Samantalang hindi naman mawalay ni Marcelino ang tingin nito sa dalaga na tila hindi napapansin ang tingin nitong bahagyang nagsisisi dahil sa biglaang pagtataas ng boses nito kagabi bago pa sila pumanhik ng Inabanga.

"Don Alvaro, Binibining Catalina," pagbibigay-galang nito sa mga Diaz na sinalubong naman ng mag-ama. Nang maupo'y hindi pa rin natatanggal ang tingin nito sa dalaga na kahit isang beses ay hindi dumako sa kaniya ang tingin, animo'y hindi niya ito kakilala.

Sariwa pa sa kaniya ang mga pangyayari. Noong isang minuto ay nakikipagbakbakan ito sa sundalo ng mga Anastasia ngunit sa isang iglap ito ang pamilyang kaniyang nakalimutan. Wala pa ring bumabalik na alaala sa kaniya kung kaya't isang malaking misteryo pa rin sa kaniya kung sino ang mag-amang Diaz na napilitan siyang iharap ng kaniyang 'ama'.

"Kiandro?" bumalik ito sa ulirat nang marinig ang boses ng Don Luis na kaniyang ama. Nang ilibot nito ang tingin sa mga tauhan sa salas, halos lahat ay nakatingin sa kaniya at animo'y naghihintay ng kaniyang tugon maliban sa dalagang kanina pa niya pilit na pinapalingon. "Ah, pasensiya na po. Ano po ulit iyon?" ngunit sa halip na diretsang pagsagot sa binata'y bahagya pang napatawa si Don Alvaro na ipinagtaka ni Kiandro.

"Tunay nga ang sinabi mo, Don Luis. Nawala ang ngiti sa mga mata niya sa tuwing nagsasalita. Naaalala pa kaya niya ang kasunduan?" harap ni Don Alvaro sa kaibigan nitong gobernadorcillo. Napaiwas na lamang ng tingin si Don Luis at napatingin sa anak nitong halata ang pagtataka sa pinag-uusapan nila.

Tunay nga naman ang sinabi ni Don Alvaro na nawala ang ngiti nito sa mata sa tuwing haharap siya sa kung kanino, tulad ng kaniyang ina. "Hindi ko rin alam..." walang halong pagsisinungaling na tugon ni Don Luis. "... ngunit kilala ko ang anak ko. Mas pipiliin niya ang tradisyon. Sigurado akong tutupad siya sa kasunduan." May bahid man ng pagsisisi sa naging desisyon nito ay pinilit nitong ngumiti sa kaibigang Diaz. Batid niyang walang posibleng paraan palabas ng nagawa nitong kasunduan noong mga kabataan niya para lamang sa Dona Mariana at ang nagtali kay Milandrino sa kasalang hindi niya plinano.

"T-Teka. Maaari ko po bang itanong kung anong klaseng kasunduan ang inyong pinag-uusapan? At kung ano ang aking kaugnayan sa kasunduang ito?" kunot-noo nitong tanong. Nagsimulang kinabahan si Kalesi nang umayos ng upo si Don Luis upang sagutin ang katanungan ni Milandrino dahil batid niya ang nararamdaman ng binata para sa kaniya, at kahit na tinatrato lamang niya itong biro ay nandoon pa rin ang posibilidad na tunay ito. At kung ipagsigawan man niya iyon ngayon ay katapusan na niya.

Minataan nito si Don Luis na lumapit kay Kiandro at hinawakan pa ang mga kamay nito ngunit agad nadako ang tingin ng lahat sa Binibining Diaz na pumutol sa Don Luis. "Ikakasal na tayo, Milandrino." bagama't isang napakabastos na asta ang pagpuputol sa mga matatanda ay ngiting-aso itong tinitigan ang binata. Bakas ang saya nito dahil sa wakas ay matutupad na ang pinapangarap noon pa lamang na makasal sa binatang unang pag-ibig nito.

Napawi lamang ang ngiting-asong iyon nang masaksihan ang panlalaki ng mata ng binata at biglaang pagtayo nito. "Ano?!" bulyaw nito na ikinagulat ng lahat. "Hindi ako maaaring ikasal!" Sa isang iglap ay tumagilid na ang ulo nito nang sumunod ang kaniyang ama sa kaniyang pagtayo at sinampal siya sa kaliwang pisngi. "Kiandro!" Napahawak ito sa kaniyang kaliwang pisngi at ibinaling ang tingin kay Don Luis na matalim ang tingin sa kaniya dahil sa kabastusang ginawa.

Nang ibaling nito ang tingin sa mag-amang Diaz ay kita ang bakas ng kirot ng binibini sa naging reaksyon niya nang malamang ikakasal siya sa binibini. Doon lamang tumama sa kaniya ang naging asta niya at kung paano iyon nakakainsulto kay Binibining Catalina. Ngunit nang idako nito ang tingin kay Kalesi na katabi ng kaniyang kapatid ay nag-iwas ito ng tingin at bahagya pang nagtago sa likod ni Marcelino upang maiwasan ang tingin nito- bagay na lalong ikinagalit ni Kiandro.

PrequelaWhere stories live. Discover now