IV

14 3 0
                                    

Hinabol pa ni Kalesi ang binatang heneral na padabog at mayroong tahimik na awra ang bumabalot habang papasok ng mansyon. Halos magkanda-dapa-dapa na ang binibini dahil sa haba ng sayang kaniyang suot na pilit niyang itinataas upang makapaglakad ng maayos.

"Señorito, maaari ba kitang makausap? Nais ko lamang humingi ng tawad sa aking inasta kanina-" natigil ito sa pagsasalita nang biglaang humarap ang binatang heneral sa kaniya. Kinailangan pa nitong tumigil dahil dire-diretso itong naglalalakad papasok at kung hindi siya tumigil ay maaaring sumubsob pa ito sa dibdib ng señorito.

Napaiwas ito ng tingin nang magtama ang mata nito sa nakakunot noong ginoo. "Hindi ba't sinabi kong huwag mo na akong tawaging 'señorito'? Magkasintahan tayo sa mata ng iba, at kailangan nating ipanatili iyon." masungit nitong saad sa binibini. Hindi pa rin ito makatingin sa ginoo dahil sa nakakaintimidang awra nito.

"Sino ito?" Isang malalim at maawtoridad na boses ang nagpapintig sa tainga ng dalaga. Humarap ito sa kaniyang likod at doon namataan ang isang makisig na ginoo, si Don Luis.

Sa paanan nito ay isang maleta na agad namang inasikaso ng mga tagapagsilbi. Galing itong Europa ng ilang araw para sa libing ng kaniyang pinakamamahal na asawa. Ito ay dahil rin s kagustuhan ni Doña Mariana na doon mailibing.

Sa gulat ay yumuko rito ang binibini na siyang tinititigang mariin ng Don. Kahit bilang isang mandirigma, hindi pa rin maaalis ang pagkababae sa kaniyang sistema. At tulad ng ibang babaeng makakasalamuha ng Don na gobernadorcillo ng lalawigan, naiintimida ito sa presensya at tingin ng pinunong kinikilalang malupit at masungit na siyang pinagmanahan ni Marcelino.

Nakita niya ang isang pares ng balat na sapatos na tumigil sa kaniyang harap kung kaya't nagdalawang-isip pa ito kung tatayo pa ba ito ng tuwid mula sa pagkakayuko upang humarap sa Don. Ngunit bago pa man siya makakilos ay hinila na ito ni Marcelino sa kaniyang likod at ito ang humarap sa kaniyang ama.

"Sino ang babaeng iyan? At bakit suot niya ang saya ng iyong ina?" Diretso lamang itong nakatitig sa ama. "Esraela, igaya mo muna si Kalesi sa kaniyang kwarto. Mag-uusap lamang kami ng ama." Agad namang tumugon at lumapit ang dalagitang nakatayo sa isang gilid ng silid. Iginaya nito si Kalesi paaakyat ng kahoy na hagdan ng mansyon. Wala na itong nagawa kundi sumunod sa tagapagsilbi ngunit hindi pa rin nito mapigilang lumingon pabalik sa mag-amang matalim na nagtititigan.

Kasama si Esraela sa loob ng silid, nagsalita ito na ikinalingon ni Kalesi. "Mabuti pa ho'y huwag muna kayong lumabas hangga't walang panuntunang ibinibigay ang señorito." Hindi maapigilan ni Kalesi ang paglalaro sa sarili nitong daliri na siyang ginagawa niya sa tuwing binabalot ito ng kaba. Kaba dahil kung magalit ang Don at mapilitang palayasin ito sa kanilang hacienda, siguradong sasablay ang plano.

"Esraela, maaari ko bang mapakinggan lamang ang kanilang usapan?" pagmamakaawa nito sa tagapagsilbi na siyang ikinagulat nito. Hindi niya aakalaing magiging mapagpakumbaba ang binibini sa kabila ng itsura nitong mestiza at magmakaawa. "H-Hindi po maaari, binibini. Ipinaakyat ho kayo ng señorito sapagkat hindi niya nais marinig ninyo ang kanilang pag-uusapan ng Don, at bilang tagapagsilbi ng hacienda ay nararapat hong sundin ko ang utos ng señorito. Pasensya na po." Nadismaya naman ang mukha nito sa itinugon ng dalagita. Parehas silang napitlag nang makarinig ng bagay na nabasag mula sa unang palapag. Hinawakan ni Kalesi ang kamay ng dalagita na lalong ikinalaki ng mata nito.

"Sige na, Esraela. Nais ko lamang makitang ayos lamang ang kalagayan ni Marcelino. Ilagay mo ang iyong sarili sa aking posisyon, siguradong hindi mo nanaising masaktan ang taong pinapahalagan mo, hindi ba?" Sa pagkakataong iyon ay napabuntong-hininga na lamang ang dalagitang tagapagsilbi at iginaya si Kalesi palabas ng silid. Nagtago sila sa gilid ng pader sa tabi ng hagdan. Mula roon ay kitang-kita ang salas kung saan matatagpuang si Marcelino at si Don Luis. Nakatayong tuwid lamang si Marcelino sa harap ng amang nagwawala. May ilang bubog ng basag na plorera sa paanan nito. Pansin din nito ang kamaong nakabilog at hindi maitatagong luha ng binatang heneral.

PrequelaWhere stories live. Discover now