Chapter 3

279 20 0
                                    




Tatlo ang kuwarto sa upper suite.

Pinakamalaki ang master's bedroom.

Puti ang pintura ng dingding maliban na lang sa kusina na light brown.

Slate gray ang hardwood na sahig hindi tulad sa basement na carpeted.

Magkatapat ang kusina at ang dining area kaya ilang hakbang lang ay nasa hapag kainan na.

Malawak ang living room at may malaking glass window sa tapat ng kalsada.

Ang laki ng pagkakaiba kumpara sa basement dahil natural light ang liwanag.

Mas nakita ko ang laki ng upper suite ng inalis na ang mga gamit nina Jackie.

Lumuwag dahil hindi nagsisiksikan ang naglalakihan nilang mga gamit.

Dati kasi, halos wala ng paglagyan ang mga furniture nila.

Bago umalis sina Jackie, nagpadespidida party muna.

Doon ko nakilala ang boyfriend ni Maricar na si Ely.

Tahimik lang siya.

Todo naman sa pag-aasikaso sa kanya si Maricar.

Ito ang kumuha ng pagkain ni Ely at pinagbuksan pa ng beer.

Nalaman namin ni Nel na sila ang lilipat sa basement.

Nakahanap ng trabaho sa isang restaurant sa downtown si Ely.

Pero ang kuwento ni Jackie kay Nel, kinumbinsi ni Maricar na sa Calgary na tumira si Ely para magkasama na silang dalawa.

Nag-away pa nga daw dahil ayaw lumipat ni Ely.

Nasa Edmonton kasi ang mga kaibigan nito.

Kailangan pa daw papiliin ni Maricar si Ely kung sino ang mahalaga dito.

"Are they always this dramatic?" Tanong ko habang nagi-empake kami ng mga gamit.

"Medyo." Sagot ni Nel habang tinatanggal ang mga damit niya sa pagkakahanger.

"Sabi ni Jackie, ganyan na daw sila kahit noong nasa Pinas sila."

Sa araw ng paglipat nina Jackie, naghire sila ng moving truck.

Ang tatay niya ang nagmaneho.

Tinulungan namin sila na isakay ang mga kahon at ang mga magagaang gamit.

Bago sila umalis, nagtulong ang tatay at kapatid ni Jackie para iakyat ang sofa, kama at lamesa.

Nagyakapan sina Jackie at Nel.

Ang habilin ng nanay niya sa amin, huwag mahiyang tumawag kung kailangan namin ng tulong.

Pamilya na daw ang turing nila sa amin.

Inabot kami ng tanghali sa paglilipat ng sarili naming gamit.

Kahit sa basement lang kami galing, natagalan pa din dahil sa dami ng mga kahon na naglalaman ng damit at sapatos ni Nel.

Ang gamit ko, dalawang maleta lang.

Iyon lang naman ang dala ko ng pumunta dito sa Canada.

Nang maiakyat na namin lahat ng gamit, parang nahihiya si Nel sa akin.

Hindi niya daw akalain na ang dami niya palang damit at sapatos.

Noong nagi-empake pa lang kami, tinanong ko siya kung bakit ang dumami ng ganito ang mga gamit niya.

Sa sapatos pa lang, umabot din sa sampung medium boxes.

Ang nakakatawa, tatlong pares lang winter boots.

Karamihan ay rubber shoes at mga boots na pamporma.

Ang sabi niya, nagsasawa daw kasi siya.

Kapag sahod, ugali niya ang pumunta sa mall para mag-shopping.

Bigla ko na lang nasabi na ngayong magkasama na kami, hindi na puwede ang ganito.

Natarayan yata siya sa tono ko kasi namula ang pisngi tapos nagsorry.

"Nel, nanghihinayang lang kasi ako sa pera. Tingnan mo 'to." Tinaas ko ang isang pulang polo shirt, "mukhang bago pa pero nasa pinakalikod na ng closet nakahanger."

Lalo siyang natameme.

Mula ng dumating ako at magsama na kami, meron akong mga napapansin.

Tulad na lang sa pagkain.

Kapag nakadalawang-araw na ang leftovers, umaangal na siya.

Sawa na daw siya sa pagkain namin.

Baka puwedeng iba naman ang iulam.

Ang ginawa ko, dahil nasa bahay lang naman ako, binawasan ko ang niluluto.

Kahit matrabaho, araw-araw akong naghahanda ng kakainin namin kesa naman ako lang mag-isa ang umuubos ng mga natira.

Hinay-hinay lang ako sa pagsesermon sa kanya.

Matampuhin kasi ito siya.

May ugali na kapag masama ang loob, bigla na lang hindi kikibo.

Isa pa, siya ang nagpapakain sa akin.

Baka mamaya bigla akong sumbatan kapag narindi sa mga sermon ko.

Habang inaayos namin ang mga gamit sa bago naming tirahan, pasipol-sipol si Nel.

Wala siyang tigil sa pagpaplano kung ano ang mga gamit na puwede naming bilhin para gumanda ang bahay namin.

Ang sabi pa niya, ang gaan ng pakiramdam niya dahil nakaalis na din siya sa kuweba.

Ang tagal na daw kasi niyang nakatira sa basement.

Nasanay na siya na hindi nakikita ang sikat ng araw maliban na lang kung papasok siya sa trabaho o di kaya ay kung lalabas para mag-grocery.

"Bakit hindi mo naisip lumipat dati?" Tanong ko habang nilalagay sa cabinet ang mga kubyertos.

"Mabait kasi sina Jackie sa akin. Kapag wala akong pagkain, sa kanila ako kumakain. Minsan, dinadalhan nila ako ng ulam."

"Pamilya na talaga ang turing nila sa'yo ano?"

"Oo. Mahirap makahanap ng mga ganoong klaseng tao kaya dito na ako nag-stay."

Bandang ala-una ng hapon na kami nakakain ng pananghalian.

Dahil sa hindi kami naggrocery bago lumipat, nag-order na lang si Nel ng pizza delivery.

Nilagyan ko ng malaking slice ng Hawaiian pizza ang plato niya at pinagsalin ko din siya ng Coke sa baso na may yelo.

Nagulat na lang ako ng bigla niya akong niyakap sa bewang at pinatong ang ulo sa bandang tiyan ko.

"Okay ka lang, babe?" Nilapag ko ang bote ng Coke sa table.

"Masaya lang ako." Nag-angat siya ng tingin.

"Bakit naman?"

"Kasi, feeling ko, unti-unti ng nagkakaroon ng magagandang pagbabago sa buhay ko." Ngumiti siya.

"Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko, Lise."

Hinalikan ko siya sa noo tapos sinapo ang magkabilang pisngi.

"Umpisa pa lang 'to, Nel. Kapag nagtrabaho na ako, mas magiging maalwan ang buhay natin."

6ix Days Book TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon