"Wala hong nababanggit si Daddy, Mr. Floresca. Pero ipinasasabing dadaan daw siya rito mamayang alas-otso pagkagaling sa meeting sa munisipyo."

"Ganoon ba?" Binalingan ni Gaudencio si Lora. "Kung ganoo'y umuwi ka na Lora at tulungan mo ang Tiya Lagring mong magluto." Ang tinutukoy nito'y ang matandang dalagang pinsang malayo na nakatira na sa kanila mula pa nang ipanganak si Lora. "Sabihin mo sa daddy mong sa amin na kayo maghapunan, Nelson." Pagkasabi niyon ay tumalikod na si Gaudencio at muling bumalik sa pinanggalingan.

"Muntik na tayong mahuli ng tatay!" baling ni Lora sa kasintahan nang lumiko sa may punong-kawayan ang ama. "Ikaw naman kasi... ang hilig mong..." Sadya nitong ibinitin ang sinasabi.

"Di mainam kung nahuli tayo," wika ni Nelson. "Tutal ay inaalok kitang magpakasal na tayo. Ikaw lang ang nagpapatawing-tawing pa."

"Bakit ka ba nag-aapura? Wala pa namang isang taon tayong magkasintahan, ah. At saka mga bata pa naman tayo."

"Eh, kailan mo gustong magpakasal tayo? Kapag pareho na tayong gumagamit ng tungkod?" sarkastiko ang tono nito.

Umikot ang mga mata ni Lora. "Napaka-eksaherado mo talaga. Hindi ko nga pala nabanggit sa iyo, luluwas ako sa Maynila sa katapusan ng buwan. Gusto kong dumalo sa isang one week live-in seminar sa photography." Hilig niya ang pagkuha ng mga larawan. Kaya naman nang magtapos siya ng kolehiyo noong isang taon ay agad siyang nag-enrol sa dalawang buwang crash course in photography.

Napatayo ang binata at hinarap siya. "One week seminar!"

"Pinadalhan ako ng imbitasyon ng dati kong propesora, Nelson. Katunayan ay nakatanggap din ang best friend kong si Lynette. Kilala mo siya, 'di ba? Nabanggit ko na siya sa iyo. Nasa Marinduque na ang pamilya niya ngayon."

Suyang tumango si Nelson. Dating taga-Patubig ang kaibigan ni Lora na si Lynette subalit hindi nito nakilala dahil nitong nagtapos lamang ito ng kolehiyo naglagi sa bayan ng Patubig.

"More or less two weeks akong mawawala. At pumayag na si Tatay..." patuloy ni Lora.

"Ang tatay mo pumayag, eh, ako? Binale-wala mo na ako?" naghihimagsik ang loob nitong sabi.

"Kaya nga sinasabi ko na sa iyo ngayon."

Tinitigan muna siya nang matagal ni Nelson, tinantiya kung gaano siya kadeterminado sa binabalak. Pagkuwa'y, "Paano ang trabaho mo sa bayan?"

"Magpa-file ako ng dalawang buwang vacation leave. At kung hindi sila pumayag, baka mag-resign na lang ako. Makakakita rin naman siguro ako ng ibang trabaho pagbalik ko." Tatlong buwan pagkatapos ng graduation niya ay agad siyang napasok sa isang local travel agency sa Calapan bilang tour guide.

And she enjoyed her job. Dahil nagagawa niyang magamit sa mga local and foreign tourist ang hilig niyang pagkuha ng mga larawan. Bukod doon, ay nakatatanggap pa siya ng bayad sa mga gawa niya. At hindi siya miminsang nangarap na sanay maging isa siyang mahusay na photographer. She wanted to take pictures on almost any subject. Tao man iyon, lugar, o kalikasan.

Pagalit na nagbuntong-hininga si Nelson. Natitiyak nitong hindi paaawat si Lora sa gustong gawin.

"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pang dumalo sa mga ganyang uri ng seminar," padabog nitong sabi. "Nag-aaksaya ka lamang ng oras. Bukod sa may maganda ka nang trabaho, nakita ko naman ang mga larawang nakasabit sa darkroom mo, ah. Very ordinary... nothing spectacular."

Nasaktan si Lora sa sinabi ng kasintahan. Subalit agad niya iyong itinago. Alam niyang hindi appreciative si Nelson sa mga gawa niya. At isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi niya masabi rito ang pangarap niyang magkaroon ng exhibit sa Maynila.

"Wala kasi akong magandang camera, Nelson," she said defensively, na sa isang banda ay totoo naman. Para makakuha ng isang mahusay na larawan, kailangan ay mayroon siyang angkop na camera. "Napakamahal naman kasi ng magandang klaseng camera. Kayamanan nang maituturing."

"Iyon naman, pala, eh! At saka bakit kailangan mo pa ng seminar diyan sa pagkuha ng mga litrato? Tulad ng mommy, kapag nakasal tayo'y magiging maybahay ka lang naman."

Bahagyang kumunot ang noo ng dalaga. Inikid-ikid sa mga daliri ang mahabang tirintas ng buhok.

"Hindi ba puwedeng pagsamahin iyon? I can be a working housewife hanggang wala pa tayong anak. Maybe I can have my own stu—"

"Anak?" paungol na putol ni Nelson sa sinasabi niya at itinaas sa ere ang dalawang kamay. "Anak na agad iyang iniisip mo. Ni hindi mo nga gustong sumamang manood ng sine sa akin sa bayan!" Naupo si Lora sa patay na punong tinayuan ng kasintahan. "Eh, kasi naman po, minsang sumama akong manood ng sine sa iyo, iyang mga kamay mo'y biglang dumami. Kung saan-saang bahagi ng katawan ko dumadapo. Wala tuloy akong naintindihan sa palabas sa kasasalag sa iyo."

"Na hindi ko naman maintindihan hanggang ngayon kung bakit kailangan mong magsasalag," wika nito sa nangungunsuming tono. "At kaya nasa sinehan ang magkasintahan, Lora, ay hindi para manood kundi samantalahin ang pagkakataong magkasarilinan sila."

Umangat ang mga kilay ni Lora. "Magkasarilinan? Sa dami ng tao sa loob ng sine?" "Lora, madilim sa loob ng sine!"

Ngumiwi ang dalaga. "Oo nga't madilim pero naaaninag mo pa rin ang mga tao. Ay naku, for all you know, si Aling Tacing tsimosa pala ang nasa likuran natin, di ikinalat tayo nito sa buong Patubig." Tumayo ang dalaga, niyuko ang lagayan ng pagkain ng mga itik at lumakad pabalik sa bahay nila. Kasunod niya ang mga itik sa pag-aakalang may bitbit siyang pagkain.

Mabilis na sumunod si Nelson. Hindi malaman kung patuloy na maiinis o matatawa na lang. 

"Iyon lang ba ang ikinatatakot mo? Iyong makita tayo ni Aling Tacing? Ba! Siguro nama'y hindi nanonood sa balcony iyon. Kuripot ang matandang iyon. Iyon nga lang sa orchestra, gusto pang ilibre sa kanya. Ilang beses iyong nanghihingi ng pases sa daddy para mailibre sa sine, ah..."

Tumawa ang dalaga. Tuluyang nakalimutan ang sama ng loob sa kasintahan.



*****************Grabe umpisa pa lang may ganap na agad.- Admin A **********************

Kristine Series 18, One Wish (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon