Team 3

260 13 7
                                    

Baloy by @TheStupidFriendOfHer

Walang may alam sa tunay n’yang pangalan. Mula pa noong kabataan ko, Baloy na ang tawag namin sa kanya. Wala ring makapagsabi kung saan siya nagmula. Basta na lamang s’yang dumating sa aming bayan – sa San Jacinto – isang maalinsangang hapon sa tag-araw. Naging laman siya ng mga usapan at sa mga sulok ng lansangan. Basta na lamang kasi s’yang nakita na hinahalughog ang mga basurahan at natutulog sa mga bangketa. Pero sa kalaunan, naawa sa kanya si Padre Gilberto Urbina, ang butihing kura paroko ng aming bayan, at inampon siya nito. Naging miyembro ng sakristiya si Baloy bilang isang sakristan, at katulong na rin sa kumbento.

“Saan ka ba talaga nakatira, Baloy?” tanong ni Tatay Jun, ang ama ko, sa kanya isang araw nang makasalubong namin siya malapit sa simbahan.

“Taga-Bayan po ako,” sagot niya.

“Saang Bayan?”

Tila nag-isip ito at kumot pa ang noo. “’Di ko na po maalala, e.” Sa huli ay nasabi na lamang n’ya.

“Ano ang pangalan mo?” muli ay tanong ni tatay.

“Baloy po.”

Napangiti si Tatay saglit. “’Yong tunay mong pangalan ang ibig kong sabihin. Ang ibininyag sa’yo.”

Muling natigilan si Baloy at nag-isip. “Nakalimutan ko na po, e.” Napayuko na s’ya nang sabihin iyon.

“Bakit?”

“Nawala po ako sa daan!”

Ngayon, napahalakhak na si Tatay. “Nakalimutan mo na rin siguro ang pangalan ng Tatay mo, ‘no?”

“Hindi po,” agad n’yang sabi na nagsasabing sa bagay na ‘yon ay t’yak na s’ya. “Litong ang pangalan niya.”

“E, ang Nanay mo?”

“Soling po.”

“Nasaan na sila ngayon?”

“Hindi ko na po alam, e. Hinahanap ko nga po sila. Hindi n’yo po ba sila nakita?”

“Wala sila rito sa San Jacinto, Baloy!” sabat ko.

“Alam ko po. Kaya po ako narito!” sagot n’ya.

--

Dati, puro damuhan lamang ang makikita sa hardin sa kanlurang bahagi ng patyo ng simbahan. Ngunit magmula no’ng ampunin ni Padre Urbina si Baloy, naging magandang lugar na ito. Tinamnan niya ito ng iba’t ibang uri ng bulaklak. Sa lilim ng mayungyong na bougainvillea, naglagay din siya ng isang upuang yari sa kahoy. At tuwing dapithapon, uupo siya rito at saka niya tutugtugin ang kanyang basag at lumang gitara. Sa tuwina ay iisa lamang ang kantang tinutugtog n’ya—‘yon lang yata ang alam n’ya.

Dati-rati rin, naglalaro kami sa damuhang ito sa may patyo ng simbahan. Pagkatapos ng klase namin sa hapon, nagbubunuan kami nina Paulo at Kentoy, mga kaibigan ko, sa damuhan. Magtataguan kami. Mag-eesta-estatwahan. Maghahabulan. Ngunit magmula noong gumanda na ang hardin, napagbawalan na kaming maglaro roon. Dahilan para kinainisan namin si Baloy.

Isang hapon habang pauwi kami mula sa eskwelahan, hindi namin napansin na nasa hardin pala si Baloy. Nagbunuan kami roon. Para kaming mga kalabaw na nakawala sa koral. Maraming halaman ang nasira.

Nang dumating naman ang Saado ay nagkita-kita  kami ng mga kaibigan ko sa likod ng simbahan. Masakit talaga ang loob namin kay Baloy sa pag-agaw n’ya sa palaruan namin.

“Kelangang gumanti tayo!” pasigaw kong sabi.

“Sige!” wika ni Paulo.

“Ano’ng gagawin natin?” tanong ni Kentoy.

Fourth Attack - Do It Your WayWhere stories live. Discover now