyang isipan.

"Bakit? Haha. Hindi ka ba nagtataka? Hindi ka ba nagtataka kung bakit kami nag-uusap ni Ford nang hindi man lang siya nagsasalita?"

"K-kaya niyong magbasa ng iniisip ng lahat?!" Hindi makapaniwala si Brigand. Nanlalaki ang kanyang mga mata dahil sa labis na pagkamangha. Ngumiti lamang si Victor at umiling.

"Hindi ng lahat. Ang lahat lang ng mayroong memory gene...sa layong limandaang metro simula sa kinatatayuan ko. Lahat sila, lahat kayo...naririnig ko sa aking isipan. Iwang program ang linked sa lahat ng memory gene at ang receiver ng link na iyon ay nasa akin. Ginawa iyon ng MEO para malaman ko ang iniisip ng mga tao, malaman ang sarili nilang hangarin kung makakasira man sa MEMO. Iyon ang trabaho ko," wika ni Victor. Napalunok naman ng kaunting laway si Brigand at inisip kung gaano kasarap ngunit ganoon din kahirap ang magkaroon ng ganoong kakayahan.

"Mahirap? Oo Brigand. Mahirap ang ganitong kakayahan. Hindi ka patutulugin ng mga boses sa isipan mo sa tuwing kailangan mo nang magpahinga. Kinailangan ko pang umalis at lumayo sa siyudad, makihalubilo sa mga bid at sa mga masusukal na lugar na walang bidder para lang magkaroon ng kapanatagan ang isip ko. Isa itong sumpa Brigand."

"Pero bakit kailangan niyo pong ilipat ang sumpa na 'yan sa inyong anak?" tanong naman ng butler.

"Dahil 'yon siya. Dahil ayokong mabulag siya ng kasinungalingan ng MEMO. Sa tingin mo Brigand? Ano ba siya?," tanong ni Victor habang nakatingin sa nakahiga niyang anak.

"I-isang bid..." nagaalangang sagot naman ng butler.

"Sa mata ng lipunang ito, isa lang siyang bid. Pero anak ko siya, anak siya ng isa sa mga halimaw na ginagawa ng MEMO para kontrolin ang lahat ng gumagamit ng memory gene," sagot ni Victor. Nagsalubong naman ang kilay ni Brigand at nagtaka sa sinabi ng kanyang kausap.

"Ang pagkakamali nila nang ilagay nila ang memory gene sa akin ay ang malaman ko ang kanilang mga plano, pabagsakin ang bawat bansa at kontrolin ang lahat sa pamamagitan ng memory gene. Gusto ng European union na pamunuan ang buong mundo, tanggalin ang mga sagabal sa mga daraanan nila at pamunuan ang lahat. One world, one government. Ang mga mahihirap ay ipapatapon sa mga naghihirap na bansa. Ang mga mayayaman ang bibili ng kanilang mga mahihirap para mabuhay ng mas matagal pa. Isa ang Pilipinas sa napili ng European Union para gawing tapunan ng mga bid..." paliwanag ni Victor. Tila pinagpawisan naman ng malamig si Brigand nang margining ang impormasyon na iyon. Nanginginig ang kanyang kalamnan. Tumatakbo pa lamang sa isipan niya ang mga mangyayari ay tila hindi niya na ito maatim.

Napangiti naman si Victor habang nakatingin sa kanya. Nakikita niya ang iniisip nito. Ang pagkawasak, ang pagkasira ng mga ari-arian, ang pagkagunaw ng mga bansang naghihirap, ang kaguluhan. Ang lahat ay para bang isang pelikula na kanyang napapanood.

"Walang sumubok na magsalita, walang nangahas na tumayo para labanan ang sistema. Sa tingin mo, kung hindi tayo kikilos? Kailan pa? Kapag sira na ang lahat ng dapat nating ipaglaban? Kapag wala na tayong madatnan kundi ang mundo na nababalot ng abo at disyerto dahil sa pagkawasak?"

Napapikit na lamang si Brigand. Hindi niya gusto ang kanyang naririnig, nakakatakot, nakakagimbal, ngunit iyon ang masakit na katotohanan.

"Kung inaakala ng iba na tapos na ang gyera...nagkakamali sila. Ang pagkawasak ng China dahil sa nuclear attack ay simula pa lang. Nagsisimula na ang gyera Brigand. At kailangang may tumayo para maging simbolo ng lakas," wika ni Victor. Muli siyang tumingin kay Dylan.

"P-pero bakit siya? B-bakit hindi tayo?" tanong naman ni Brigand.

"Hinahanap ako ng mga bansa na kabilang sa European Union. Blacklisted ako sa Europa, gaya ni James. Pareho naming kinalaban ang sistema. Maswerte nga lang siya dahil pinili ng America na ipatapon siya dito sa Pilipinas. Pero ako? Hindi...wala akong ligtas kahit saan. Kailangan kong magtago para sa kaligtasan ni Ford, kailangan kong magtago para sa kaligtasan ng aking anak. Kung malalaman nilang ako ang kumikilos para sa lahat ng ito...hindi magiging ligtas ang mga tao sa paligid ko. Hindi lang iyon ang inabot natin kanina kung sakali Brigand. Lumalaban ako sa paraang alam ko. Sabihin na nating isang direktor sa likod ng pelikula..." wika niya sabay ngiti. Napangiti ng kaunti si Brigand ngunit lumilitaw pa rin ang labis na pag-aalala dahil sa mga puwedeng mangyari.

"UHU! UHU!"

Napalingon na lamang ang dalawa kay James Ford nang muli siyang umubo ng dugo sa loob ng kanyangrespirator.

"James..." wika ni Victor ngunit ilang sandali lang ay napatigil ito. Nanlaki na lamang ang kanyang mga mata nang marinig niya sa kanyang isipan ang napakaraming mga pulis at military na bumubulong. Nababasa niya ang memory gene ng mga nito at alam niyang papunta iyon sa kanilang kinaroroonan.

"Nandito na sila..."

Agad na tumayo si Brigand upang alalayan sana ang matanda upang itayo ngunit pinigilan siya ni Victor. Alam na nila na sa pagkakataong iyon ay wala na silang magagawa. Marahil iyon na din ang katapusan ni Ford. Hinawakan na lamang ni Victor ang kamay ng kaibigan at hinimas ang ulo nito.

"Magiging maayos din ang lahat Ford," wika ng lalaki. Agad itong tumungo sa kinaroroonan ni Dylan at inilagay ang aparato na kanya sanang gagamitin sa ilalim ng kumot nito. Isang halik muna sa noo ang kanyang iniwan bago pa ito tumungo sa veranda. Nagtago siya sa gilid ng pader at naghintay ng pagkakataon.

Umugong muna ang paligid dahil sa paglipad ng mga heli ship. Nabasag naman ang mga salamin ng mga bintana dahil sa pagpasok ng SWAT team at ng ilang miyembro ng militar. Nagising naman si Dylan dahil sa ingay na naganap at napatingin sa kanyang paligid. Hindi niya alam kung ano ang mga nangyari at kung bakit siya naroroon. Ang alam niya lamang ay natatakot siya at nag-aalala lalo pa nang makita niya ang kanyang itinuturing ama at lolo na nakaratay sa malaking kama katabi ng kanyang hinihigaan. Isang matinis na tunog naman ang narinig ng lahat. Hudyat na tuluyan nang bumigay ang puso ni James Ford. Agad na tumayo si Dylan at tiningnan ang heart rate monitor. Isang linya na lamang ang kanyang nakikita. Agad namang tinanggal ni Brigand ang respirator ng matanda at sinubukang siyang buhayin sa pamamagitan ng CPR.

"L-Lolo?! Lolo ano pong nangyayari?!" wika ni Dylan na halos isampa na ang katawan sa paanan ng higaan ng kanyang lolo. Nangingilid na ang kanyang luha dahil sa pagkabigla at

"Taas ang mga kamay!" isang pamilyar na boses ang umalingawngaw nang bumukas ang pinto gamit ang pwersahang pagpasok. Nauna muna ang SWAT team at sumunod naman ang isang lalaki na may hawak ng isang kulay silver na mahabang handgun. Unti-unti siyang lumabas sa liwanag at doon nakita ni Brigand si Inspector Robert Vega. Yumuko na lamang si Brigand ng matagal. Inubukan niyang pigilin ang kanyang luha ngunit bumuhos din ito. Nakayuko lamang siya habang umiiyak.

"Lolo! LOLOOOOO!" bulyaw naman ni Dylan na sa pagkakataong iyon ay humahagulgol na sa pag-iyak. Kinakapitan niya at tila niyayakap ang paa ng wala nang buhay na si James Ford. Nanlaki naman ang mga mata ng inspektor nang tingnan ang heart rate monitor. Blangko na ito, hindi na rin humihinga ang kanyang itinuring na kaibigan. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kanyang baril at naglakad sa kinaroroonan ng kama. Hinarang niya din ang kanyang kaliwang kamay sa kanyang mga kasamahan, simbolo na ibaba nila ang kanilang mga baril. Ibinaba naman ng SWAT team at ng mga miyembro ng militar ang kanilang mga sandata.

"F-Ford..."mautal-utal niyang sambit.

"LOLO GUMISING KA! LOOOO!" hiyaw ni Dylan. Pinapalag pa niya ang kanyang mga paa. Halos malunod naman sa luha ang kanyang mukha. Patuloy naman sa pagluha si Brigand habang nakayuko. Umiiling naman si Victor at tumatangis habang nakasandal sa pader na kanyang tinataguan. Sumilip naman ang liwanag ng umagang araw sa kanyang mukha. Sinilayan niya iyon ngunit kalungkutan lamang ang kanyang nararamdaman. Wala na siyang mabasa mula sa memory gene ng kanyang kaibigan. Naroon pa ang mga numero na nagsisilbing datos ng kanyang memorya ngunit hindi ang buhay na pag-iisip nito.

"D-Dylan..." wika ni Inspector Vega. Hinawakan niya ang balikat ng bata upang siya'y amuhin ngunit hindi naman iyon pinansin ni Dylan. Patuloy lamang siya sa pag-iyak at sa pagwawala. Ibinaba naman ng inspektor ang kanyang baril at niyakap ang bata.

"Ito ang ginusto niya Dylan, ang magpahinga...masyado na siyang napagod," wika ng ispektor. Hindi man yumayakap ang bata sa kanya ay patuloy namang nababasa ng luha ang balikat ng inspektor. Kumalma ang lahat habang pinapanood ang mga pangyayari. Napayuko ang iba sa mga pulis at militar dahil sa kanilang naabutan. Ang kriminal na sana'y kanilang tutugisin ay humantong sa isang malungkot na pagtatapos.

"Tama si Ford...hindi niya ito ginagawa para sa sarili niya. Ginagawa niya ito para sa'yo Dylan. Para sa pantay-pantay na karapatan ng lahat," bulong ng inspektor. Napaluha na rin siya habang niyayakap si Dylan. Nakatingin naman ang kanyang mga mata sa wala nang malay na katawan ni James Ford.

Nagsimula namang gumapang ang sikat ng umagang araw sa kwartong iyon. Inabot nito ang kinaroroonan ng mga pulis, mga militar, ni Brigand at ng inspektor at si Dylan. Sunod nitong ginapang ang katawan ng namayapang si James Ford.

Continue Reading

You'll Also Like

Anathema By RYE | ACTIVE

Mystery / Thriller

33.2K 2.4K 85
MONDAY, JUNE 3RD, 2019. The citizens of the Philippines woke up to a horrible news: every resident of the quarantined Eagle Homes subdivision are dea...
ALTERSEVEN By MM

Mystery / Thriller

106K 4.8K 62
[Formerly 'Gangster Nerdie'] || Mystery • Thriller • School • Romance || Joshua Rilorcasa is your typical nerdie guy in thick black glasses, taking...
3.7K 191 18
People with dark sense of humour will find the stories here, funny.
550 153 39
A biological weapon created for an impending war was accidentally released in a small town of Hillside and most of its citizens who failed to evacuat...