"Ama! Si ina!" Hindi niya pinansin ang pagtawag ng mga anak nito sa kaniya sa halip ay inasikaso ang kaniyang minamahal na asawa. "Mariana?" Umubo ito ng ilang beses ngunit ngumiti sa Don, pilit na ipinapahayag na ayos lamang siya.

"Ama, ilayo niyo na rito si ina. Kami na ang bahala rito." Inilabas ni Milandrino ang kaniyang rebolber mula sa likod at tinanguan ang kaniyang kuya. Hindi man nagkakasundo sa ilang bagay ang magkapatid ngunit iisa ang diwa nila at hindi maipagkakaila pantay ang angking talino, lakas at diskarte ng mga ito.

Tatayo na sana ang dalawa sa pagkakaluhod sa harap ng ina upang makipagsapalaran ngunit isang hawak sa kamay ni Milandrino ang nagpatigil sa kaniyang mga yapak. Liningin niya ang nagmamay-ari ng malaking kamay na sumakop sa kaniyang braso- ang maamong mukha ng kaniyang ama. "Milandrino, ipangako mo sa aking mag-iingat ka. Ikaw ang alas ng pamilya." Ngumiti ito sa ama bago iwan at magtago sa likod ng nawasak na parte ng kuwadra.

Ikinasa nito ang rebolber at sumilip muli sa nangyayaring paglusob. Patuloy pa rin ang mga daing, sigaw at mga tunog na sandata ng magkabilang panig ngunit isang bagay ang siyang pumukaw ng kaniyang atensyon.

Isang rebeldeng may salakot at talukbong na tumatakip sa kaniyang ilong pababa. Maliksi itong kumilos, mabilis at malinis gamit lamang ang sundang na iwinawagayway nito. Wala kang mababahid na sariwang sugat dito dahil malinis pa rin ang suot nitong maluwang na damit pang-magsasaka. Ngunit ang bagay na ikinakataka nito ay ang pigura mismo ng rebelde. Tulad ng isang binibini ang mga kurba ng katawan nito kahit na't maluwag ang pananamit nito.

Iniwaksi ni Milandrino ang palaisipang iyon sa kaniyang sistema at itinutok ang baril sa rebelde. 'Kahit pa'y ikaw ay isang binibini, ika'y isang rebeldeng kalaban ng bayan. At ang sinumang kalaban ng bayan ay siya na ring kalaban ko.'

Ipinutok niya ang rebolber. Napamura ito nang may humarang na isang sundalong Kastila at ito ang natamaan ng bala sa halip na ang rebeldeng may salakot. Sa pagluhod ng sundalong natamaan, isang pares ng mata ang sumalubong sa kaniya. Mata ng rebeldeng may salakot sa ulo.

Humakbang ito papalapit ngunti hindi makagalaw ang binata sa kinaroroonan nito. Tila napako ang tingin nito sa mata ng rebelde, isang matang naaninag na niya noon pa man. Muli ay iniwaksi nito ang pigura ng rebelde at lumabas sa pinagtataguang wasak na parte ng kuwadra. Itinutok niya muli sa rebelde ang kaniyang rebolber na hawak at pinaputukan ito ng dalawang beses.

Nasanggi nito ang isang bala gamit ang sundang na hawak ngunit hindi na naagapan pa ang pangalawang bala dahilan ng pagbitaw nito sa kaniyang sundang at madaplisan ang kaliwang kamay na may hawak ng sundang. Tumalim ang tingin nito sa binata at dali-daling tumakbo tungo sa kagubatan at nakihalo ito sa mga puno at matataas na damo. Agad naman itong hinabol ng binata ngunit napatigil rin nang makita ang dulo ng kagubatang iyon, isang bangin na ilang metro na lamang ang layo niya.

Hawak pa rin ang rebolber nito ay humakbang ito paatras ngunit isang pwersa ang tumama sa likod nito dahilan ng paglipad ng baril na hawak at pagluhod niya. Sinalo ng rebeldeng may salakot ang baril na nabitawan ng binata at sa kaniya mismo ito itinutok. Agad na napalingon sa kaniya ang binata.

"Sino ka?" Maging ang tinig nito ay hindi isang katangiang taglay ng isang ginoo. "Sino ka?!" Tila nawawalan na ito ng pasensya. Pasimpleng pinasadahan ng rebelde ang binata saka ngumisi na ikinataka nito. "Base iyong magarbong barong tagalog, pares na balat na sapatos at gintong relos, galing ka sa isang mayamang angkan. At walang ibang mayamang angkan ang nasangkot dito kundi ang... mga Anastasia." Pinagdiinan nito ang pagkabigkas sa pamilyang kinasusuklaman nito. Kuyom ang kamao, humigpit ang hawak nito sa baril. "Marahil ikaw ang bunsong Anastasiang hindi pa napapakilala sa nakakarami." Lumawak ang ngisi nito ang makita ang pangamba sa mukha ng binatang bihag na pilit hindi ito ipakita. Hindi niya aakalaing ang bunsong Anastasiang itinatago at pinoprotektahan ng buong angkan isang dakilang duwag.

"Ngunit..." tumigil ito. "Ano ang ginagawa ng isang gaya mo sa kasagsagan ng gyera? Hindi ba't dapat ay naliligo kayo sa yaman at kapangyarihang nalikom niyo sa mga uto-utong taong itinuturing kayong Diyos? Habang ang mga taong bayaran, mga alipin ang nagbabayad ng serbisyo, at binubuwis ang buhay nila sa mga walang kwentang kaluluwang taglay niyo!" Tila may ipinaparating na lihim na mensahe ng hinanakit. Hindi iyon inalintana ng binata at pasimpleng minasid ang paligid ngunit nadismaya nang walang makita kundi putik, tuyong dahon at ibong walang kamuwang-muwang.

Tumingin ito sa likod ng rebeldeng may salakot at ipinasilay ang gulat nitong mukha— bagay na napansin ng rebelde, dahilan ng paglingon nito para malamang makita ang kasagsagan ng pag-aalsa, ilang kilometro ang layo sa kanilang kinaroroonan. Kumunot ang noo nito nang walang makitang banta na malapit. Hindi pa ito nakakalingon muli sa binata ay sinipa na nito pataas ang baril na hawak dahilan ng muli nitong pagpaglipad sa ere.

Hindi na nagkaroon ng pagkakataong magulat dahil tinulak na siya ng binata upang saluhin ang baril ngunit hinawakan niya ito sa braso at hinila pababa kung kaya't hindi napasakamay ng binata ang baril. Agad na tumayo ang rebelde upang saluhin muli ang baril. Ngunit nang napasakamay niya na ito ay biglang hinagkan siya ng binata mula sa likod- bagay na ikinagulat nito maging ang binata na nakumpirma na rin, sa wakas, ang kaniyang hinuha.

Ang rebeldeng hindi kilala ay isang binibini.

Tumama ang ulo ng rebelde sa dibdib ng binata. Akmang kakawala na ito ngunit hinigpitan pa ng binata ang pagkahagkan niya sa rebeldeng binibini. "Wala ka nang kawala pa... binibini." Nagulat man sa kapusukang ginawa ng binata sa pagbulong nito sa tainga at paghagkan, siniko niya ito ng pagkalakas-lakas dahilan ng pag-atras nito. Umikot pa ng sipa ang rebelde na tumama sa likod ng ulo ng binata dahilan ng pagkaluhod nito at ang pagkaagaw sa kaniya ng baril.

Muli, ang binata na nakaharap sa bangin ang naging bihag.

"Tayo." utos ng rebelde habang nakatutok ang nguso ng baril sa batok ng binata. Iniligay nito ang dalawang kamay sa likod ng batok bago tuluyang tumayo, simbolo ng pagsuko. "Huling salita, Anastasia?" Pasimpleng sinilip ni Milandrino ang ibaba ng bangin na kaniyang kinakaharap at unti-unting napalunok nang makita ang matutulis na bato at ilog ilang kilometro pababa.

"N-Nais ko..." Napataas ang kilay ng rebelde sa pagbitin ng sasabihin ng binata. "Nais ko..." Ikinasa na nito ang baril na hawak dahil sa pagkawala ng pasensya. "Nais mong ano?"

"Nais kong masilayan ng una't huling beses ang iyong wangis." Nanlaki ang mata nito at hindi sinasadyang itinulak ang binata nang bigla itong humarap sa kaniya at hinugot ang suot nitong salakot at talukbong— kasama niyang mahulog sa bangin.

Tila bumagal ang ikot ng mnundo nang makita ng binata ang wangis ng binibining rebelde. Makinis na kutis, hugis mani (almond) at kapeng mga mata, mahaba at kapeng buhok, matangos at maliit na ilong at mapupulang labi. Mga katangiang hindi niya malilimutan.

Napaupo ang dalaga sa pagkagulat sa ginawa ng binata. Lumakas ang kabog ng puso nito sa hindi malamang dahilan, sa hindi inaasahang pagkakataon.

Muli niyang sinilip ang lalim ng bangin ngunit wala na siyang namataang bakas ng binata. Napasinghap ito.

"Kalesi!" Nabalik ito sa ulirat at muling tumayo saka dinampot ang baril na pagmamay-ari ng binata. Dumapo ang atensyon nito sa talipapa kung saan nagaganap ang paglusob para sa pangangailangan ng rebelyon. Akmang tatakbo ulit ito pabalik ngunit may kung anong pwersa ang nagpalingon muli sa kaniya sa bangin. Napahawak ito sa kaniyang hindi mapigilang pagkabog ng dibdib. Napangisi ito sa kaniyang tagumpay... dahil wala na ang bunsong tagapagmana ng mga Anastasia.

***

P.S. Ang Rebelyong Dagohoy noong 1744-1829 ay totoong nakasaad sa kasaysayan ng PIlipinas bilang ang pinakamatagal na rebelyon laban sa mga Kastila. Ngunitang mga katauhan: mga Anastasia at si Kalesi ay mula lamang sa aking imahinasyon at pawang imahinasyon lamang. Salamat poooo.

gobernadorcillo - governor

PrequelaOù les histoires vivent. Découvrez maintenant