Chapter 1

49 1 0
                                    

"PASENSYA na nasiraan tayo. Lipat nalang kayo sa ibang jeep." Isa-isang binalik ni Manong ang mga bayad namin. Kanya-kanyang reklamo ang mga pasahero na nakakasabay ko pababa sa jeep.

Badtrip din ako ngunit wala na akong lakas para gatungan sila. Alas sais na ng hapon, pauwi palang ako mula sa fast food na aking pinagtatrabahuhan. Kung minamalas ka nga naman, ngayon pa tumirik ang jeep na aking sinasakyan. Torn between 'lilipat sa ibang jeep' or 'maglalakad nalang' . Kung tutuusin ay apat na kanto nalang ang layo at mararating ko na ang kinatitirikan ng apartment ko.

Lumingap ako sa paligid. Drained na drained ako ngayon, siguro isasantabi ko muna ang pagiging praktikal. Kapag may dumaan na jeep, kahit puno ay sasabit nalang ako. Aba! Wala na ata akong lakas para maglakad! Hindi biro ang 9-5 job lalo na kung sa fast food ka nagtatrabaho! Ala-bampira dapat ang kilos mo dahil kabi-kabila ang may kailangan ng serbisyo mo. Lakad dito, lakad doon, tawag dito tawag doon, abot dito abot doon. Late pa madalas makapaglunch dahil dagsaan ang tao tuwing lunch time. Pigil na pigil kong mang-agaw ng chicken joy kapag oras na ng tanghalian at hindi pa ako kumakain.

Sa isiping iyon ay agad kumalam ang sikmura ko. Bakit kasi wala pang dumadaan na jeep! Kanina pa ako naaakit sa waffle na tinitinda sa kabilang kalsada. Napasulyap tuloy ako sa hawak kong pamasahe... Mukhang wala naman ng dadaan na jeep.

Tinawid ko ang kabilang kalsada na kinaroroonan ng stall na may nakangiting waffle. "Kuya magkano sa waffle?"

"Daks o juts?"

"Ha?" Aba gago 'to ah! Nagsurvey muna bago nagbenta! "S-Syempre daks... di naman nakakavirgin ang jutay no." Halos pabulong ang pagkakasabi ko sa huling pangungusap.Bakit ba kasi may survey pang ganito?! Gusto ko lang naman bumili!

Humagalpak ang tinderong kaharap ko. Kumaway sa akin ang sungki niyang mga ngipin. "Te ang tinatanong ko kung daks o juts ba na waffle. Magkaiba kasi ang presyo ng dalawa." Nilahad ng kanyang kamay ang menu na nakapaskil sa estante. Large at small pala ang kasingkahulugan ng Daks at juts. Napahiya ako ha!

"O'siya juts nalang, sampo lang ang pera ko e." Inabot ko agad ang bayad nang makuha ang order ko. In fairness, hindi naman ganoon kaliit ang juts, sulit na din ang sampung piso ko.

Natigil ako sa pagnguya nang isang pag-igik ang narinig ko mula sa kung saan. Nang magbaba ako ng tingin ay agad kong nasalo ang pares na mga mata ng isang tuta. Tumahol siya ngunit paos iyon.

Ang panget naman ng tutang ito!

Sumulyap ako sa waffle na hawak ko. Tingin ko iyon ang tinitignan niya.

"Gusto mo?" Parang tanga ko siyang kinausap. Nakatingala lang siya sa akin na animo'y nanghihingi.

Nag-squat pa ako upang pantayan siya. Kumurot ako sa waffle at nilapag iyon sa lupa. Napangiti ako nang mabilis niya iyon lantakan.

"O'sige, diyan ka na ha?" Tumayo na ako at nagpatuloy sa paglalakad. Gusto ko sanang haplusin ang balahibo niya ngunit hindi ko magawa, bukod kasi sa madumi siya, naglalagas din ang itim niyang balahibo. Napapaisip tuloy ako kung nagkaka-cancer ba ang mga aso?

Naglalakad ako't masayang ngumunguya nang maramdaman kong may sumasabay sa aking paghakbang. Awtomatiko akong napayuko... at lintek! Yung kalbong tuta sinasabayan ako sa paglalakad!

"Haaay! Alam mo aso, gutom din ako! Pati ba naman sa jutay kong waffle makikihati ka?" Ang ngunguyain ko na sanang waffle ay niluwa ko pa. Nanghihinayang ko iyon ibinigay sa kanya. Punong-puno ng inggit ko siyang pinanood sa paglantak.

Kawawa naman ang tutang 'to gutom na gutom...

Tumayo ako at binitbit siya sa magkabilang kili-kili. Mataman ko siyang tinitigan at tinapat sa aking mukha.

"Malabong may mag-aampon sayo kasi panget ka..." Lumibot ang aking paningin sa kabuuan niya. Sindilim ng gabi ang naglalagas niyang balahibo. Marumi siya ngunit wala naman siyang galis or skin disease. Natigil ako sa pagsusuri nang mapadako ang aking paningin sa kanyang mga mata. Tahimik at maamo ang mga iyon. Tulad ko ay nakamasid lang din siya sa akin. "Ang panget ng physical appearance mo... pero yung mga mata mo... kakaiba. Ang ganda."

Kulay tsokolate ang pares niyang mga mata. Lahat naman ng aso maganda ang mga mata... pero yung sa kanya ay kakaiba. Ah, basta kakaiba! Parang may something sa klase ng tingin niya. Nakakalunod... buhay na buhay... 

Para bang hindi aso ang nagmamay-ari?

Haay! Pagod lang 'to!

"Sige na nga, aampunin na kita. Kawawa ka naman." Inayos ko ang pagbitbit sa kanya at nagpatuloy sa paglalakad.

Sa bungad palang ng compound ay tanaw ko na ang pag-arko ng kilay ni Aling Pokwang. Alam ko kung bakit ganyan ang hilatsa ng kanyang mukha. Hindi ito ang unang pagkakataon na may pinulot akong hayop at inuwi ito sa compound.

"Magandang gabi Aling Pokwang."

"Magandang gabi din naman." Lukot ang kanyang mukha nang magtapon siya ng tingin sa bitbit kong tuta. "Ano na naman 'yang napulot mo Sabrina? Noong nakaraan pusa, kita mo nga at binuntis pa ng barakong iyon ang pusa ko. Dumami lang ang kuting dito sa compound. Pagkatapos ano? Lumayas na, hindi na nagpakita, hindi pinanindigan ang alaga ko tapos hindi man lang nagpaalam sayo. Walang konswelo!"

Napakamot ako. "Aling Pokwang talaga oh..."

Napairap siya't napabuntong hininga. "Lahat nalang ata ng hayop na makikita mo sa daan ay inaampon mo. Pang-ilang hayop na ba 'yan?"

Napangiti ako. Pakielamerang landlady si Aling Pokwang ngunit naaappreciate ko ang panenermon niya. Hindi ko kasi naranasan makatanggap ng sermon mula sa isang ina. Baby palang ako noong mamatay ang mga magulang ko. Ang kwento sa akin ng mga madre sa ampunan ay nasunog daw ang bahay namin at ako lang ang nakaligtas.

Sa ampunan na ako lumaki at nagkaroon ng isip. Noong makagraduate ako ng senior high school ay hindi muna ako umalis sa ampunan. Sinuklian ko muna ang mga kabutihan sa akin ng mga madre. Mula sa kusina, pag-aasikaso at pagpapaligo sa mga bata ay tinrabaho ko. Noong tumungtong ako ng bente at tingin ko'y bayad na ako sa mga utang na loob, tuluyan na akong lumisan sa ampunan. Nagsarili ako at naghanap ng trabaho. Naging hilig ko ang pagpulot at pag-ampon ng mga hayop na nakikita ko sa daan, siguro dahil nakikita ko sa kanila ang aking sarili.

Lumaki ako sa ampunan, kung walang orphanage ay baka tulad din ako ng mga stray dogs and cats na natutulog lamang sa gilid ng kalsada, walang makain, walang masilungan, walang seguridad. Or mas worst, baka noon pa man ay patay na ako. Sabi nga nila sister ay baby pa ako noong maulila ako sa magulang, so kung walang orphanage at walang kumupkop sa akin... tiyak patay na ako.

Ano ba naman kasing magagawa ng isang baby? Makakahanap ba agad iyon ng pagkain? Makakahanap ng sisilungan? Makakaiwas sa mga humaharurot na sasakyan?

Tulad ng tutang ito, deserve niya rin na may mag-alaga sa kanya, deserve niyang magkaroon ng mauuwian... kahit ang panget niya.

"Sabagay, alam ko naman kung bakit hilig mo ang pagkupkop. O'siya ano bang pangalan niyang tutang 'yan?" Hindi maipinta ang mukha ni Aling Pokwang habang nakamasid pa din sa tuta na aking karga.

Hmm, ano nga bang bagay na pangalan sa kanya?

Payat, marumi, mabaho, panot... di naman kasi siya totally na kalbo, may balahibo naman siya—manipis nga lang. Mukha talaga siyang may cancer.

"Pogi."

"Ha?!" Mas lalong umangat ang kilay ni Aling Pokwang. "Sure ka?!"

Hinaplos ko ang manipis na balahibo ni Pogi. "Oo naman Aling Pokwang. Pogi— kahit yung pangalan niya nalang."  

My Handsome PetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon