Ibinaling ang tingin sa Don Diaz at umayos ng tindig. "Ipagtawad niyo ho ang aking naging reaksyon, Don A-Alvaro?" pagtatanong nito sa pangalan ng Don na ikinatango lamang nito dahil batid niya ang kasalukuyang sitwasyon ng binata. "Hindi ko ho sinasadya ang biglaang pagbugso ng aking damdamin. Kung inyong bibigyang permiso, maaari ko bang hingin ang kamay ng Binibining Catalina upang makausap sandali?" Ibinaling naman nito ang tingin sa binibining Diaz at pinakawalan ang ngiting siyang bumihag sa puso nito.

Napaiwas na lamang ng tingin si Kalesi nang makitang bumalik ang ngiting-aso ni Catalina habang inaabot ang kamay ni Kiandro. Hanggang sa paglabas patungong hardin, hindi niya ito binigyan ng tingin. "Pasensya ka na sa inasta ng aking bunso, amigo. Nawa'y maintindihan mo ang kaniyang pinagdadaanan." pagbabalik ni Don Luis sa pagkakaupo. Hindi naman sumagot kaagad ang kaibigan nito 'pagkat 'di man sinasadya ay nainsulto rin ito sa pagiging biglaan ng binata.

"Kalesi?" nadako kay Marcelino ang kaniyang tingin. "Ayos ka lang ba? Bakit tila namumula ka?" inilapat pa nito ang likod ng kaniyang palad sa noo ng dalaga na lalong ikinamula ng kaniyang pisngi't tainga.

"Ah, ayos lang ako. Kailangan ko lang siguro ng tulog." asiwang ngiti nito sa binata. "Bakit? Hindi ka ba nakatulog kagabi? Masyado bang malalim ang mga nangyayari? Nais mo bang magpalamig muna?"

"Ah, hindi na. Batid kong marami ka pang inaasikaso. Hindi ko na nais pang dumagdag. 'Wag mo na akong alalahanin, naririyan naman si Esraela. Sige, papanhik na ako sa itaas. Don Luis, Don Alvaro, papanhik na ho ako." bago yumuko't magpaalam sa dalawa. Ngunit isang hakbang pa lamang ang nagagawa nito'y sumunod na sa kaniya si Marcelino. "Ama, sasamahan ko lang ho si Kalesi, may pupuntahan lang ho kami. Maaaari na ho ba namin kayong iwang dalawa?" pagpapaalam nito sabay hawak sa kamay ng dalaga. Nang bigyan ito ng senyas ni Don Luis ay agad na nitong hinila ang dalaga palabas ng mansyon.

Hindi na makapalag pa ang dalaga dahil kahit pa gustuhin nito'y wala siyang lakas upang makawala dahil inaamin nitong wala itong tulog kagabi, kakaisip kung totoo ba ang mga nangyayari. Habang papunta sa likod na bahagi ng hacienda ay tumigil si Marcelino sa kaniyang yapak at hinarap ang dalaga na marahil malalim pa rin ang iniisip. "Binibini? Ayos ka lang ba? Tila mayroon kang iniisip?" Pumitik ang tingin si Kalesi sa binata, itinataboy ang palaisipan kung paano siya tatakas at ipapaalam sa kampo ang nangyayari.

Nagpasilay na lamang ito ng isang matamis na ngiti na siyang nagpahawa sa binata. "Muy bonito..." napakunot na lamang ng noo ang dalaga sa tila banyagang komento ng binata ngunit nagpatuloy lang ito sa pagsasalita. "Maaari ko bang malaman ang laman ng iyong isip ngayon?" napataas ang kilay ni Kalesi nang marinig ang katanungan ng binata. Hindi niiya maaaring sabihin ang totoong nasa isip niya.

"Ahm... s-si... M-Mi...landrino..." paputol-putol pa nitong saad na parang nagdadalawang-isip pa. "...at ang aking ama..." bumalik sa kaniya ang ginawa nilang kasunduan ng binata. Ang kasunduang sanhi ng pagpapanggap nilang dalawa bilang magkasintahan. "M-Masaya akong nahanap mo na ang iyong kapatid n-ngunit... paano ang aking ama?" Ibinalik nito ang mukhang tila ba'y nag-aalala. Isang mahusay na pagpapanggap.

"Hindi ako titigil sa paghahanap. Hahanapin ko pa rin ang iyong ama." ibinida nito ang isang maliit na ngiti upang kahit papaano ay pagaanin ang loob ng binibini. Bukal ito sa kaniyang puso at batid niyang hindi nais niya itong gawin para sa dalaga, ano pa man ang

Ngunit isa pang katanungan ang pumasok sa isip ni Kalesi. "N-Ngunit... kailangan pa rin ba nating ipagpatuloy ang pagpapanggap? Gayong nagbalik na si Milandrino, hindi ka na maipipilit ikasal sa Binibining Catalina." inosenteng tanong nito suot ang inosenteng tingin sa binata. Kita ang pagbago ng ekspresyon ng binata mula sa isang maliit na ngiti hanggang sa diretso tingin sa binibini.

Ayon sa kanilang kasunduan ay sa oras na mahanap ang isa sa kanilang pakay ay doon na natatapos ang kanilang pagpapanggap. Lumihis iyon sa isipan ni Marcelino sa pagpapahalaga sa mga panahong kasama niya ang dalaga. "S-Sa ngayo'y kinakailangan pa rin nating ipagpatuloy ang pagpapanggap nang hindi ka mapalayas ni ama. Ang pinakaayaw niya ang mga nagsisinungaling kung kaya't mas mabuti pa k-kung hindi na muna natin ibubuking ang ating pagpapanggap."pinigilan nitong mautal na palatandaan nito sa tuwing nagsisinungaling o kinakabahan sa labas ng trabaho nito bilang isang binatang heneral.

PrequelaWhere stories live. Discover now