Napaisip siya bigla. "Pwede rin. Sa sala ako. Bili na rin tayo ng beer. Tuturuan kitang uminom dahil Sabado naman bukas."

"Ikaw ang bahala. Pero isang baso lang ang iinumin ko, ha."

"Ay, ang lamya, day!" reklamo niya.

Mahina akong natawa.

Kinagabihan, matapos maghapunan ay nag-inuman nga kami sa sala ng kaibigan ko. Kaagad kong napuna na balak talaga ng kaibigan kong maglasing.

"Cheers to the love that we can't have..." nag-angat na si Raffa ng kanyang baso ng beer. Ginaya ko na rin siya.

Sumimsim ako sa baso at agad na napangiwi sa pait nito. Natawa naman ang kaibigan ko.

"Broken hearted ka ba?" Inilapag ko na ang baso sa center table habang tinitingnan siya.

Malungkot siyang bumuntonghininga.

"Nakakaimbiyerna naman kasi. Motor lang ang kaya kong bilhin, eh gusto niya yata kotse. Wala nga ako no'n..."

"Jowa mo?"

"Hindi, day. Baboy ko. Gustong magpabili ng kotse!" panunuya niya.

Humagikgik ako at pinagmasdan ang mahaba na niyang buhok na hanggang dibdib na. Nagtalo pa sila ni Nanay Lolit dahil dito.

Nilagok niya ang beer at nagsalin ulit.

"Grabe si Gov ngayon 'no? Umaarangkada na talaga kahit bago pa lang siyang naging active ulit sa pangangampanya.  Ang galing din niya sa senatorial debate."

Tulala ako na napatango at muling sumimsim sa baso ng beer.

"Hindi ka na ba talaga niya kinontak?"

"Hindi na. At saka sigurado akong galit 'yon sa'kin dahil sa ginawa ko."

"Pero wala naman talagang nangyari sa inyo ni Fafa Ben. Palabas lang lahat 'yon."

Muli akong napatingin sa kanya.

"Hindi naman alam ni Caleb 'yon. Ang alam lang niya, niloko ko siya at ipinagpalit kay Ben. Ginusto ko naman 'yon para matapos na ang lahat."

Ilang minuto pa siyang natahimik.

"Alam mo, minsan naiisip ko na paano kaya kung sinabi mo na lang noon kay Caleb ang totoo na may sakit ang asawa niya kaya ka makikipaghiwalay?"

Tinitigan ko siya nang deretso sa mga mata.

"Tingin mo iiwan niya ako kapag nalaman niya?"

Unti-unti siyang umiling. Tila nauunawaan na ang lahat. Ang dahilan kung bakit humantong ako sa ganoong paraan.

"Hmm. Sabagay. Mahal ka niya at alam ko kung gaano katigas ang bungo niya. Sigurado akong ipaglalaban ka pa rin niya. Pero infairness ngayon, laging nasa tabi niya si Fatima. Minsan nga naiisip ko kung si Fatima ba ang tumatakbong senador. Laging nasa TV kasama ni Gov, eh. Mukha siyang walang cancer ha."

Parang may pumiga sa puso ko. Pinigilan ko ang sariling masaktan dahil wala naman akong karapatan.

"May cancer nga 'di ba... Laging pino-promote ang bagong foundation na gusto niyang itayo for breast cancer patients..."

Napangiwi si Raffa.

"Sabagay. Ano na kaya ang nangyari kay Ben? Tinanggal na siya ni Gov 'di ba? Hindi ko na rin siya nakikita sa mga kasamang bodyguards ni Gov tuwing nasa TV."

Dahan-dahan akong umiling. Hindi ko rin alam. Sa tuwing naaalala ko ang kasunduan namin ni Ben, hindi ko maiwasan na makonsensiya. Kahit naman pareho naming ginusto na matapos na ang ugnayan ko kay Caleb, naiisip ko pa rin na sana hindi ko na siya dinamay pa.

The Senator's Woman (Published)Where stories live. Discover now