Samantalang napaiwas na lamang ng tingin si Kalesi. Nakikita niya ang puntong ibinigay ng binata ngunit: 'Ayoko. Hindi— Pero— Hindi. Hindi. Ayoko. 'Wag mong aaminin.' pakikipagtalo nito sa sariling isip.

"Paano ang plano? Ang samahan?" Sa dinagdag pa ni Kiandro, tila ba mayroong nabunsod na kung anuman sa looban ng dalaga, hindi na niya napigilan pang sumagot sa binata. 

"Ano naman?" Wala pa rin itong bahid ng pagsisisi na makikita sa tono nito. Isang malamig na tingin ang kaniyang ibinigay sa ginoong minsan nitong binigyan ng napakatamis nitong ngiti. 

"Iyon na lang ba ang ginagampanan ko? Paano... paano ako?" Sa huling pangungusap ng dalaga, bumagsak ang balikat ng binata. Naitanong niya ang sarili: 'Mayroon bang lihim na intensyon si Kalesi? Kung kaya niya nagawa ang desisyong sumama pa-Maynila?' 

"Kalesi? Milandrino!" sigaw ni Marcelino ang umalingawngaw sa pasilyo ng mansyon. Mabilis na lumapit sa kanila ang binatang heneral, pinakawalan si Kalesi mula sa kapit ni Milandrino saka inilipat sa likod nito bilang proteksyon. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, Milandrino? Isa nang kapusukan ang pagiging mag-isa ninyong dalawa, nagawa mo pang hawakan si Kalesi? Hindi ka ba nag-iisip?"

Mabilis ang pangyayari, hindi na nakapagbigay ng reaksyon pa si Kiandro 'pagkat hindi pa nito napoproseso ang tingin na binigay ng dalaga sa kaniya sa kauna-unahang pagkakataon. Isang desperadong tingin mula sa isang binibining iniibig.

"Binibining Kalesi?" 

Bumalik sa ulirat si Kalesi matapos manumbalik sa nangyari noong gabing iyon kung saan magmula'y hindi na nagkaroon pa ng bagong usapan sa pagitan nila ng bunsong Anastasia. Ngayon ay lilisan na siya patungo sa hindi pamilyar na sambayanan dahil lang sa alibugha nitong pagdedesisyon.

"Kalesi?" Dumako ang tingin nito kay Marcelino. Nagkita ito ng ngiti. "Makakasama natin si ama. Ihahatid niya tayo sa porte." Lumipat naman ang tingin nito sa Don Luis na nakatayo pala sa tabi ng binata. Nagpaskil ito ng hiyang ngiti, tila nagdadalawang-isip pang batiin ang Don dahil baka hindi pa nito . Ngunit hindi pa nito tuluyang nababati ay tinalikuran na siya kaagad nito. 

'Galit pa rin siya.'

Tinanggap na nito ang alay na kamay ng isa sa mga guardia civil bilang alalay paakyat ng kalesa ngunit bahagyang napatigil nang marinig ang pamilyar na pangalan.

"May balita na ba kay Kapitan Floresco?"

"Wala pa ho kaming natatanggap mula pa kagabi,"

Hindi na narinig pa ang mga susunod na sinabi ng dalawa 'pagkat nakapasok na ang dalaga sa loob ng kalesa ngunit malinaw ang paksa nito.
'Nawawala si Nikong?'

Noong isang araw lamang ay nasa loob pa siya ng hacienda kahit na hindi na rin sila nagkaroon ng kahit anupang interaksyon dahil na rin sa pag-iwas sa kaniya ng binata noong ianunsyo nito ang desisyon niyang sumama pa-Maynila kasama ang isang Anastasia. Marahil ay may sama ng loob ang kababata niya sa kaniya. 'Nagsumbong ba siya sa kampo?'

"Abante!"

"Tabi!"

"Indio, indio! llega ahi! Rapido! Rapido!"

Napabangon sa pagkakasandal ang dalaga nang tila nanlabo ang mga ingay na likha ng paligid; mga sumisigaw na mga guardia civil at mahihinang daing ng mga kargador. Isang matinis na tunog ang sandaling nagpangiwi dito ngunit parang siya lamang nakakarinig nito sapagkat tuloy pa rin sa pagtatrabaho ang mga nasa paligid ng kalesa. 

Bumalik na lamang sa dati ang kaniyang pandinig nang maramdaman ang pagsakay ng binata sa kalesa. Sumalubong sa kaniya ang matamis nitong ngiti na pilit nalang niyang sinuklian. nang maitago ang pag-aalala nito.

PrequelaWhere stories live. Discover now