"Maghanda ka, Kiandro." Ngunit umiling ito at ibinaba ang sundang na hawak ng dalaga. Bagama't nagtataka ang dalaga sa kaniyang ikinilos ay ngumiti lang ito sa dalaga. "Hindi kailangan ng dahas. Ako ang bahala, binibini." Humakbang ito papalapit sa guardia civil na sakay ng kabayo. Pipigilan pa sana ito ni Kalesi dahil baka makilala siya ng guardia bilang ang bunsong Anastasia ngunit hindi niya ito itinuloy, pinanghahawakan na hindi pa ito kilala ng nakakarami.

Hindi rin niya sinabi kaila Ca Kirong at maging sa kaniyang ama na ang bihag nila ay ang bunsong Anastasia dahil aa oras na malaman nila, siguradong ipapapatay nila ito. Ang planong isinaisip ni Kalesi ay kuhanin ang tiwala ng binata saka siya gagamitin laban sa sarili niyang pamilya. 'Manggagamit na kung manggamit. Hindi naman tayo aabot sa ganito kung hindi inagaw sa amin ang aming bayan.'

"Señor!" bungad ng binata sa guardia civil na ngayo'y nagkasalubong ang kilay. "Anong ginagawa ng mga sibilyang tulad ninyo sa gitna ng kagubatan?"

"Pasensya na, senor. Ito ang rutang tatahakin sana namin pauwi ng aming bayan ngunit tinangay ng isa sa aming kabayo ang kalesa." Napatango naman ang guardia civil sa palusot ng binata ngunit napako ang tingin nito sa dalaga na matalim ang tingin sa kaniya. Bahagyang nanlaki ang mata nito nang makitang may hawak itong sundang. Magsasalita na sana ito nang harangan ni Kiandro ang pagtingin nito sa dalaga.

"Pasensya na, senor, ngunit.. bakit ninyo tinitingnan ang aking asawa?" Maging si Kalesi ay nagulat sa turan ni Kiandro. Palihim niya itong siniko nang tabihan ito ng binata at ipatong ang braso nito sa balikat niya saka hinagkan ang 'asawa' nito.

"Paumanhin, señor. Hindi ko napansing esposa niyo pala ang binibini ngunit... maaari ko bang maitanong kung bakit may hawak na sundang ang iyong asawa?" Napatingin silang tatlo sa hawak na sundang ng dalaga. Pilit na lamang ngumiti si Kiandro.

"Ah, pagpaumanhin niyo na ang aking asawa, señor. Sadyang masyado lamang palaban ang aking misis kung kaya't nang marinig niya kayong sumigaw ay inilabas niya na kaagad ang kaniyang sundang upang maprotektahan ang aming anak." palusot muli ng binata sabay haplos pa sa tiyan ng binibining payat naman. Nagulat naman dito si Kalesi dahil sa hindi inaasahang paghaplos sa kaniya ni Kiandro. Kita namang napalunok ang binata nang tumango ang guardia civil sa muling pagsisinungaling nito. Pasimpleng sumulyap din ito sa dalaga dahil batid niyang kapusukan ang ginawa niyang paghaplos sa isang binibini.

"Kung gayo'y hayaan niyong gabayan ko kayo palabas ng gubat na ito. Hindi ligtas rito sapagkat dito naroroon ang kuta ng mga hampas lupang mga rebelde." Tila napintig ang tainga ng dalaga sa narinig na pagbigkas ng guardia sa rebelyon. Ang insultong iyon ang kaniyang ikinainis. Napansin iyon ng binata kung kaya't palihim na hinawakan nito ang kuyom na kamo ng dalaga upang pigilan nito ang sarili sa anumang balak gawin nito.

"Hindi na. Kami na ang bahala, senor. Salamat na lamang sa inyong alok at busilak na puso." Yumuko pa kaunti ang binata sa guardia. "Hindi. Insistí (I insist.) Hindi ko hahayaang mayroon na namang mapahamak dahil lamang sa mga rebeldeng nakakubli sa kagubatang ito." Tatanggi pa sana ang binata ngunit inunahan na siyang magsalita ng dalaga.

"Hindi mo ba narinig ang tinugon ng aking asawa? Hindi na namin kailangan ng iyong tulong. Kaya naming umalis rito ng ligtas ng wala ang iyong tulong." saka tinalikuran ang gulat na guardia civil at ibinalik ang baul ng pagkain ng kalabaw sa karwahe bago ito hinila. Buti na lamang ay sumabay na ito sa kaniya.

Nagkatinginan naman si Kiandro saka ang gulat na guardia. Asiwang ngumiti na lamang ang binata. "P-Pagpasensiyahan niyo na ho ang aking misis. Alam niyo naman po ang mga buntis, masusungit." bahagya pa itong tumawa saka hinila ang kabayo para sundan si Kalesi.

"Hindi mo naman kailangang sungitan ng gano'n ang guardia. Sabi ko naman sa iyo na ako ang bahalang makipag-usap sa kaniya." bulong pa nito nang maabutan ang dalaga.

PrequelaWhere stories live. Discover now