Hindi ko na nagawang sumagot ngunit nabaling muli ang tingin sa akin ng babae. "Hindi ko alam na kakaiba pala ang kasuotan sa Cavite, Señorita," saad nito. Napatingin ako sa suot kong tshirt at faded jeans. Naiiba nga ito sa pananamit nila. "Ganito talaga ang pananamit ng mga magaganda," saad ko sa kaniya at palihim na natawa. "Tila nagbago rin ang inyong pakikisama Señorita, nakakagulat ang biglaan niyong pagkapilya," saad nito at ibinaling ko na lang ang tingin sa bintana ng kalesa. Feeling ko tuloy artista ako dahil ako lang ang may kakaibang pananamit sa kanila.

Huminto ang kalesa sa tapat ng malaking mansyon na may malawak na espasyo para sa mga kabayo at magagandang mga bulaklak, gulay at halaman. Napanganga ako sa sobrang pagkamangha. Hindi ako aware na may palasyo pala dito.

Hinanap ko ang cellphone ko sa bulsa upang magselfie ngunit napabagsak na lang ang balikat ko nang mapagtantong wala ito sa akin. "May problema po ba, Señorita?" tanong ng babae sa'kin. "Inisnatch yata ng lalaki 'yung cellphone ko kanina," saad ko sa kaniya ngunit nagtaka ito sa sinabi ko. "Inisnat? Selpon?" tanong niya at napailing na lang ako habang natatawa. Hindi nga pala sila nakakaintindi ng ibang lenggwahe bukod sa tagalog. "Nevermind- ah, huwag mo na lang isipin," saad ko sa kaniya at napatango na lang ito kahit pa nagtataka.

Inalalayan kami ng kutsero para makababa at inahatid na kami sa pintuan. "Tiyak na masasabik sila kapag nalamang nagbalik ka na," bulong sa akin ng kasama kong babae.

Binuksan na nito ang malaking pinto at gulat na napatingin sa amin ang mga kasambahay. "Soledad!" agad yumakap sa akin ang hindi pamilyar na babae animo'y sabik na sabik sa aking presensya. "Ang tagal nating hindi nagkita, kumusta ka na?" tanong nito sa akin matapos kumawala sa pagkakayakap. "Close ba tayo sis?" tanong ko sa kaniya ngunit mukhang wala itong naintindihan sa sinabi ko. "Paumanhin ngunit hindi ko maintindihan ang iyong tinuran?" tugon ng babae sa akin. May morena rin itong balat at may straight na buhok na aabot hanggang sa kaniyang siko. Para siyang bagong rebond dahil unat na unat ang buhok niya.

"Marahil ay pagod ang Señorita. Bumalik ka na lamang bukas ng umaga Almira," pagpapaliwanag ng babae sa tabi ko. "Maligayang pagbabalik Soledad!" muling bati sa akin ng babae na Almira pala ang pangalan. Yumuko na ito sa amin bago magpaalam.

Nagtungo kami sa ikalawang palapag ng bahay. Hindi ko mapigiling mamangha sa paligid. May mga chandelier na nakasabit sa kisame at may mga babasaging vase na may magagandang disenyo ang nakalagay sa bawat sulok ng bahay.

Binabati ako ng mga nakakasalubong ko ngunit karamihan sa kanila ay parang natatakot sa akin. "Marahil ay nagbalik nanaman siya upang muling magsungit sa atin," napatingin ako sa dalawang babaeng nagbubulungan at agad silang napayuko nang makita ako. Nagpatuloy sila sa kanilang mga ginagawa at hindi na muling nag-usap. Anong ibig nilang sabihin?

Narating namin ang pinakadulong silid. Medyo may kalakihan ito kumpara sa ibang mga kwarto. "Maari na kayong tumuloy, Señorita. Kukuha ko lamang kayo ng damit upang makaligo kayo bago magpahinga," saad niya sa akin. Siya ang nagaasikaso sa akin simula pa kanina ngunit hindi ko man lang alam kung anong pangalan niya.

"Anong name mo nga ulit?" tanong ko at nagtaka ito sa sinabi ko. "Ah, ano nga ulit ang pangalan mo?" muli kong tanong sa kaniya. Kinakabahan ako dahil kanina pa siguro siya naguguluhan sa mga sinasabi ko.

Nagkunwari na lang ako na alam ko talaga ang pangalan niya dati at nagpanggap lang ako na nakalimutan ito. "Hindi niyo po ba talaga ako natatandaan Señorita?" tanong nito sa akin nang may pagtataka ngunit may maliit na ngiting sumisilay sa kaniyang labi. "Kungsabagay, isang linggo lamang akong nagsilbi sa inyo bago kayo umalis patungong Cavite. Naiintindihan ko kung bakit hindi niyo maalala ang aking ngalan gayong saglit lamang tayong nagsama," saad nito at napahinga naman ako nang malalim dahil sa sinabi niya. Akala ko magiging weird nanaman ako sa paningin niya.

PahimakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon