Maraming nagsasabi na nasa sa akin na ang lahat. Maganda, matangkad, balingkinitan ang katawan. Hindi raw nakapagtataka kung sandamakmak na bulaklak at tsokolate ang matatanggap ko kada araw mula sa aking mga manliligaw. Hindi ako sang-ayon dito dahil lahat ng lalaking magtatangkang magpakita ng motibo sa akin ay namamatay.
"Anak, sinumpa ang pamilya natin. Wala tayong karapatang sumaya dahil lahat ng taong magmamahal sa atin ay mamamatay."
Umalingawngaw sa aking isipan ang sinabi ni Mama bago siya pumanaw. Taglay ko raw ang isang sakit na kung sino man ang taong iibig sa akin ay mapapahamak. Noong una, hindi ko ito pinaniwalaan dahil wala sa aking bokabularyo ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa mahika o sumpa.
Ngunit nang malamang nabaril si Dan, ang pangatlo kong manliligaw at tinadtad daw ito ng bala ay labis akong natakot para sa mga susunod pa. Ginawa ko ang lahat para wala nang madamay pang inosenteng buhay dahil sa akin. Lahat sila hindi ko sinagot. Maayos na ang lahat. Wala na akong nababalitaang namamatay.
"Gale! Na-miss kita, Parekoy."
Napaawang ang labi ko nang makita si David, ang aking matalik na kaibigan. Isa rin siya sa mga kababata ko kaya matagal ang pinagsamahan namin.
Simula noon, pakiramdam ko nagkaroon ulit ako ng karamay sa buhay. Hindi na ulit ako mag-isa. Siya rin ang nagpalakas ng loob ko na tanggalin ang anumang bagay na bumabagabag sa aking isipan. Gusto niyang maging masaya ako kaya heto, tinutulungan niya akong pumili ng tamang lalaki para sa akin pero...
Siya ang gusto ko. Matagal na.
Ngunit, kaibigan lang ang turing niya sa akin. Hindi na hihigit pa doon.
Sinubukan kong ituon ang sarili ko sa mga lalaking umaakyat ng ligaw sa akin. Natipuhan ko si Dylan at handa na akong sagutin siya.
Agad kong tinawagan si Aries, isa sa mga manliligaw ko. Ma-effort siya at matiyaga ngunit ayoko siyang paasahin sa wala kaya naman tinawagan ko na siya para sabihing itigil niya na ang panliligaw sa akin. Sa kasamaang palad, walang sumasagot sa kabilang linya. Tanging kaluskos lang ang naririnig ko kaya naman agad akong naalarma at dali-daling nagtungo sa tirahan nito para masaksihan ang katawan nitong naliligo sa sariling dugo. Walang buhay.
Isa na naman ang namatay dahil sa sumpang dala ko.
Nang minsang umuwi ako galing trabaho, tumambad sa akin ang mensaheng nakasulat sa pinto gamit ang dugo! Kinutuban ako bigla.
Dahan-dahan kong binasa ang mga nakasulat.
"Huwag na huwag kang magpapaligaw sa iba. Akin ka lang, Gale! Hindi ako papayag na maagaw ka ng iba sa akin. Tatandaan mo 'to, dadanak ang dugo kapag may sinagot ka sa mga manliligaw mo!"
Nang susubukan ko nang ibuka ang aking bibig para sumigaw, walang tunog ang lumabas mula rito. Nanigas ako sa kinatatayuan ko at aking naramdaman ang pawis na tumutulo sa aking sentido. Malamig ang panahon na sinamahan pa nang pagtaas ng aking balahibo. Nagsimulang gumapang ang takot sa aking sistema. Ayokong mangyaring isang buhay na naman ang maisakripisyo. Kung sino man ang taong may kagagawan nito, nasisiguro kong nasisiraan na ito ng bait.
"David! Kailangan na nating umalis dito. Delikado ang buhay nating dalawa lalo pa't mamamatay tao ang nasa likod ng mga pagpatay na nangyayari. Maaaring tama ka nga't hindi ito tungkol sa sumpa pero mas mabuti pa ring mag-ingat tayo." Sunud-sunod ang pagpatak ng mga luha ko at hindi maiwasang manginig ang aking buong katawan sa pinagsamang takot, kilabot at kaba sa aking dibdib.
"Hindi natin gagawin 'yon, Parekoy. Handa akong harapin siya. Hindi ako natatakot sa kanya. Aalamin ko kung sino siya," mariing pagkakasabi ni David sa akin.
Tumingin ako sa mga mata niya nang mapansing kanina pa pala siya nakatitig na parang pinag-aaralan ang bawat parte ng mukha ko. Nakakunot ang noo niya na tila ba nag-aalala. Lalo lamang akong umasang may pagtingin din siya sa akin.
YOU ARE READING
Behind her Curse
Mystery / Thriller[One shot story] Taglay ni Gale ang katangian ng isang babaeng pinapangarap ng lahat ng kalalakihan. Ika nga nila, nasa kanya na ang lahat kaya hindi malabong maraming lalaki ang umaaligid sa kanya. Isa sa mga ito ang nakakuha ng puso niya ngunit ma...
