Project: Black Out (Philippin...

By EMPriel

50.1K 1.7K 290

Taong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawag... More

Project: Black Out (Overview)
Chapter 1: The Chosen Few (Ang Iilang Napili)
Chapter 2: The Grave of the Dying Nation (Ang Libingan ng Naghihingalong Bansa)
Chapter 3: Broken Dreams, Broken Promises (Nasirang Pangarap, Nasirang Pangako)
Chapter 4: Unusual Story (Hindi Karaniwang Kwento)
Chapter 5: Dance of the Shadows (Ang Sayaw ng mga Anino)
Chapter 6: Civil War Rising (Ang Pagbangon ng Digmaang Sibil)
Chapter 8: City in the Dark (Ang Siyudad sa Dilim)
Chapter 9: Written in Blood (Isinulat sa Dugo)
Chapter 10: An Invisible Enemy (Ang Hindi Makitang Kalaban)
Chapter 11: Faded Memories (Ang Kumukupas na mga Alaala)
Chapter 12: Burn Baby! Burn!
Chapter 13: The Flawless and the Renegade (Ang Pino at ang Taksil)
Chapter 14: Time Will Tell (Ang Oras ang Makakapagsabi)
Chapter 15: A Shadow's Blood (Ang Dugo ng Isang Anino)
Chapter 16: Before the Dawn (Bago Magliwanag)
Chapter 17: War of the Shadows (Ang Digmaan ng mga Anino)
Chapter 18: Freedom Fall (Ang Pagbagsak ng Kalayaan)
Chapter 19: The Dogma (Ang Prinsipyo)
Chapter 20: Black Propaganda
Chapter 21: March of the Dead (Ang Martsa ng Kamatayan)
Chapter 22: Oblivion Cry (Panaghoy ng Kawalan)
Chapter 23: Rain of Fire (Pag-ulan ng Apoy)
Chapter 24: A Cold Christmas (Ang Malamig na Pasko)
Chapter 25: The Final Countdown (Ang Huling Bilang)
Chapter 26: The Son of the Devil (Ang Anak ng Diablo)
Chapter 27: Illusions in the Air (Ang mga Ilusyon sa Hangin)
Chapter 28: The Last Ace (Ang Huling Alas)
Chapter 29: The Division (Ang Paghahati)
Chapter 30: The Last Laugh (Ang Huling Halakhak)
Chapter 31: Santelmo

Chapter 7: Identity Crisis

1.6K 61 13
By EMPriel

Only when we are no longer afraid do we begin to live.

-Dorothy Thompson


"Nakatayo ako sa gitna ng kawalan...ang tigang na lupa at ang makakapal na ulap ang nagsilbing daan para sa akin. Wala kang makikitang nabubuhay sa lugar na iyon kundi ang mga sira-sira nilang bahay. Mga nagtataasang gusali na iniwan na ng panahon sa di kalayuan at ang baku-bakong daanan kung saan naroroon ang mga sasakyang pandigma at ang sasakyan ng mga sibilyan. Napakalawak ng pinsala...at hindi ko man lang alam kung ano ang dahilan ng pagkawasak na iyon," wika ni Dylan habang nakaupo sa kanyang kama. Abalang-abala naman si Brigand sa pagtitimpla ng kanyang kape gamit ang isang mamahaling tasa at ginintuang kutsara. Nagpatuloy siya sa pakikinig, tinitigan niya sa mata ang binata upang ipagpatuloy ang kanyang pagkukwento. Napayuko naman si Dylan at pilit na inalala ang kanyang panaginip.


"Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa...makita ko ang isang puno sa gitna ng malawak na pinsala. Napabuntong hininga ako nang makita ang tatlong tao sa ilalim ng punong iyon. Isang ama, ang kanyang anak...at isang sundalo na pilit na inaagaw ang kanyang anak. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil may tao pa sa lugar na iyon...o malulungkot dahil sa nakikita ko. Hawak ng sundalong iyon ang isang kutsilyo. Pilit na inaagaw ang bata na akay-akay ng kanyang ama. Hinawakan niya ang kamay ng batang iyon at ibinuka ang kanyang palad. Iniisa-isa niya ang daliri ng bata...pinuputol niya ang mga daliring iyon habang binabalatan ang kanyang kuko. Wala siyang ibang ginagawa kundi ang tumawa habang binabalatan at pinuputol ang kamay ng walang kamuwang-muwang na paslit. Wala namang ibang nagawa ang kanyang ama kundi makiusap...na itigil na ang ginagawa ng sundalong iyon," wika niya. Tila napakunot naman ang noo ni Brigand at muling tumingin kay Dylan. Kinuha naman ng binata ang kanyang kape at humigop ng kaunti.


"Sandali lang! Bitawan mo siya! Iyon ang sabi ko sa sundalong iyon. Nakuha ko ang atensyon niya, humarap siya sa akin at itinutok ang patalim na hawak niya. Isang pagkakataon iyon para sa bata..para makaalis, makatakbo at tumakas sa peligrong sinasapit niya. Tumakbo ang batang iyon. Hindi naman sumunod ang kanyang ama. Nakipagbuno lamang ang lalaking iyon sa sundalo habang dalawang ibon naman ang dumapo sa isang sanga ng puno. Isang puting kalapati, at isang uwak ang aking nakita. Lumipad patungo sa tumatakbong musmos ang puting kalapati na iyon samantalang ang itim naman ay tumitig sa akin. Ang mga mata niya ay nanlilisik...nakatingin sa akin. Ilang saglit pa ay pinaling niya ang kanyang ulo sa sundalo na nakikipagbuno sa lalaki. Nagmamakaawa ang lalaki na iyon na itigil na ang kanyang ginagawa. Lumapit ako sa sundalo, inagaw ko ang kutsilyo niya at isinaksak sa kanyang likod. Iniwan ko ang kutsilyong iyon sa kanyang likuran. Hindi na siya pumalag...hindi na siya lumaban. Sa pagkakataong iyon ay alam kong patay na siya. Ang itim na uwak naman ay agad na dumapo sa kanyang ulo at tinuka iyon ng tinuka. Isa lang ang bagay na nakapagpagulo sa akin sa pagkakataong iyon," kwento ni Dylan. Humigop itong muli ng mainit na kape at ibinaba iyon ng dahan-dahan sa kanyang mesa sa kanyang harapan.


"Ano po 'yon Master?"


"Tiningnan ako ng uwak na iyon. Tinitigan din ako ng lalaki na aking iniligtas...'bakit mo ginawa 'yon?' Iyon ang tanong niya sa akin. Nakakunot ang kanyang noo at nanlalaki ang kanyang mga mata, nagtataka, nagugulat, natatakot...na para bang may kasalanan akong ginawa. Oo nga...napatay ko ang sundalong iyon. Pero ginawa ko 'yon para mabuhay siya at ang kanyang anak. Pero bakit Brigand? Bakit ako nakaramdam ng kosyensya? Bakit pakiramdam ko...ako ang may kasalanan?" wika ng binata. Bahagya siyang napayuko at kinamot ang kanyang ulo gamit ang kanyang mga kamay.


"May sasabihin ang mga tao sa atin kahit na anong mangyari. Gumawa ka ng tama, may sasabihin pa rin sila. Wala silang pakialam kung nagawa mo silang iligtas. Hindi nila sisiyasatin at tatanunging ang kanilang mga sarili kung bakit sila nabuhay. Sa pananaw nila ay pumatay ka...pumatay ka at ikaw ang may kasalanan," paliwanag ng matandang butler. Ngumiti naman si Dylan at tumingin sa kanya.


"Mali ba? Mali ba ang ginawa ko?" tanong niya.


"Lahat ng bagay na tama ay may katumbas na mali. Lahat ng bagay na mali ay may katumbas na tama...ang taong alam ang mga bagay na tamang gawin ay may responsibilidad. Responsibilidad nila ang magsakripisyo. Responsibilidad nila ang tumayo sa kung ano ang pinaniniwalaan nila kahit na sa huli ay tutuligsain sila ng mga tao na kanilang iniligtas."


Tumango ng bahagya si Dylan. Muli niyang kinuha ang kanyang kape at humigop ng kaunti. Pumikit siya at hinaplos ang kanyang buhok na humahaba na hanggang sa kanyang balikat.


"Pero hindi...hindi ko 'yon ginagawa para sa kanila..."


"Hologram TV on," wika naman ni Brigand. Bumukas naman ang isang hologram TV sa kaliwa ng binata. Kasinlaki iyon ng kanyang pader at malinaw ang mga imahe sa live feed.


"Galit na galit na mga bid ang tumungo sa Mendiola kaninang madaling araw upang ipatigil at tuluyan nang ipabagsak ang MEMO. Aniya...hindi daw makatao ang ginagawa ng gobyerno na ibenta ang mga bid sa mga mayayaman upang mabuhay hangga't gusto nila. Bitbit pa nila ang mga streamers at banner kung saan ipinapahiwatig nila ang kanilang suporta kay Black Out. Ang kriminal na kumitil sa halos labing-walong bidder. Tanging si Black Out lamang daw ang pag-asa nila upang itigil na ng MEMO ang kanilang ginagawa. Hindi naman pinaalpas ng mga pulis ang mga ralyista, ginamitan nila ng tear gas at nagpaputok pa ng baril ang ilan sa mga ito bilang warning shot. Hindi naman maiwasang masaktan ang ilan sa mga ralyista. Nanlaban umano ang mga ito kaya't tuluyan nang nagkagulo dito nga...sa Mendiola."


Magulo ang scenariong iyon na nakikita ng binata at ni Brigand. Tila nanlalaki naman ang mga mata ni Dylan habang nanonood sa balitang iyon. Binabasa niya ang mga plaka at poster na bitbit ng mga ralyista. Nakasulat ang mga ktagang: 'Black Out turuan mo sila ng leksyon.' 'Black Out ang tanging pag-asa.' 'Iligtas mo kami Black Out, ikaw lang ang pag-asa namin.'


Tila napangisi naman si Dylan habang nakapikit. Umiiling-iling pa ito at makalipas ang ilang segundo ay tiningnang muli ang hologram TV.


"Nakakatawang isipin. Kumakapit na lang sila kung kani-kanino para lang may mapagkuhanan sila ng lakas ng loob."


"Master?" tanong naman ni Brigand.


"Hindi ako ang tagapagligtas nila Brigand. Hindi ko ginagawa ang mga bagay na ito para bigyan sila ng pag-asa o ipaglaban sila. Ginagawa ko ito para sa sarili ko, par mahanap ko ang mga kasagutan sa matagal ko nang mga tanong," tugon ng binata. Napayuko naman ng bahagya si Brigand at tila nadismaya. Agad namang tumayo si Dylan t kinuha ang kanyang tuwalya. Isinabit niya iyon sa kanyang balikat at naglakad palayo.


"Ayoko silang bigyan ng maling pag-asa kaibigan. Pasensya na...pero hindi ako ang hinahanap nilang tagapagligtas," pahabol ng binata.


"Naiintindihan ko po...Master," wika naman ng matandang butler. Yumuko pa ito ng bahagya sa papalayong binata.


_______________________________


Malakanyang Palace - 11:29 AM - 19°C


Isang lalaki na may suot na isang itim na balabal ang nakatitig lamang sa isang hologram screen sa kanyang mesa na gawa sa salamin. Pormal a pormal ang hawi ng kanyang buhok maging ang kanyang bigote. Makintab ang suot niyang coat na napapatungan ng balabal na iyon. Tila pinapanood niya rin ang balita sa telebisyon at tila napapangisi pa ito habang kinukutya sa kanyang isipan ang mga madudungis na bid na ipinapakita ng mga imahe.


"Hindi ko akalaing ganito pala ang magiging resulta...haha." wika niya. Nagde-kwatro pa ito at nagpangalong baba. Maya-maya pa ay isang imahe ng lalaki ang lumitaw sa kanyang screen. Noong una ay malabo pa ang imahe na iyon ngunit kalaunan ay naging malinaw na ito. Tila nagulat naman ang lalaki at napaatras pa nang makita ang kabuuang imahe ng lalaki. Nakamaskara ito ng itim at tila pulang fiber glass naman na salamin ang humaharang sa kanyang mga mata. Ang bibig niya ay natatakpan ng gas-mask, nakaitim na trench coat ang lalaking iyon at humahaba pa ang kwelyo nitong nakataas hanggang sa matakpan ang kanyang leeg.


"Magandang gabi Mr. Nico Rivera," wika ng lalaking iyon.


"S-sino ka? Paano mo napasok ang system..."


"Hindi mo ako kilala? Imposible," wika ng lalaki. Agad namang nag-iba ang imahe sa kanyang hologram screen. Inisa-isa nitong ipakita ang kanyang mga biktima. Nakahiga lamang ang mga ito at kung minsan ay nakaupo, tulala, nakabukas ang mga mata na para bang may nakikitang kung ano.


"B-Black Out?!" wika ni Nico Rivera. Ang tumatayong presidente ng Pilipinas.


"Mabuti naman at nakikilala mo ako," tugon naman niya. Nakaramdma naman ng matinding takot ang presidente at tumingin-tingin sa paligid.


"Huwag kang mag-alala Mr. President, dahil kung ikaw ang isusunod ko ay siguradong hinding-hindi ko iyon ipapaalam sa iyo."


"Anong kailangan mo?!" bulyaw ni Nico Rivera. Sa pagkakataong iyon ay pinagpapawisan na siya ng malamig at tila nangangatal na ang kanyang bibig.


"Haha...ahahahaha!"


"Ano sabing kailangan mo?!" tanong ng presidente.


"Nakakatawa ka. Hindi ko akalain na ganyan pala kaduwag ang lider ng isang bansa. Bakit Mr. Rivera? Ano bang kinakatakot mo sa akin?"


"MAMAMATAY TAO KA!" sigaw niya.


"Ah ganoon ba? Hindi ba't kumikitil din kayo ng buhay...para mbuhay? Sabihin na nating pareho lang tayo Mr. Rivera. Pareho lang tayo. Pumapatay din ako para mabuhay," tugon niya. Tila lalo namang natakot ang presidente sa kanyang sinabi.


"G-ginagawa mo nga ito para sa kanila...tama. Yun ang gusto mong sabihin hindi ba?!"


"Hindi. Wala akong pakialam sa mga taong 'yan...at iyon ang gusto kong ipaalam sa lahat," wika ng lalaki.


"Anong ibig mong sabihin?!" tanong naman ni Nico Rivera. Tila dumagundong naman ang sahig dahil sa mga yabag. Halos pitong security na nakasuot ng coat at tie ang pumasok sa kwarto kung saan naroroon ang presidente. Marahil ay na-detect na rin ng system ang live communication na nagaganap. Tinaas naman ng presidente ang kanyang kamay, senyales ng paghingi ng tulong. Ang isa naman sa security na iyon ay may dalang hologram tablet. Agad siyang nagpipindot dito at nirecord ang kanilang usapan.


"Makinig kang maigi Mr. President. Wala akong panahon para maglaro ng tanga-tangahan. Magbibigay ako ng tatlumpung minuto bago mawalan ng malay ang susunod kong biktima. Kung hindi mo susundin ang utos ko, mamatay ang bidder na iyon," wika ng lalaki. Tila napalunok naman ng kaunting laway ang presidente at lalong nabahala sa kanyang narinig.


"Ano?! Makinig kang mabuti Black Out! Kahit kailan hindi kami nakikipagnegosasyon sa isang kriminal!" bulyaw niya.


"Ganoon ba? Pasensiya na, nagkamali pala ako ng kinausap. Hindi ko alam na wala ka palang pakialam sa pamilya mo," sagot naman ni Black Out.


"T-teka...a-anong ibig mong sabihin? SINO BA ANG TINUTUKOY MO?!" Tila nag-iba namang muli ang imahe sa hologram screen. Ipinapakita naman doon ang kuha ng isang CCTV sa loob ng isang unibersidad. Pinalaki pa nito ang imahe at doon ay nakita niya ang kanyang anak na babae.


"Tingnan mo siyang maigi Mr. President. Napakaganda niya. Napakaamo ng kanyang mukha. Walang kamuwang-muwang sa madungis na katotohanan sa likod ng kanyang ama. Paano na lang kung mawala siya? Kung mawalan siya ng buhay...ngayon ko susukatin kung ano ang mas mahalaga para sa 'yo Mr. President. Ang buhay ng anak mo? O ang kapangyarihan mo. Mamili ka," wika ng lalaki. Sa pagkakataong iyon ay nagsimula nang manlabo ang live video.


"S-sandali...sandali! Makikinig ako sa sasabihin mo. 'W-'wag mo lang sasaktan ang anak ko," mautal-utal naman na tugon ni Nico Rivera.


"Hahaha...pinapatawa mo talaga ako Mr. President. Akalain mo...ang isang walang pusong katulad mo na nagbebenta ng mga bid para mabuhay ang mga bidder. Ang mamamatay tao na katulad mo, magkakaroon ng puso para sa anak niya."


"A-anong kailangan mo? Anong kailangan kong gawin?! Makikinig ako!" sagot naman ng presidente. Sa pagkakataong iyon ay sumenyas na ang isang bodyguard na may hawak ng hologram tablet. Nakuha na nito ang lokasyon kung saan nanggagaling ang signal.


"Sa loob ng tatlumpung minuto, kung hindi mo iaatras ang mga sundalo mo sa Mendiola at pababayaan ang mga tao na malayang mamahayag ng saloobin nila, mamamatay ang anak mo," utos ni Black Out. Tila napangiti naman ang presidente at napailing. Pilit niyang pinapalakas ang kanyang loob kahit na alam niyang nasa bingit ng kapahamakan ang kanyang anak.


"Hindi ako nagbibiro President Nico Rivera...may tatlumpung minuto ka pa." Matapos noon ay nawala na sa hologram screen ang imahe ng lalaki. Saka naman naibagsak ni Nico Rivera ang kanyang kamao sa babasaging mesa.


"Tangina! Nakuha niyo ba ang lokasyon niya?!"


"Opo Mr. President. Malapit sa University of Santo Tomas," wika ng isang bodyguard.


Nang marinig iyon ng presidente ay lalo siyang nakaramdam ng takot. Napatayo siya ng dahan-dahan habang tinititigan ang hologram screen.


"Ano pang ginagawa niyo?! Pumunta na kayo doon! BILIS!"


"Opo..." wika ng ibang mga bodyguard. Ang isa naman ay tumayo lamang sa kanyang harapan.


"Paano po ang mga sundalo sa Mendiola? Ipu-pull out po ba natin?" tanong niya.


"Ano ba sa tingin mo?! Nanganganib ang buhay ng anak ko! Kumilos na si Black Out! Kumilos na rin kayo!" bulyaw naman ni Nico Rivera.


"Masusunod po."


______________________


"All units! All units! Stand down! I repeat! Stand down! 'Yan ang utos ng presidente!" wika ng isang sundalo mula sa kanyang communicator. Tila napatigil naman ang mga sundalong abala sa pagtaboy sa mga bid na nagrarally sa Mendiola.


"Ano? Pero ito ang utos sa amin!"


"Iba na ang utos ng presidente! Lahat kayo! Pumunta kayo ngayon sa UST! Palibutan niyo ang buong lugar! Nandoon si Black Out!" utos muli ng sundalo. Agad namang tumigil sa pagbato ng teargas at pagpapaputok ng baril ang mga sundalong iyon. Muli silang nagsakayan sa kanilang mga hover truck at heli ship. Naiwan namang duguan ang ilang mga ralyistang bid sa daan. Inakay na lamang ng iilan ang mga sugatan. Itinabi nila ang mga katawan ng mga nanghihina. Ang iba naman ay patuloy lamang sa pagtangis at pagtaas ng kanilng mga plaka kung saan nakalagay ang pangalan ni Black Out.


"Bakit sila nag-aalisan?"


"I-iniligtas niya ba tayo?"


"Narinig ko ang isa sa mga sundalong iyon! Ginawan niya ng paraan para umatras sila!"


"Iniligtas niya tayo mga kasama!"


Napuno ng usap-usapan sa grupong iyon ang pagliligtas ni Black Out sa kanila. Natuwa ang ilan sa mga bid, ang iba naman ay nagtataka pa rin sa mga nangyari. Gayon pa man ay itinuon nila ang kanilang atensyon sa pagrarally. Nagpatuloy sila sa paglalakad habang bitbit ang kanilang mga karatula. May dala pang malaking watawat ng Pilipinas ang mahigit sa sampung kalalakihan. Kapansin-pansin ang bahid ng kulay pulang dugo sa asul na parte nito. Gula-gulanit na rin ang watawat na iyon. Animo'y isang basahan na ipinunas lamang sa dugo ng sarili niyang mga anak.


"Hindi ko akalain na paaatrasin niya nga ang mga sundalong iyon," wika ni Dylan gamit ang kanyang communicator. Sa pagkakataong iyon ay nakihalubilo siya sa mga ralyista. Nakasuot siya ng itim na trench coat at itim na bota. Maging ang kanyang kamay ay nababalutan din ng itim na gloves. Nakasumbrero lamang siya sa pagkakataong iyon upang takpan ang kanyang memory gene. Nakasuot din siya ng isang malinaw na salamin at sa loob ng salamin na iyon ay nakikita niya ang kanyang kausap na si Brigand.


"Akala ko po ba ay hindi niyo ginagawa ang lahat ng ito para sa kanila?" tanong ni Brigand. Napangiti naman si Dylan at tumingin sa mga bid na kanyang kasabay.


"Sabihin na nating kailangan nga nila si Black Out dahil sa sarili nilang dahilan. Kailangan ko rin sila para sa sarili kong dahilan," paliwanag ng binata. Unti-unti ay bumibilis ang lakad ng mga taong iyon hanggang sa sila'y nagtakbuhan. Wala namang nagawa ang mga bidder na nagmamaneho ng kanilang mga sasakyan kundi tumabi at paraanin ang napakaraming bid. Wala silang magawa kundi ang bumusina. Ang ilang mga pulis naman ay sinubukang barikadahan ang huling kanto kung saan natatanaw na ng mga tao ang gate ng Malakanyang.


Agad namang nagkabalyahan nang harangin na ng iilang pulis ang mga ralyista. Til nipit naman si Dylan sa banggan na iyon. Umiwas na lamang siya sa gulo at sinubukang lapitan ang isang bid.


"Puwede naman tayong lumusot doon di ba?" hikayat niya. Agad na tumango ang bid na iyon na nakasuot ng isang makapal na itim na jacket. Agad niyang inagaw sa isa niyang kasama ang isang karatula at itinaas iyon. Saka lamang sumunod sa kanya ang mga tao. Tumakbo sila at nakalusot sa mga nakaharang na pulis ngunit isang batang babae ang nadapa. Napatigil pa si Dylan sa pagtakbo upang tingnan ang babaeng iyon. Tatakbo na sana siya palayo ngunit muli siyang bumalik upang itayo ang bata.


"Nasaktan ka ba?" tanong niya.


"Ah...hindi po."


"Nasaan ang mga magulang mo?" Hindi niya naman iyon sinagot. Bagkus ay itinuro niya na lamang ang kinaroroonan ng kanyang ina. Napatingin si Dylan sa babaeng nakabalabal ng kulay tsokolate. Tila nanlaki ang kanyang mga mata, iba ang kanyang nakikita sa nakatalikod na babae. Dahan-dahan siyang tumayo at humarap sa babaeng iyon.


"M-ma?" wika niya. Dahan-dahan namang humarap ang babaeng iyon sa kanya.


"L-Leah!" sigaw ng babae. Agad siyang tumakbo patungo sa kinaroroonan ng kanyang anak. Nilagpasan lamang niya si Dylan at hinagkan ng mahigpit ang batang babae. Napatulala na lamang si Dylan ngunit pinilit niyang gisingin ang kanyang ulirat. Maya-maya pa ay naglakad na lamang siya palayo.


"Salamat." Iyon ang mga salitang binigkas ng babae. Muli namang tumingin si Dylan sa kanila at ngumiti. Matapos noon ay nagpatuloy na siya sa paglalakad. May kung anong gumugulo sa kanyang isipan at tila may mali sa kanyang nararamdaman.


"Hindi ko dapat ito ginagawa..." bulong niya.


"Master?" tanong ni Brigand.


"Hindi ko dapat tinutulungan ang mga taong ito."


"Pero kayo na rin po ang nagsabi...na kailangan niyo po sila," sagot naman ng matandang butler sa kanyang communicator.


"Ngayon lang ito Brigand," wika naman ng binata. Sa hologram tablet naman ni Brigand ay makikita ang mga papalapit na kulay pulang ilaw sa mapa. Sa pagkakataong iyon kasi ay nakapwesto siya sa rooftop ng isa sa pinakalumang gusali ng UST.


"Master. Nandito na po sila," wika niya.


"Ayos yan...nandito na rin ako. Kailangang makapasok ako bago nila malamang wala diyan ang hinahanap nila. Umalis ka na diyan Brigand."


"Msusunod po master," sagot ng matandang butler. Inilapag niya lamang ang hologram tablet na iyon sa isang sulok ng rooftop at saka siya umalis. Sa elevating platform naman ay agad niyang nakita ang mga sundalong paakyat. Ginamit niya na lamang ang fire exit sa pagkakataong iyon at nang makaakyat na ang elevating platform ay saka niya iyon ginamit upang makababa. Naglakad lamang si Brigand na parang walang nangyari. Kinuha niya na lamang ang isang tungkod na nakahanda sa loob ng maintenance room. Sinuot niya rin ang isang panlamig at binitbit ang ilang mga hologram tablet. Umakto lamang siya na parang isang normal na propesor sa loob ng unibersidad na iyon. Nakasalubong pa niya ang ilan sa mga sundalong iyon nang bumukas ang pinto ng lumang gusali. Nagliparan pa sa loob ng lobby ang piraso ng niyebe na nakakalat sa labas. Saka naman itinutok ng mga sundalo ang kanilang mga baril sa iba't-ibang direksyon. Hindi naman nila pinansin ang matandang butler na nakikihalubilo lamang sa iba pa. Tumingin na lamang si Brigand sa papasok na mga sundalong iyon at ngumiti.


"Sir dito po sa rooftop!" bulyaw ng isang sundalo. Pumwesto pa ang mga ito at tila yumuko pa habang sinisipat ang kinaroroonan ng signal mula sa kanilang mapa gamit ang kanilang mga hoogram stick. Sumenyas naman ang isang sundalo, itinaas niya ang kanyang kanang kamay at isinara iyon. Senyales na kailangan nilang tumigil. Itinuro niya naman ang tatlo niyang mga kasama at pagkatapos ay ang kinaroroonan ng signal. Nang matumbok nila ang gilid ng pader na iyon ay agad nilang itinutok ang kanilang mga baril. Laking gulat na lamang nila nang makitang isang hologram tablet na lamang ang naroroon.


"Pambihira naisahan tayo!" sigaw ng isa sa mga sundalong iyon.


"Si Angela na-secure ba?" tanong niya naman sa kanyang communicator nang alisin niya ang kanyang helmet.


"Opo sir, secured po ang bata. Mukhang wala namang mangyayari dito. Mukhang wala naman dito si Black Out!" sagot naman ng isa pang sundalo mula sa kabilang linya.


"'Wag kayong pakasisiguro! hindi pa natin kilala si Black Out! Baka isa siya sa mga taong nandyan!" wika naman ng isang boses na biglang sumingit sa kanilang communicator. Tiningnan naman nila ang kanilang mga hologram stick at doon ay nakita ang mukha ng isang lalaki.


"Ito si Inspector Robert Vega. Naatasan para sa special assignment ng NBI sa pagdakip kay Black Out! Uulitin ko! Walang magpapalabas ng tao diyan hanggat hindi pa natatapos ang natitirang labing limang segundo! I-secure ang anak ng presidente! Maliwanag ba?" tanong ng inspektor.


"Opo!"


"Ano pang hinihintay niyo? I-secure ang perimeter bilis!" utos naman ng pinuno ng squad na iyon. Agad namang nagdatingan ang ilang hover car ng mga pulis at hover truck sa labas ng UST. Pinalibutan nila iyon. Ang mga tao naman sa loob ay pinapila ng maayos sa labas ng bawat gusali. Kasama na doon ang matandang butler na si Brigand. Naglabas naman siya ng isa pang hologram tablet mula sa kanyang bulsa. Tiningnan niya ang isang live feed video sa hologram tablet na iyon.


_____________________


Sa loob ng kwarto ng presidente ay paikot-ikot lamang si Nico Rivera. Nakabukas ang mga hologram screen sa kanyang mesa at nakabukas din ang hologram TV na nasa pader nito. Madilim sa loob ng kwartong iyon, naannag lamang ang mga gamit dahil sa kakaunting ilaw mula sa hologram screens. Aligaga ang presidente dahil sa mga nangyayari. Maya't-maya siyang tatayo at kakausapin ang ilan sa kanyang mga security gamit ang communicator upang masiguro lamang na ligtas siya sa loob ng kwartong iyon.


"Anong ginagawa niyo?! Bakit nakapasok ang mga 'yan sa Malakanyang?! Itaboy ang mga 'yan! May problema na tayo dito dadagdgan niyo pa!" bulyaw niya.


"Pasensiya na sir, pero hindi namin mapigil ang mga taong ito! Masyado po silang madami!" sagot naman ng isang babae sa kabilang linya.


"Gawan niyo ng paraan! Para saan pa at naging pinakaligtas na lugar ang Malakanyang na ito kung napapasok naman tayo ng mga bid!" bulyaw niya.


"Oo nga naman Mr. Nico Rivera. Ano nga ba ang saysay ng mga sundlo at mga bril mo kung kayang-kaya ka namang pasukin ng mga bisitang...hindi kanains-nais," wika naman ng isang boses. Agad namang napatingin si Nico Rivera sa kinaroroonan ng boses na iyon. ang makita niya ang isang lalaking naka-itim na maskara at trench coat ay agad niyang naibagsak ang kanyang hawak na hologram stick. Dahan-dahan pang tinatanggal ng lalaking iyon ang itim na gwantes sa kanyang kanang kamay. Nakita naman ni Nico Rivera ang aparatong nakasuot sa kanyang kamay. Umiilaw ng kulay berde ang gauntlet na iyon, sabay sa bawat pagpatak ng segundo.


"P-paano ka nakapasok dito?!" bulyaw ng presidente. Tila apaatras pa ito sa kanyang kinaatayuan patungo sa bintana sa kanyang likuran. Umilaw naman ang mga pulang lente ng suot na salamin ni Black Out. Dahan-dahan siyang lumapit sa liwanag ng hologram screen. Doon ay nakita ng presidente ang tila gas mask na nakakabit sa kanyang bibig.


"Tulong! Tulungan niyo ako! Guards!" bulyaw niya. Halos mapaiyak na siya sa sobrang takot at tila ba impyerno ang kanyang nararamdaman sa bawat hakbang ng tinaguriang memory eraser na si Black Out.


"Ano bang kailangan mo?! Pera?! Kapangyarihan?! Lahat ibibigay ko sa 'yo! Ang kung ano mang kahilingan mo...'w-'wag mo lang akong sasaktan!"


"Alam mo...saka ko lang din kasi naisip. Wala palang kwenta kung humingi ako ng kahit anong kahilingan mula sa 'yo. Kung kaya ko namang kunin ang lahat ng iyon ng walang kahirap-hirap..." Dahan-dahang inilapit ni Dylan sa kanyang biktima ang kanyang kamay kung saan nakakabit ang kulay berdeng aparato na kanyang ginagamit. Napaupo naman si Nico Rivera sa sahig dahil sa sobrang takot. Hahawakan na sana ni Black Out ang memory gene niya ngunit isang putok ng baril ang agad niyang narinig.


*BAAANG!*


Tumama ang balang iyon sa salamin, nagkaroon ng lamat ang salamin na iyon at matapos ang ilang segundo ay tuluyan na itong nabasag. Dahan-dahan namang ipinihit ni Black Out ang kanyang ulo sa kinaroroonan ng putok ng baril.


"Tigil...itaas mo ang mga kamay mo kung ayaw mong sa noo mo tumama ang susunod na bala."


"Inspector Robert Vega..." bulong ni Black Out.


"Nakita rin kita sa wakas. Masasabi kong isa ako sa mga tagahanga mo. Napakahirap mong hulihin..." wika ng inspektor. Hawak niya ang isang hand gun sa kanyang kanang kamay. Naglabas pa ito ng isang pakete ng sigarilyo gamit ang kanyang kaliwang kamay. Kinagat niya ang isang stick nito at sinindihan gamit ang isang electric lighter. Dahan-dahan namang humarap si Black Out sa kanya at nagpamulsa sa kanyang trench coat. Tinitigan niya na lamang ang ispektor at naghintay ng susunod nitong gagawin.

Continue Reading

You'll Also Like

34.6K 746 26
A group of teenagers became the toys of the ruthless psycho-gang, Anonymosities. How would they survive the game they don't even know how to play? ...
923K 23K 54
A fanfiction of purpleyhan's Tantei High. Disclaimer: 1. This book is written in late 2014 when Seventh Sense is on-going and Truce is yet to be pu...
296K 14.3K 60
Highest Achievement Rank #5 in Horror (2014) The only way to survive is kill someone before you get killed. Face challenges, death, tortures, one sto...
7.3K 579 10
Suddenly, from all the green around, Something has disappeared unnoticeably; Her presence creeping closer to marble floor, In total silence from an...