IAR [43]

72.4K 2K 609
                                    

Copyright © chiXnita

Green Ryder Loriete’s POV

ILANG MINUTO nang naputol ang tawag ko kay Xhai pero tulala pa rin akong nakatitig sa cellphone.

Nanginginig ang mga balikat ko. Halos madurog ang cellphone sa higpit nang pagkakahawak ko dito.

Hinampas ko ang manibela at pinasibat ang sasakyan. Pinaharurot ko ang kotse, walang pakialam kahit maaksidente.

Bakit ganito kasakit?

Alam ko naman… panakip-butas lang ako.

Alam ko naman… si Grant pa rin.

Alam ko naman… na ngayong binitiwan ko siya, putol na talaga ang taling nag-uugnay sa ‘ming dalawa.

Alam ko naman… na hinding-hindi niya ako mamahalin.

Alam ko naman na wala akong pag-asa… pero bakit umaasa pa rin ako? Umaasa na ako ang pipiliin niya sa dulo? Kahit na mahal nila ang isa’t isa. Extra lang ako.

Pero wala akong pinagsisisihan. Dahil kahit na isang hingahan ko lang na naging akin si Xhai… naging masaya ako.

At kung uulitin ang oras, mamahalin ko pa rin siya, kahit na ako lang ang nagmamahal sa ‘ming dalawa.

Nagparaya? Hindi ko ‘yon ginawa. Paano ako magpaparaya kung umpisa pa lang, ako lang ang nakakapit?

Dati pa lang… alam ko nang ito ang end game. Hindi magiging kami hanggang sa huli.

Mahal ko siya. At ayoko siyang masaktan pa. Sobra-sobra na ang sakit na pinagdaanan niya. Kaya kahit masakit bakit ako patuloy na kakapit kung sa pagbitaw ko’y magiging masaya siya ulit?

Gusto ko siyang ipagdamot. Gusto kong maging selfish. Pero paano? Ano’ng laban ko sa taong mahal niya at mahal na mahal siya?

Ano’ng laban ko sa taong handang gawin ang lahat para sa kanya kahit na nagmumukhang tanga? Sa taong handang isuko ang lahat para sa kanya? Sa taong kayang maghintay kahit gaano katagal dumating lang siya?

Mahal ko si Xhai, pero kahit saang anggulo at aspeto… tuldok lang iyon kapag si Grant na ang pinag-usapan.

*.*.*.*.*

Xhaiden Heather Roa’s POV

BAKIT KAHIT anong iwas ang gawin ko at takbo papalayo… hinahatak pa rin ako pabalik sa kanya?

We are opposites. North pole siya, south pole ako. Parallel kaming mga linya, simula pa lang nung umpisa. Never kaming nagtagpo. Palaging may namamagitang problema sa ‘ming dalawa. Marami. Mabibigat. At sobrang sakit.

Pero siguro nga… kahit na opposites kami, kahit na magkalayo kami… may magnet sa pagitan namin na parehas kaming hinahatak para magkalapit kami ulit.

Naghahanap ako ng masisisi sa mga nangyayari. Ako ba? Siya? O ang tadhana?

Nakatayo kami ni Grant sa tuktok ng kalsada. Walang nagsasalita sa ‘ming dalawa. Nakatitig lang kami pareho sa malawak na karagatang natatanaw dito sa itaas.

Maganda ang panahon. May kalamigan ang ihip ng hangin. Nakakarelax. Pero kabaliktaran iyon ng nararamdaman ko ngayon.

Namumuo ang makapal at maitim na ulap sa buo kong sistema. Nilalamon ako. Nagbabadya ang isang bagyong hahagupit para wasakin ulit ang puso kong unti-unti nang nakakaahon sa pinagdaanang unos.

Walang nagtatangkang mag-umpisa ng topic. Damang-dama ko ang tensiyon sa pagitan namin. Kung ang sistema ko nilalamon ng bagyo, ang puso ko… niyayanig, tila guguho.

In a REALationSHIT (Trese Series #1) - PUBLISHED (PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon