Project: Black Out (Philippin...

By EMPriel

50.5K 1.7K 290

Taong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawag... More

Project: Black Out (Overview)
Chapter 1: The Chosen Few (Ang Iilang Napili)
Chapter 2: The Grave of the Dying Nation (Ang Libingan ng Naghihingalong Bansa)
Chapter 3: Broken Dreams, Broken Promises (Nasirang Pangarap, Nasirang Pangako)
Chapter 5: Dance of the Shadows (Ang Sayaw ng mga Anino)
Chapter 6: Civil War Rising (Ang Pagbangon ng Digmaang Sibil)
Chapter 7: Identity Crisis
Chapter 8: City in the Dark (Ang Siyudad sa Dilim)
Chapter 9: Written in Blood (Isinulat sa Dugo)
Chapter 10: An Invisible Enemy (Ang Hindi Makitang Kalaban)
Chapter 11: Faded Memories (Ang Kumukupas na mga Alaala)
Chapter 12: Burn Baby! Burn!
Chapter 13: The Flawless and the Renegade (Ang Pino at ang Taksil)
Chapter 14: Time Will Tell (Ang Oras ang Makakapagsabi)
Chapter 15: A Shadow's Blood (Ang Dugo ng Isang Anino)
Chapter 16: Before the Dawn (Bago Magliwanag)
Chapter 17: War of the Shadows (Ang Digmaan ng mga Anino)
Chapter 18: Freedom Fall (Ang Pagbagsak ng Kalayaan)
Chapter 19: The Dogma (Ang Prinsipyo)
Chapter 20: Black Propaganda
Chapter 21: March of the Dead (Ang Martsa ng Kamatayan)
Chapter 22: Oblivion Cry (Panaghoy ng Kawalan)
Chapter 23: Rain of Fire (Pag-ulan ng Apoy)
Chapter 24: A Cold Christmas (Ang Malamig na Pasko)
Chapter 25: The Final Countdown (Ang Huling Bilang)
Chapter 26: The Son of the Devil (Ang Anak ng Diablo)
Chapter 27: Illusions in the Air (Ang mga Ilusyon sa Hangin)
Chapter 28: The Last Ace (Ang Huling Alas)
Chapter 29: The Division (Ang Paghahati)
Chapter 30: The Last Laugh (Ang Huling Halakhak)
Chapter 31: Santelmo

Chapter 4: Unusual Story (Hindi Karaniwang Kwento)

2.2K 81 7
By EMPriel

Heavy hearts, like heavy clouds in the sky, are best relieved by the letting of a little water.

-Christopher Morley


November 1, 2280 - 9:52 AM - Makati City Bidder District - 18°C


"Natatakot ako...natatakot ako na baka isang araw, wala na akong maramdaman. Buhay pa ako pero wala na akong maramdamang sakit, saya...at takot," wika ni Dylan. Dahan-dahan niyang kinuha ang twalya na nakasabit sa bakal na sampayan sa gilid ng shower room ng kanyang malaking banyo. Sa labas ng shower room na iyon ay nakikinig lamang si Brigand, ang kanyang butler. Hawak nito ang isang aparato na kung titingnang maigi ay isang blow dryer. Wala itong kable para isaksak sa kuryente. Muli itong nakikinig sa sentimyento at malungkot na kwento ng binata. Napatingin na lamang ito sa binata nang siya ay lumabas na sa shower room na iyon at nakatapis lamang gamit ang twalya. Inabot niya dito ang hair dryer at kinuha niya naman ang isang tray na naglalaman ng mga mamahaling pabango.


"Ang takot ay nasa isip lamang...'di po ba?" tanong naman ni Brigand.


"Oo...pero ang takot ay nagiging bangungot kapag hinayaan," sagot ng binata. Tila pumipili pa ito ng pabango na kanyang gagamitin. Pinili niya ang isang kulay itim na bote, tinanggal niya ang takip na ito at inispray sa kanyang katawan. Maya-maya pa ay napabuntong hininga siya habang dahan-dahang ibinabalik ang pabango na iyon sa tray na hawak ng kanyang butler. Matapos noon ay napahawak siya sa kanyang ulo at tila nahilo.


"Ayos lang po ba kayo master Ford?" pag-aalalang tanong ni Brigand.


"Ah...oo pasensya na. Marami lang siguro akong nainom kagabi."


"Ayos lang naman po kung hindi tayo tumuloy. Ipapa-cancel ko na lamang po ang lahat ng nasa schedule niyo at pagpapahingahin ang driver at bodyguard."


"Hindi, 'wag na Brigand. Salamat. Kailangan ko siyang dalawin dahil kung hindi...baka ako ang dalawin niya," pabirong tugon ng binata. Napangiti naman ang kanyang butler at bahagyang yumuko. Muli namang hinawakan ni Dylan ang kanyang ulo at pasaglit-saglit na nakakakita ng ilang mga imahe ng nakaraan sa kanyang isipan. Muli niyang hinawakan ang likurang parte ng kanyang ulo kung saan nakalagay ang kanyang memory gene at hinimas ito. Huminga na lamang siya ng malalim at muling tumingin kay Brigand. Kinuha niya ang blower sa mesa at ginamit iyon upang patuyuin ang hindi kahabaan na niyang buhok.


"May pamilya ka ba Brigand?" tanong ni Dylan sa matandang butler. Napangiti na lamang si Brigand habang hinahanda ang isusuot na damit ng binata.


"Wala na sila master Ford. Wala na akong kinilalang pamilya bukod sa inyong ama. Parang kapatid niya na ako kung ituring. Parang katulad ng pakikitungo niyo sa akin na parang isang ama, parang isang pamilya," kwento niya. Napangiti naman si Dylan at kinuha ang pantalon na hawak ng kanyang butler. Pumasok muna siya sa isang kwarto upang isuot ang pantalon na iyon.


"Ang ibig kong sabihin...ang 'yong ina. Ama, mga kapatid siguro? Mayroon ba?" tanong ng binata habang nakasilip mula sa pintuan ng magarbong kwarto na iyon. Napatingin naman sa kawalan si Brigand at pilit na inalala ang lahat.


"Mayroon kaming malawak na lupain sa Siquijor at sa Davao. Ang Davao sa aking ama, at ang Siquijor sa aking ina. Pagsasaka ang kinabubuhay ng aking ama sa Davao..."


"Kung tutuusin ay bidder pala ang mga magulang mo," sagot ni Dylan. Napailing naman si Brigand habang nakangiti.


"May kaya kami...pero mas pinili namin ang simpleng buhay. Hindi 'yon nagustuhan ng gobyerno at ng ilang mga negosyante. Arogante daw ang aking ama...ang aking ina naman ay pinaratangang..." hindi tinuloy ni Brigand ang pagkukwento kaya't napatingin na lamang si Dylan sa kanya.


"Aswang?" tanong niya habang nakangisi.


"Nakakatawang isipin pero...oo."


"Pambihira...sibilisado na ang buong mundo, pero naniniwala pa rin pala sila sa mga aswang," sagot ni Dylan.


"Pinaratangan siyang aswang pero...alam niyo na master Ford. Ginawa lang naman ang kwentong iyon para sirain ang reputasyon ng pamilya namin." Napakunot ng noo si Dylan habang pinapakinggan ang kanyang kausap. Sa pagkakataong iyon ay lumabas na siya ng kwarto at suot niya na ang kanyang pantalon.


"Bakit?" tanong ng binata.


"Kalahati ng isla ng Siquijor ay pagmamay-ari ng angkan ng aking ina. Gusto ng gobyerno na kunin ang kabuuan ng islang iyon dahil ang kalahati ng isla ay pagmamay-ari na ng gobyerno. Limang taong gulang din ako noon master Ford."


Kukunin na sana ni Dylan ang kanyang long sleeves ngunit napatingin muna siya kay Brigand. Nagbigay ito ng atensyon sa kanya at para bang hinihimok siya na ipagpatuloy ang kanyang kwento.


"Limang taong gulang ako ng pumanaw ang aking ina. Tinutuligsa siya ng sarili niyang mga tauhan at mga kapitbahay...kasama ang mga militar. Pilit kaming pinapaalis sa sarili naming tahanan. Gusto nilang gawing siyudad ang Siquijor, pamilya lang namin at si mama ang umaayaw sa ganoong paraan. Paano nga naman kasi ang mga kakainin ng mga taong naroroon kung ang lahat ng lupain sa Pilipinas ay tatayuan lang ng mga istraktura, pabrika, at mga kabahayan? Paano na ang mga sakahan? Hindi yun inisip ng mga tao," pagpapatuloy ni Brigand. Sa pagkakataong iyon ay sinuot na ni Dylan ang kanyang long sleeves. Tumalikod ito sa kanyang butler at inayos naman ni Brigand ang kwelyo nito.


"Isang gabi...bigla na lang kaming nakarinig ng mga sunod-sunod na putok ng baril galing sa labas. Ang mga balang iyon ay pumasok sa aming bahay, pinapasok na lamang ako ng aking ina sa loob ng kwarto pero...duguan na siya noon. Kasama niya si papa na naghihingalo na. Nagtago ako noon sa ilalim ng aming kama...pagkatapos ay nagpasukan ang mga 'di kilalang lalaki. Malalakas na putok ng baril ang sunod kong narinig. Tulala lang ako noon habang nakatitig sa aking ina at ama na bumagsak sa sahig. Tinititigan lamang nila ako noon, ngumiti lang sa akin si papa habang sumesenyas na huwag akong gumawa ng kung anong ingay. Tinakpan ko lang ang bibig ko...habang tahimik na umiiyak," wika ni Brigand. Sa pagkakataong iyon ay basag na ang kanyang boses. Inaalis niya na lamang ang bara sa kanyang lalamunan sa pamamagitan ng pag-ubo. Maya-maya pa ay kinuha niya na ang isang vest na nakasampay sa isang upuan na gawa sa bakal at mamahaling tela.


"P-pasensya na Brigand. Naitanong ko pa," sagot naman ni Dylan habang sinusuot ang isang kulay abong vest. Sinunod namang ibinigay ni Brigand sa binata ang isang itim na coat.


"Kung tutuusin ay mas mabigat pa po ang dinanas niyo sa akin master Ford. Nabuhay din naman ako sa yaman pero sa normal at masayang buhay. Agad din naman po akong kinupkop ng inyong ama-amahan kaya't hindi ko naranasan ang hirap. Pero kayo po..." hindi na naituloy ni Brigand ang kanyang sasabihin nang humarap sa kanya ang binata. Ngumiti na lamang din si Dylan at napapikit.


"Nabuhay ako sa hirap...nabuhay ako na wala ang tunay kong ama. Naranasan ko na kung paano kumain ng mga pagkain na itinatapon lang ng mga bidder sa daan.  Wala akong desisyon sa mga bagay-bagay...kung ano ang ibigay sa akin ay 'yon lang ang dapat kong tanggapin. Wala akong karapatan para pumili," wika niya. Natahimik lamang si Brigand sa kanyang sinabi. Matapos namang maisuot ang itim na coat ay agad niyang isinuot ang kanyang leather na sapatos. Makintab pa ito ngunit gumamit pa siya ng isang maliit na robot na gumagala lamang sa maliit na kwartong iyon upang lalo pang pakintabin ang kanyang sapatos. Bilugan ang robot na iyon at nakakakilos lamang ito sa pamamagitan ng gulong sa ilalim nito. Pumito lamang si Dylan at lumapit na ang robot na iyon. Inangat niya ang kanyang kanang paa at tila bumukas naman ang ibabaw na parte nito. Makikita ang apakan ng paa doon at ipinatong naman ni Dylan ang kanyang paa sa aparato. Naglabas ng brush sa gilid at taas ang robot na iyon at agad iyong umikot ng mabilis upang linisin ang kanyang sapatos. Matapos noon ay isinunod niya ang kaliwang paa habang suot ang kanyang sapatos.


Tila isang kahon naman ang inilabas ni Brigand, ipinatong niya iyon sa mesa at binuksan. Nakita naman ni Dylan ang isang aparato na inialagay sa kanyang kanang kamay. May hugis bilog na bakal ito sa bandang palad at sa itaas ng kamay at may mga kable pa na nakakabit dito. Agad iyong kinuha ni Dylan tinitigan niya muna ito ngunit matapos ang ilang segundo ay muli niya iyong ibinalik sa loob ng kahon. Napabuntong hininga na lamang siya at sinara ang kahon na iyon.


"Ayos na ba ang lahat?" tanong ng binata.


"Nakahanda na po ang heli ship master Ford," tugon ng matandang butler. Yumuko pa ito ng bahagya sa harapan ni Dylan.


"Sige, tayo na," sagot niya.

_______________________________


Sa roofdeck ng gusaling iyon ay may nag-aabang na isang heli ship. Kulay ginto ang ilang detalye ng katawan nito at puti ang iba pang parte ngunit mas nangingibabaw ang kulay itim sa lahat. Nakaabang ang dalawang lalaki na posturang-postura din sa kanilang mga tindig at kasuotan Nakasuot pa ng shades ang mga ito at kapansin-pansin na may kalakihan ang kanilang mga katawan. Sa  pintuan naman kung saan sila nakaharap ay lumabas si Brigand. Binuksan niya ang pinto para sa kanyang amo na si Dylan Ford. Ngumiti naman ang binata sa kanila. Agad namang yumuko ang dalawang lalaki na naghihintay sa kanyang pagdating. Matapos noon ay umapak na si Dylan sa platform kung saan nakailaw ang isang berdeng neon light. Nakatutok pa ang arrow nito pa-sulong. Senyales na patungo ang platform na iyon sa kanyang harapan. Agad namang umandar ang manipis na platform na iyon patungo sa dalawang lalaki. Si Brigand naman ay nakapwesto sa likuran ng binata.


"Good morning," wika ng binata.


"Good morning po sir," tugon naman ng lalaki na nakapwesto sa kanyang kaliwa.


"Kumusta ang panahon sa labas?" tanong ng binata.


"Hindi naman po ganoon kalakas ang buhos ng nyebe, makakaandar po tayo ng maayos," sagot naman ng isa pa.


"Okay...ayos yan."


Agad namang naglakad si Dylan patungo sa hatch ng heli ship. Automatic namang bumukas ang pintuan at naglabas ng hagdan ang heli ship papasok. Naunang sumakay ang binata bago ang kanyang butler. Sunod namang sumakay ang dalawang lalaki. Ang isa ay nagsilbing piloto ng sasakyan na iyon at ang isa naman ay ang kanyang co-pilot. Sa harapan naman ni Dylan nakapwesto ang matandang butler. Pinindot naman ni Dylan ang isang boton sa gilid ng bintana, umangat naman paitaas ang bakal na harang nito at ipinakita sa binata ang imahe ng lugar sa labas. Maya-maya pa ay umugong na ang engine ng heli ship na iyon. Bumukas din ang bakal na bubong sa itaas habang dahan-dahang umaangat ang heli ship. Nakita naman ng binata ang view sa itaas. Umuulan pa rin ng nyebe sa pagkakataong iyon ngunit nasisilayan ni Dylan ang araw na natatakpan lamang ng makakapal na ulap. Maya-maya pa ay muli siyang tumingin kay Brigand at ngumiti.


"Tatlong taon na rin pala ang lumipas..." wika ng binata.


"Master Ford?"


"Hindi mo siguro ako tinatawag na master Ford ngayon kung hindi dahil sa kanya."


Napabuntong hininga na lamang si Dylan habang nakapangalong baba. Muli siyang tumingin sa kanyang bintana at sinilayan ang madumi at sira-sira nang mga gusali ng malawak na siyudad sa ibaba. Napakunot na lamang ang kanyang noo at tila tinatakpan ng kanyang mga daliri ang kanyang bibig.


"Nakakadiring pagmasdan ang tanawin na 'to..." wika ng binata. Ngumiti na lamang si Brigand at tumingin sa kanya. Maya-maya pa ay napangiti na rin si Dylan.


"Hindi ako makapaniwala na naging isa ako sa kanila...isang hamak na bid." Sa pagkakataong iyon ay muling naging seryoso ang mukha niya.


"Noong bata pa ako iniisip ko na nabuhay lang ako na mahirap, itinago lang sa akin ang sarili kong yaman. Matagal ko nang alam sa sarili ko na parang may mali. Hindi ako dapat naghihirap. Iba ako sa mga pulubi na kasabay kong lumaki, iba ang gusto kong mangyari sa buhay ko...gusto kong yumaman. Gusto kong ibalik kung ano ang dapat ay sa akin," wika ng binata. Sa pagkakataong iyon at naging seryoso na rin ang mukha ng matandang butler. Tumingin ito sa bintana at nasaksihan din ang nakasusulasok na usok at mga sira-sira at nagtataasang gusali sa labas. Kasabay ng tanawin na iyon ang unti-unting pagbagsak ng makakapal na niyebe.


"Ang pangyayari pong iyon..." sagot ni Brigand.


"Dinakip ako ng mga lalaking 'yon. Ako marahil ang kabayaran sa ginawa ng aking ina...hindi ko alam kung nasaan ako, hindi ko alam kung ilang araw akong hindi kumain. Tiniis ko ang gutom at ang matinding lamig hanggang sa dumating ang araw na iyon," tugon ng binata.


______________________


October 11, 2264 - 10:30 AM - World Trade Center - 19°C 


"Bitawan nyo ako! Bitawan nyo ako!" sigaw ng batang si Dylan. Wala siyang makita dahil sa takip sa kanyang ulo. Nakatali din ang kanyang mga kamay sa likuran at hinahatak lamang siya ng dalawang lalaki sa magkabila niyang gilid. May ingay siyang naririnig. Ingay ng mga taong naghihiyawan sa malayong banda. Sa pagkakataong iyon ay lalo siyang kinabahan. Alam niya na kung nasaan siya, alam niya kung ano ang nangyayari sa lugar na iyon at alam niya ang gagawin sa kanya ng mga lalaking iyon. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib, wala siyang magawa kundi umiyak ng tahimik at labanan ang pwersa ng mga lalaking iyon. Halos maglupasay na siya sa sahig upang makawala lamang sa kamay ng mga lalaking iyon. Hindi siya nagtagumpay, wala siyang magawa noong mga panahong iyon. Nang maramdaman niya ang paglakas ng mga hiyawan ay napapikit na lamang siya.


Isang pintuan ang bumukas, matapos buksan ng mga lalaking iyon ang pinto ay agad nilang tinanggal ang itim na tela na nakabalot sa kanyang ulo. Tinadyakan siya ng isa sa mga lalaking iyon upang makapasok. Doon ay nakita niya ang ilan pang mga bata na kasing edad din niya. Takot na takot ang mga ito at tila nanghihina na din dahil sa labis na gutom. Nang makapasok at mapahiga sa sahig ay tiningnan niya ang mga lalaki. Nakangiti lamang ang mga ito sa kanya. Ang isa naman ay sumenyas pa gamit ang kanyang hinlalaki. Tinapat niya iyon sa kanyang leeg at animo'y sinasabi na iyon na ang kanyang katapusan. Napailing na lamang siya at napaiyak. Sinubukan niyang tumayo at takbuhin ang kinaroroonan ng dalawang lalaki ngunit huli na ang lahat. Naisara nila ang pinto, ang tangi na lamang niyang narinig ay ang kanilang tawanan.


"Buksan niyo 'to! Buksan niyo! 'Wag niyo akong iwan dito!" sigaw niya.


"Walang magagawa 'yang pagsigaw mo..." isang boses naman ang nagpatigil sa kanya. Isang babae ang malumanay na nakaupo sa sahig ang nakatingin ng masama sa kanya. Napansin niya ang patalim na hawak ng babaeng iyon, dahan-dahan siyang tumayo at lumapit kay Dylan. Dahil sa labis na takot ay napaupo na lamang ang binata. Pumikit na lamang siya at hinanda ang kanyang sarili sa puwedeng mangyari.


"A-anong gagawin mo sa'kin?!" wika niya. Maya-maya pa ay naramdaman niya ang pagkaputol ng tali ng kanyang mga kamay sa kanyang likuran. Muli niyang binuksan ang kanyang mga mata at nakita ang babae sa kanyang harapan. Pinuputol niya ang tali sa kanyang braso. Nang maputol ang tali na iyon ay agad siyang pumalag at lumayo. Napatingin siya sa ibang bata na naroon sa malawak at tila gawa sa bakal na kwartong iyon. Makikita sa harapan nito ang isang malaking salamin at ang ilan pang mga camera na nakakabit sa bawat sulok nito.


"Wag kang OA...kung papatayin kita, wala ding silbi...dahil mamamatay na rin naman tayong lahat dito," wika ng babaeng iyon. Hawak niya pa rin ang patalim sa kanyang kanang kamay ngunit matapos ang ilang saglit ay itinago niya iyon sa manggas ng kanyang damit. Napatingin na lamang si Dylan sa kanya, matapos noon ay tiningnan niya din ang ibang mga bata na kasing edad niya din. Nakatingin ang iba sa kanya, ang iba naman ay takot na takot at niyayakap lamang ang kanilang mga tuhod habang umiiyak. Wala namang emosyon ang iba at tila tinanggap na laman ang kanilang kapalaran.


"N-nasaan tayo?" tanong ni Dylan. Hindi naman sumagot ang batang babae na kanyang kausap. Umupo lamang ito sa kanyang harapan at niyakap din ang kanyang mga tuhod. Napalunok na lamang ng laway si Dylan at muling inusisa ang kasuluk-sulukan ng kwartong iyon. Maya-maya pa ay isang boses ang kanilang narinig. Gamit ang speaker sa paligid ng kwarto ay lumabas ang tinig ng isang babae.


"Mga bata. Bago ang lahat, kumain muna kayo ha? Para malakas at malusog kayo. Yehey!" imbis na matuwa ay tila lalong natakot pa ang mga bata na nakasalampak lamang sa sahig. Maya-maya naman ay bumaba ang parte ng kisame ng kwartong iyon. Tila isang mesa ang ibinaba sa gitna at mayroon pang mga nakapatong na pagkain dito. Sinabayan pa ng masayang tugtog na pambata ang boses na iyon na para bang hinihimok ang mga bata na kainin ang mga pagkain na nasa mesa. Sa sobrang kaba ay napalayo na lamang ang mga bata sa gitna kung saan naroroon ang mesa. Napapikit naman si Dylan at tinakpan ang kanyang tenga. Ayaw niyang marinig ang masayang tugtog na iyon. Para sa kanya, isa iyong nakakatakot na bangungot.


Maya-maya pa ay napadilat siya nang marinig ang pagtayo ng babae na kanina lamang ay kausap niya. Tumungo siya sa mesa na iyon at kinuha ang dalawang piraso ng tinapay at dalawang tasa ng sabaw. Muli namang tumingin si Dylan sa paligid, nagtaka ito dahil tanging ang batang babae lamang na iyon ang naglakas ng loob na kumuha ng pagkain samantalang ang iba ay takot na takot at umiiyak na. Ilang sandali lang ay lumapit ang babae sa pwesto ni Dylan at ibinigay ang isang tinapay at isang tasa ng sabaw.


"O kumain ka," wika ng batang babaeng iyon.


"Bakit mo 'yan kinuha? Baka may nilagay sila diyang gamot o kung ano..." tugon naman ni Dylan.


"Mga bid tayo, ibebenta tayo sa mga bidder. Tingin mo gugustuhin nilang kumuha ng katawan na na may masama nang estado?" tanong ng batang babae. Napangiwi naman si Dylan at napatitig sa kanya.


"B-bakit...bakit alam mo ang mga bagay na 'yan?" tanong ni Dylan. Tumitig naman ng matalim ang batang babae at inilapag ang tasa ng sabaw sa kanyang harapan.


"Hindi mo gugustuhin na tumakas ng gutom...tama ba?" wika ng batang babae habang nakangiti. Sa pagkakataong iyon ay alam na ni Dylan ang kanyang pinaplano. Agad niyang kinuha ang tinapay na hawak ng batang babae at kinain iyon na para bang wala nang bukas. Ilang kagat lang ng tinapay ay hihigop siya ng sabaw at nang maubos niya na ang tinapay na iyon ay siya naman ang pumunta sa mesa para kumuha pa ng marami. Sa pagkakataong iyon ay binigyan niya rin ang iba pang mga bata. Noong una ay nag-aalangan pa ang mga ito ngunit kalaunan ay kinuha din nila ang pagkain na kanyang ibinibigay.


"Kumain kayo bilis! Kailangan niyong lumakas!" wika ni Dylan. Hindi siya magkanda-ugaga sa pamimigay ng mga pagkain na iyon, pinapanood naman siya ng batang babae na kanina lamang ay kanyang kausap. Nakangiti ito sa kanya ngunit matalim ang kanyang pagkakatitig. Napatingin naman si Dylan sa kanya at inaabot mula sa malayo ang iba pang pagkain na hindi niya na kayang bitbitin. Tumayo naman ang babaeng iyon ay nilapitan siya.


"Bakit mo ginagawa yan?" tanong niya.


"Akala ko ba gusto mong umalis dito?" sagot naman ni Dylan.


"Oo...gusto ko. Pero...'wag mo sabihin sa akin na isasama mo sila lahat?" Napatingin naman si Dylan sa kanyang mga mata. Tila naguluhan siya sa sinabi ng batang babae.


"Kung tatakas tayong dalawa dito, hindi natin kakayanin...bata lang tayo. Kaya kailangan natin sila!" wika ni Dylan. Ngumiti pa ito ngunit matapos ng ngiting iyon ay isang sampal ang ibinigay ng kanyang kausap. Napahiga na lamang siya sa sahig at naglaglagan naman ang mga pagkain na dala niya. Nagkabasag-basag pa ang mga mangkok at tumapon din sa sahig. Napahawak na lamang si Dylan sa kanyang pisngi habang tinititigan ng masama ang batang babae.


"Hindi ka mabubuhay kung iisipin mo ang iba. Isipin mo ang sarili mo! Gusto mong mabuhay? Gawin mo...mabuhay ka...mabuhay ka na wala sila!" Sa pagkakataon iyon ay muling anbuksan ang isipan ni Dylan. Muli niyang naisip ang mga taong nawala sa buhay niya. Ang kanyang tito at ang kanyang ina.


Muli niyang nakita ang kanyang ina. Nakatingin ito sa kanya habang tumutulo ang dugo mula sa kanyang noo. Naglalaglagan pa ang mga barya sa kanyang paligid at naririnig niya ang pagkalansing ng mga ito. Ipinikit niya na lamang ang kanyang mga mata at sa pagdilat ay nakita niyang muli ang mga batang iyon. Ang lahat ay nakatingin sa kanya. Umaasa sa tulong na magagawa niya.


"Hindi...hindi ako gano'n. Hindi natin sila puwedeng iwan!" wika ng binata. Tumalikod naman ang batang babae na kanyang kausap at naglakad ngunit bago siya lumayo ay muli siyang tumingin kay Dylan habang nakatalikod. Nakikita lamang ni Dylan ang kanyang mga mata na nanlilisik sa galit.


"Bahala ka. Wala akong kasalanan kapag namatay ang mga 'yan. Gawin mo kung ano ang gusto mo," wika niya. Muli namang tumayo si Dylan at tinapangan ang kanyang mukha. Kinuha niyang muli ang mga pagkain na iyon sa sahig at inilapag sa mesa. Kumuha siya ng panibago at inabot sa mga bata na takot na takot na lumapit sa mga pagkain na iyon. Karamihan naman sa mga batang iyon ay kinakain na ang ibinigay ni Dylan. Tila alam na rin nila kung ano ang kanyang binabalak. Patuloy naman ang masayang tugtog sa buong kwarto na nagiging bangungot para sa mga batang iyon. Hindi na lamang nila pinansin ang tugtog at itinuon ang kanilang pansin sa pagkain. Ang batang babae naman ay nakatitig lamang kay Dylan habang kinakain ang kanyang tinapay.


"Sige...kumain kayo. Kailangan natin yan. Aalis tayo dito!" bulong ni Dylan sa kanila.


Lingid sa kanilang kaalaman na napapanood ng ilang mga bidder at may katungkulan sa gobyerno ang lahat dahil sa malaking salamin na nasa harapan ng kwartong iyon. Nakikita nila ang ginagawa ni Dylan, ang pagpapakain niya sa mga kapwa niya musmos at ang pagpapalakas niya ng loob sa mga ito.


"Sino ang batang 'yan?" tanong ng isang matandang lalaki. Nakasuot pa ito ng kulay abuhing coat habang hawak ang kanyang tungkod na kulay ginto. Nakapatong din sa kanyang ulo ang isang itim na sombrero. Sa likod naman niya ay nakatayo ang kanyang butler. May katangkaran ito at posturang-postura sa kanyang suot na vest. Nagsimula naman ang mga bulung-bulungan ng mga bidder at ang pagtataka sa nangyayari sa loob. Napapangiti pa ang iba sa kanila. Ang iba naman ay naiinis sa ginagawa ng batang si Dylan.


"Sa ngayon po ay kinakalap pa ng black market organizers ang pagkakakilanlan nilang lahat," wika naman ng alalay ng matandang lalaki.


"Kailangan ko ang batang 'yan. Kailangan ko siya...Brigand," wika ng matandang lalaki. Matalim ang pagkakatitig niya mula sa loob ng salamin na iyon. Sa kung anong dahilan ay napatingin din si Dylan sa salamin. Nakikita niya ang repleksyon ng kapwa niya mga bata ngunit tila iba ang kanyang naramdaman.


"Masusunod po," tugon naman ng butler ng matandang lalaki. Napahawak naman ang matanda sa kanyang ginintuang tungkod gamit ang dalawa niyang kamay.

Continue Reading

You'll Also Like

5.4M 208K 56
Kia likes Leonardo Saavedra, but she is stuck with the dead body of his younger brother, Dipen, who died in an incident that involves her. Is she rea...
106M 2.1M 50
Marriage is normally one's happily ever after in the movies, but for Aemie Ferrer-Roswell, it's just the start of a seemingly unending adventure. Can...
55.7M 1.7M 53
Having enhanced senses cannot help one earn a living. A useless special ability--or at least, that's what Shia Sheridan believes. But when she is cau...
6.4M 350K 26
[PUBLISHED under LIB] #2. "If liking you is a crime then why don't you convict me, attorney?"