"Anong ipinunta mo rito? Upo ka, kain tayo." anyaya pa ni Kiandro pero magalang na tumanggi si Catalina at ibinida ang kaniyang dalang tampipi rito. "Nabuburyo na kasi ako sa hacienda kaya, naisipan kong yayain kang kumain sa hardin namin. Kung iyon ay hindi makakagambala sa iyo. Naiintindihan ko naman kung may mga gagawin ka." ngiting matamis nito ang kaniyang pinasilay.

"Wala naman rin akong gagawin ngayon. Maaari naman kitang pagbigyan sa iyong kagustuhan. Bigyan mo ako ng ilang minuto para maghanda." saka nagpatuloy na palabas at paakyat sa ikalawang palapag, iniiwan doon ang dalawang binibini at si Esraela. Kalauna'y padabog na tumayo si Kalesi mula sa kaniyang kinauupuan upang ipahatid ang kaniyang inis sa binibning Diaz. Nakarating naman kaagad sa dalaga ang inis ng tinatawag nitong 'Indio' ngunit inirapan niya lang itong patago habang sinusundan ito ng tingin patungong kusina. Sinundan pa ito ng pansin niyang laging nakabuntot sa kaniyang tagapagsilbi.

Hindi nagtagal ay nakababa na ang binata at iginaya na paakyat ng kalesa ng mga Diaz si Catalina habang si Kalesi'y hindi na mabilang ang beses na umirap ito sa pagbabago ng ugali sa harap ng bunsong Anastasia. 'Hindi niya ata alam na may kababata si Kiandrong pinangakuan niya.' ngisi nito sa sarili hanggang sa napatigil ito sa sariling kaisipan niya. 'Hindi niya ba sinabi sa kanila na may pinangakuan siyang munting binibini noon? O nakalimutan niya rin kaya mayroon itong kasal?'

Nagpakawala ito ng inis na hininga bago ibinalik muli ang tingin sa papalayong kalesa ng mga Diaz. "Binibini? Ayos lang po ba kayo?" tanong ni Esraela nang marinig ang pagbuga ng hininga ng binibini. Hindi ito tinugon ng dalaga at nagpatuloy lang papasok ng hacienda na may bahid ng inis sa mga yapak nito.

***

"Heneral!" saludo ni kapitan Vicente sa binatang heneral pagkababa na pagkababa sa kabayo nito sa tapat ng Malacañan kung saan naghihintay ang hukbong naiwan ni Marcelino sa Maynila maging siya mismo. Ibinalik sa kaniya ng binatag heneral ang saludo, hudyat ng pagsisimula nitong maglahad.

"Hindi niyo naman masyadong pinahirapan?" tanong nito nang makapasok ang pinakahuling kabayo ng pangkat. Naglalakad kasabay nito ang nag-iisang presong hapong-hapo na sa higit isang araw na paglalakbay patungong Maynila. Napaluhod na lamang ito nang tumigil at hindi mapigilang mapahilata sa maruming lupa ng hacienda. "Hindi naman ho." ngisi ni kapitan Vicente sa binatang heneral na walang halong katotoohanan.

"Mababalik din ang lakas niyan sa kaunting pahinga lang, heneral. Ngunit... sigurado ho ba kayong siya ang kailangan niyo sa harap ng gobernador-heneral? Wala kaming nakuhang kahit anong impormasyon sa kaniya noon." bulong nito sa binatang heneral nito na hindi kaagad sumagot at sandali pang sinuri ang kalagayan ng presong pinipilit tumayo ng mga guardia civil. "Titingnan natin kung magsasalita siya ngayon, Vicente. Pagpahingahin niyo muna siya ng ilang oras, magbibigay ako ng hudyat kung kailan ko siya kailangan." saka tuluyang tinalikuran ang mga ito at pumasok sa Malacañan.

Sinundan lamang siya ng tingin ni kapitan Vicente, hindi namamalayang lumapit na sa kaniya ang isa sa mga guardia civil na sakop nito. "Nasabi mo na ba sa binatang heneral na may nakalapit sa preso?" inosenteng tanong nito sa kaniyang kapitan na noong una'y wala pang muwang sa sinaad nito. Nung pumasok nang tuluyan sa isip ni Vicente ang tanong ng guardia, tinakpan nito ang kaniyang bibig saka lumingon-lingon sa paligid. 

"Huwag kang maingay!" bulong na banta nito saka binatukan sa putong napahawak ang guardia sa parte na dinapua ng palad ng kapitan nito. "Bobo ka ba?! Hindi maaaring malaman 'yon ng heneral! Alam mo naman ang ugali niyan! Gusto mo bang mapahirapan bago mamatay? Ilang beses na tayong pinagbibigyan niyan, at sigurado akong sa oras na malaman niyang pumalpak na naman ang seguridad natin, papatayin na tayo niyan!" pananakot nito saka muli pang binatukan ang guardia civil na nagtanong. "Kaya burahin mo na 'yun sa utak mo!"

PrequelaWhere stories live. Discover now