"Bakit?" Hinaplos niya ang buhok ko. "Nasaktan ka ba?"

"'Yan!" hirit pa ni nanay. "D'yan ka magaling! Sa mga paawa epek mo!"

"Magtigil ka nga," kunot-noong saway ni tatay. "'Wag mong pagsabihan ng ganiyan ang anak mo."

Sumiksik ako kay tatay. Napansin ko ang biglaang pagsimangot ng kapatid ko. Ayaw na ayaw niya talaga na kumakampi sa akin si tatay.

"Anak?" Muling natawa si nanay. "Hindi ko 'yan anak!"

Pinanlakihan siya ng mata ni tatay. "Manahimik ka."

"Bakit? Totoo naman ah?" Ngumiti siya sa akin. "Hindi kita anak. Sampid ka lang sa pamilyang 'to."

Tila huminto ang mundo ko nang marinig 'yon at ang kirot sa aking dibdib ay pinapatay ang kalooban ko.

"'Tay," nanginginig na sambit ko sabay yugyog sa kaniya. "Hindi naman po totoo 'yon, 'di ba?"

Imbes na sumagot ay umiwas siya ng tingin habang ang kapatid ko ay nakangisi na sa tagumpay.

"Ampon ka lang." Pinakadiin pa 'yon ni nanay. "Hindi ka namin kadugo. Napulot ka lang namin sa tabi ng kalsada."

"Naawa sa 'yo si tatay," nakangiwing sabi ng kapatid ko. "Kaya kinuha ka niya at dinala rito."

"Hindi ko naman akalain na ang ampon na katulad mo ay siya pang sisira sa pamilya ko."

"Hindi ko po kayo sinira." Naikuyom ko ang kamao. "Kayo ang sumira sa buhay niyo."

"Bastos ka ah?!" Akma pa niya akong babatuhin ng tsinelas ngunit humarang na si tatay.

"Tama na 'yan! Pumasok kayo sa loob!"

Kahit gaano katapang sina nanay at kapatid, tumitiklop din siya kay tatay. Lalo na kapag seryoso na ang pagiging galit nito. Parehas pa nila akong sinamaan ng tingin bago bumalik sa bahay.

Tumalikod ako at lumuluhang naupo sa kahoy na papag. Ramdam ko ang simoy ng malamig na hangin. Magpapasko na ngunit ang natanggap kong regalo ay ang katotohanan sa aking pagkatao.

"Lyric, anak..." Tumabi sa akin si tatay at inakbayan ako. "Tahan na. Pagpasensyahan mo na sila."

"Bakit hindi niyo po sinabi sa akin?"

"Maliit ka pa noon. Hindi mo pa maiintindihan."

"Ngayong malaki na ko, wala pa rin kayong balak sabihin sa akin?"

"Meron naman pero humahanap lang ako ng tamang pagkakataon." Bumuntong-hininga siya. "Patawad, anak."

"Naiintindihan ko po," tugon ko kahit na libo-libong karayom pa rin ang tumutusok sa dibdib ko. "Hindi niyo po ba alam kung sino ang mga magulang ko?"

"Pasensya na, anak pero hindi eh. Naghanap ako dati ngunit wala talaga akong mapag-alaman."

"Salamat pa rin po dahil kinupkop niyo ako, pinakain at binihisan. Tinuring niyo po akong pamilya kahit na hindi niyo ako kadugo."

"Hindi kailangan magkadugo para maging kapamilya."

Ngumiti ako. "Maraming salamat po."

Saktong pagtila ng ulan ay narinig kong bumukas ang pinto. Pumasok si nanay at hinagis sa aking dalawang bag. Napabalikwas ako ng bangon at nagtataka itong pinagmasdan.

Black Spades vs. Deltaحيث تعيش القصص. اكتشف الآن