"Saan?" Lumingon siya sa kanan. Hindi niya nga alam kung saan titingin, pero mas pinili niyang tingnan ang dalawang mukhang hihimatayin. Nakita ko kung paano niya nginitian ang mga haliparot. Nakita ko rin kung paano nangisay ang isa at 'yong katabi niya'y natumba. Oh my God! Nahimatay?! Seryoso? Sabagay, natakot nang makakita ng ipis na GGSS. "Shit! Na naman?" pagmumura ni Green.

Kumunot ang noo ko. Na naman? Lakas ng hangin. "Ano'ng ginawa mo?" Hindi niya ako pinansin. Hayop! Hindi niya ako pinansin! Pinuntahan niya ang dalawang babae. Napairap ako sa ere at tumalikod. Bahala ka diyan!

"Xhaiden!" Tawag ni Green.

Hindi ako lumingon. Bumalik ako sa tapat ng kalsada para mag-abang ng taxi. Hindi naman kasi ako makahingi ng tulong kay Angel dahil nasa loob ng pouch ang cellphone ko. Wala na pa naman akong pera dito. Pisti talaga ang ipis na 'yon.

May dumaang isang taxi pero hindi man lang ako pinansin. Grabe, wala lang akong suot na pangyapak napagkamalan na akong pulubi?

"Para po!" Ikinumpas ko ang dalawang kamay sa papadaang jeep. "Manong, para!" sigaw ko nang muntik na rin niya akong lampasan. Huminto naman siya at agad akong sumakay.

Konti lang ang pasahero. Pang walo ako. Iba pa ang katabing babae ng driver na may hawak na bata, asawa niya siguro. Sa dulo naman ng jeep, katabi ng pinto, ay mukhang gangster na lalaki, punong-puno ng tattoo ang braso, may hikaw pa sa tainga at gilid ng bibig. Sa tabi ko naman ang isa pang lalaki na kung makahawak sa itaas ng jeep ay akala mo walang masamang amoy na nagmumula sa kanyang kili-kili. Ang baho! Pasimple akong umisod palayo.

Pakiramdam ko naman may humahagod ng tingin sa 'kin kaya napasulyap ako sa katapat ko. Nakatingin ang isa pang lalaki, teenager, may nakasandal sa balikat niya na babae habang hapit niya ang bewang. Gising naman ang babae pero kung umakto akala mo sa loob ng hotel. Miss, jeep 'to! PDK kayo masyado! Public display of kalibugan. (Credits to Jerson Quin Caballero.) Sarap sigawan. Kaasar, eh. Si Green kasi. Nababadtrip tuloy ako.

Katabi nila ang tatlong estudyante na nakauniform. Anong oras na ba at bakit sa galaan pa rin ang mga 'to? Kung makapagtsismisan at tawanan akala mo inarkila ang jeep. Nag-FX na lang sana kayo. 'Yong isa kung makapaghawi ng buhok akala mo naka-rejoice. Ang haba ng hair! Hindi naman maganda ang buhok. Mukhang noodles na patay na. Ako pa yata ang pinag-uusapan nila at tinitingnan ang paa kong walang suot na panyapak.

Pisti ka talaga, Green! Nagiging judgmental ako at hinihusgahan ngayon dahil sa 'yo.

Medyo malayo na ang tinakbo ng jeep. Nababahala na ako dahil hindi familiar ang lugar. Wala pa akong pera. 'Di pa nga ako nakakabayad at palagi akong ninakawan ng tingin ng driver. Hinihintay niya yata ang bayad ko. Nahihiya na ako.

"Manong, pasaan po pala 'to?" Lakas loob na tanong ko.

"Pier 15, Miss!"

"Pier 15 po?" Shit! Hindi ako familiar sa lugar na 'yon. Hindi ko alam kung bababa ako o hindi.

"Putangina!" Malutong na mura ni manong. Tumalsik ang ibang pasahero sa loob. Muntik na rin akong tumilapon. Napahawak ako sa dibdib at bumuga ng hangin. Akala ko babangga kami. "Hoy, putangina mo! Umayos ka. Hindi mo pagmamay-ari ang kalsada. Porke't mayaman ka nagmamayabang ka na?! Gago ka!" Napangiwi ako sa malulutong na pinagsasabi ni manong. Balak pa sana niyang bumaba at sugurin 'yong biglang humarang na kotse.

Hindi lang din pala si manong ang nagmumura dahil nagkakagulo na rin ang ibang sasakyan. Nasira ang daloy ng trapiko. Sunod-sunod ang pagbusina ni manong. Napatingin ako sa kotseng humarang. Unti-unti bumukas ang bubong nito at nalaglag ang panga ko. Oh shit! 'Di ko alam kung bababa ba ako o nanakawin ang bato ni Darna para makatakas sa lugar na 'to.

In a REALationSHIT (Trese Series #1) - PUBLISHED (PSICOM)Where stories live. Discover now