Nitong nagdaang mga buwan dahil kasagsagan ng pandemya, ang pagtawid mula Leyte papuntang Samar ay 'di na kasingdali. Noong marso nga ay bawal talaga. Pero bilang tagahatid ng produktong gamot at pagkain ay nagagawa naming pumaroo't parito sa dalawang kaislahan, medyo mahigpit nga lang.
"Lisensya. Travel Pass. Medical certificate n'yo," kutkot sa amin ng sundalong bantay ng checkpoint.
Pagkatapos inspeksyunin ang mga dokumento namin at silipin ang laman ng aming truck ay pinayagan na kaming dumaan sa San Juanico bridge. Pagdating sa dulo ng tulay ay mayroong isa pang checkpoint. Bantay-sarado.
Para kaming pumasok sa isang lugar na bagama't ilang beses na naming napuntahan ay nananatiling 'di pamilyar.
Dumaan kami sa unang sitio ng Samar, kalat-kalat ang mga bahay na yari sa kahoy at pawid, napapalibutan ng mayabong at napakaraming puno ng niyog.
"Pansinin mo ang mga lubi," pagtutukoy ng drayber na si Kuya Erning sa mga niyog. Unang beses n'yang magkwento sa akin tungkol do'n.
"Ano'ng meron?" tanong ko.
Kinukutuban na akong kwentong pananakot na naman 'yon.
"Pansinin mo lang, 'di ba't mas matatangkad ang mga niyog dito kaysa doon sa atin?"
"Baka ibang variety lang," mabilis na pagpuputol ko sana sa usapan.
"May mga kwentong-bayan dito na minsan ay gumagalaw kusa ang mga niyog at lumilipat ng pwesto," seryosong kwento ni Kuya Erning.
"Ano ba namang kalokohan 'yan, kuya!" sabat ko.
"Hindi ako nagbibiro. May mga nilalang o kampon na nagbabalat-kayo bilang mga niyog."
Muntik na akong matawa dahil puro lang naman kalokohan sinsasabi ni kuya.
"Tulad ng mga Yawa," seryoso n'yang dugtong.
Natahimik ako bigla. Kilala ang terminong "Yawa" bilang isang uri ng mura. Madalas gamitin nang walang pakundangan ng mga taong 'di alam kung saan hinuha ang salitang 'yon. Pero para sa taong lumaki sa liblib na lugar o "huron" ng Leyte at Samar tulad namin ni Kuya Erning, may kaakibat na gimbal ang salitang 'yon.
Ang mga Yawa ay nilalang na maihahalintulad sa mga demonyo. Sila ang tagaimpluwensya sa mga tao upang gumawa ng masama. Pilyo, mapaglaro, at walang habag— ganyan madalas ilarawan ang ugali ng mga ito. Nagdudulot sila ng malubhang karamdaman sa mga tao kahit na walang dahilan basta matipuhan lang nila. Sa pisikal na anyo, matatayog ito at napakanipis— parang buto't balat nga ayon sa mga kwento. Mahaba ang buhok at buhaghag na sumasabog sa iba-ibang direksyon.
At ano ang pinakamalapit na kapareho ng deskripsyon na 'yon?
Niyog.
Sa mata raw ng mga 'normal' na tao, kawangis lang ng niyog ang nagbabalat-kayong mga Yawa. Kaya't kung 'di maingat, maaaring magambala ang mga ito.
"Madali lang naman malaman kung ang niyog ay niyog o kung hindi," dugtong ni Kuya Erning dahil hindi na ako nakasagot. "Kapag ang niyog ay mukhang malusog, pero walang 'tangga'".
'Tangga' ang tawag sa mga taga sa palibot ng niyog, mula sa ibaba papunta sa pinakataas. Tinatagaan ang puno para gawing apakan ng mga mananggite at mapitas ang mga bunga. Napatango ako. Oo nga naman.
Nang biglang may kumalabog sa ibabaw ng sasakyan namin. Kapwa kami nagulat.
"Shh. H'wag mong pansinin. H'wag pahalata," babala ni Kuya Erning.
Pasimple kaming sumilip sa side mirror at nakita namin ang pagkahulog ng mga niyog sa daan. Ilan doon ang tumama sa amin.
"Pinaglalaruan tayo," mahinang bulong n'ya.
Kumakagat na pala ang dilim, ang oras kung kailan mas aktibong 'makipaglaro' ang mga ito. Nababalot na ng dilim ang paligid at paminsan-minsan ay napapansin kong parang dumuduyan ang iba sa mga niyog.
