Taghoy Sa Hatinggabi - Kabanata 3

278 1 0
                                    

BILOG na bilog ang buwan ng gabing iyon. Parang umaayon sa honeymoon ng mag-asawa. Nagiging romantiko ang gabi. Ang liwanag na dulot ng buwan ay pumapasok sa nakabukas na bintana ng silid nina Randy. Bale ‘yun ang nagbibigay liwanag sa loob ng silid. Pinatay nila kasi ang ilawang de gaas.

Ang lamig na dulot ng hanging nagbubuhat sa labas na pumapasok sa loob ng silid ay hindi sapat upang palamigin ang mainit na pag-uulayaw ng mag-asawa nang mga sandaling iyon.

Ang kamang papag na pinatungan ng kutson na binalutan ng bed sheet ang piping saksi sa matamis na pagmamahalan ng dalawa. Ang katahimikan ng silid ng bahay kubo ay sinasalitan ng impit na ungol at halinghing na panaka-naka’y sinusundan ng hum ng mga kuliglig lupa.

“Iiwan ba nating bukas ang bintanang ‘yan sa ating pagtulog?” Tanong ni Aleli matapos ang mainit nilang sandali.

“Hindi. Isasara natin. Baka tayo sipunin.”

Bahagyang bumangon sa papag si Aleli at idinukwang ang mukha sa bintana. Buhat doo’y kita niya na parang malawak na karagatan ang lupain na natabunan ng lahar. Nagkikislapan na parang bituin ang mga butil ng buhangin sa tama ng liwanag ng buwan.

“An’laking pinsala talaga ang idinulot ng lahar, ‘no?”

“Oo. Maraming taga Bacolor ang nawalan ng bahay at kabuhayan dahil diyan.”

“Kawawa naman sila.”

“Halika na, matulog ka na. Isasara ko na ‘yang bintana.”

Inalis ni Randy ang tukod ng bintana at parang pahina ng libro na isinara ‘yun.

Lumaganap ang dilim sa loob ng silid. Hindi na makapasok ang liwanag ng buwan.

Hindi pa man gaanong naiidlip ang mag-asawa nang makarinig sila ng ungol. Sa una ay mahina. Pero palakas nang palakas. At ang ungol ay hindi lamang isa. Marami. Nananaghoy na parang nagmamakaawa. At ang tono ng panaghoy ay bahaw na parang nanggagaling sa ilalim ng lupa.

“Naririnig mo ba ‘yun Randy?”

“Oo, parang nananaghoy?”

“Sa’n kaya nanggagaling?”

“Ewan…?”

“Silipin natin.”

“Teka lang…”

“Bakit…?”

“Ihahanda ko ‘to,” sagot ni Randy na kinapa sa ilalim ng unan ang isang baril .38 na ipinakita kay Aleli.

“Dinala mo pala ‘yan.”

“S’yempre, para meron tayong proteksiyon.”

Kinapa ni Randy ang tukod ng bintana na nakasandig sa gawing ulunan ng papag.

Itinukod niya ‘yun at dahang-dahang itinulak. Unti-unting bumukas ang bintana na sumalubong sa kanila ang pumasok na liwanag ng buwan.

Biglang tumahimik. Nawala ang panaghoy nang ganap na mabuksan ang bintana.

“Yun din ang sumalubong sa paningin ng mag-asawa. Ang malawak na mala-disyertong lupain na natabunan ng lahar.

“Wala naman, a?” Sabi niya.

“Oo nga… pero kanina dinig na dinig natin?”

“Baka ugong lang ng hangin ang nadinig natin?”

Hindi kumibo si Aleli. ‘Yun din kasi ang nasa isip nito. Sa lawak ng lupaing iyon na wala kahit anong matatamaan ng hangin ay hindi kataka-taka na lumikha ng kakatwang tunog ang hangin.

Taghoy Sa HatinggabiWhere stories live. Discover now